Day 2556

62 10 71
                                    

7 years later...

MARCH 07, 2029

Hindi pa man sumisikat ang araw ay nakahanda na si Kiel Romero sa pagpasok sa trabaho. Nakasuot siya ng puting damit, itim na pantalon at sapatos. Isa siyang construction worker ngayon dahil hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral. High school lang ang natapos niya kaya nahirapan siyang humanap ng mas maayos na trabaho. Hindi naman siya nagrereklamo dahil ginusto at hindi niya iyon kinahihiya.

Kinuha niya ang bag na naglalaman ng mga materyales para sa construction, tulad ng martilyo, pako, at guwantes. Pagkatapos nito, lumabas siya at sinigurong nakasara nang maayos ang pinto bago tuluyang umalis ng bahay.

Mahalaga ang araw na ito. Pumasok siya nang maaga ngayon dahil magpapaalam siya sa kaniyang boss na maaga siyang uuwi tulad ng lagi niyang ginagawa kada taon. Limang taon na rin siyang nagtra-trabaho sa kumpanyang iyon dahil hindi naman siya pumapasok sa eskuwelahan, hindi tulad ng mga kaibigan niya sa high school na nakapagtapos ng kolehiyo.

"Oh, ito, bonus ko na sa'yo dahil sa sipag mong magtrabaho. Ipagpatuloy mo lang 'yan, ah," magiliw na sabi ni Mr. Chua, boss niya, at inabot ang sobreng naglalaman ng pera.

"May pupuntahan ka mamaya, 'di ba?" dagdag pa niya at tumango naman si Kiel.

"Sige, simulan mo na ang trabaho para maaga ka ring makatapos." Tinapik niya ang balikat ni Kiel bago umalis.

'Naalala pa rin kaya ng mga kaibigan ko?' Sa isip-isip niya habang nagtra-trabaho kahit na sigurado siyang walang nakakalimot ni isa sa kanila sa nangyari pitong taon na ang nakalilipas.

"Kiel, sipag ah! Pupuntahan mo na naman ba siya mamaya?" nakangising tanong ni Erik, katrabaho niya. Isa siya sa pinakamatagal na nakasama ni Kiel sa trabaho at nakukwento niya minsan dito ang tungkol sa babaeng pinupuntahan niya kada taon. Hindi nga lang detalyado ang pagkukwento niya dahil ayaw niya itong ipaalam sa iba.

"Oo," matipid na sagot ni Kiel.

"Nasaan ba kasi siya at bakit isang beses sa isang taon ka lang pumupunta? Bakit ayaw mo rin akong isama?" tanong pa ni Erik. Sa halip na sumagot, ibinato nalang ni Kiel ang isang sako ng buhangin para may mapagkaabalahan ang lalaki at hindi na muling magtanong. Paulit-ulit niya kasi itong tinatanong taun-taon.

Mabilis na lumipas ang oras. Ang kaninang araw na hindi pa sumisikat, ngayon ay palubog na naman. Tinapos na ni Kiel ang kaniyang trabaho para sa araw na ito at nagmamadaling nagpaalam sa mga katrabaho niya. Nagbihis siya saglit dahil may mahalaga siyang pupuntahan ngayon.

Bumalik muna siya sa bahay upang iwan ang bag niya at kumuha ng ekstrang pera. Kinuha rin niya ang phone na nakalagay sa pantalon niya at tinawagan ang isa sa kaniyang mga kaibigan mula pa noong high school.

"Saan tayo magkikita?" bungad niya kay Yori na waring lagi nila itong ginagawa taun-taon.

"Mamaya pang 8 PM ako makakarating. Magkita na lang ulit tayo sa plaza," sagot ng nasa kabilang linya. Tumango siya kahit na alam niyang hindi naman siya nakikita at pinatay na ang tawag. Bitbit ang pitaka at ang kaniyang phone, umalis na siya sa bahay.

Pumunta siya sa tindahan ng mga bulaklak upang bumili ng bulaklak na lagi niyang binibili taun-taon. Rue, Crimson Rose, and Daffodil ang binili niya sa flower shop na pagmamay-ari ni Kamielle.

Reverted to that MomentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon