Chapter 23

45 4 7
                                    

Umabot ng tatlong linggo na walang kuryente sa amin kaya limited lang
ang paggamit ko ng phone. Naging dahilan ‘yon upang makapagbasa ako ng ilang mga libro sa bahay.

Bukod doon ay nagsulat din ako ng mga tula at prosa na nag-uugat sa
nararamdaman ko noon kay Eli. Guilt. Guilt alone.

Inilagay ko ang sarili ko sa posisyon ni Eli at sinimulang magsulat ng sari-
saring piyesa. Akala ng marami ay nagagawa kong magsulat ng mga masasakit na tula dahil iniwan ako. Pero ang hindi nila alam, kaya ko iyon nagagawa ay dahil ako ang nang-iwan. At guilty pa rin ako sa bagay na ‘yon.

/////
hindi ba parang hindi patas na
palaging isa lang ‘yung naiiwan?
bakit lagi at laging isa lang ‘yung umiiyak
palihim na sumusulyap
luluha at ikukurap ang mga luhang hindi umaandap

bakit palaging isa lang ‘yung mas nagmamahal?
isa lang ‘yung pinipiling tumagal
tumataya sa ‘di tiyak na sugal

hindi ba parang hindi patas na isa lang ‘yung tumutupad?
bakit hindi na bago na may 'di aalis at may isang uusad?

sana sa susunod, sabay na...

sana kapag binigyan ulit tayo ng pagkakataon na ulitin lahat,
lumakad na tayo nang sabay
parehas na tayong maghintay

sana sa ikalawang ulit,
magmahal na tayo nang pantay...

para kapag naging masakit,
magkatulad lang ‘yung sakit
hindi tulad ngayon...

ako lang ‘yung nag-iisip ng mga "sana" kahit wala na
unan ko lang ‘yung nababasa dahil ako na lang 'yung lumuluha
at parehas tayong tumatawa
pero ikaw lang ‘yung masaya

sa susunod,
sana hindi na

at kung may pagkakataon pa nga
na ulitin ang bawat sandaling nangyari sa’tin...
ibubulong ko nang palihim,
hihilingin ko nang taimtim...
na sana kapag sinabi kong ikaw pa rin,
maging ako lang din

sana sa susunod natin,
magtugma na ang simula
at maging patas na ang wakas
/////

Nang i-post ko ang tulang ‘yon sa facebook wall ko at mga page ay marami ang nag-react at nasaktan. Akala nila ay talagang ako ang dumaranas ng sakit pero paraan ko lang ‘yon para maramdaman ng mga tao na may isang manunulat na naiintindihan ang sakit na pinagdaraanan nila. O maaaring isipin ng iba na kalokohan ko lang ‘yon dahil ako naman talaga ‘yong bumitaw. Pero gusto kong
sabihin na hindi dahil ako ang lumisan, wala na akong karapatang masaktan.

Ilang araw na sunod-sunod na panay ang sulat at post ko ng mga tula. Sa
tuwing may bago akong post ay agad na tumatawag sa akin si Mark at itinatanong kung ayos lang ba ako, na baka may hindi ako sinasabi sa kaniya.

“Okay ka lang ba, Mahal ko?” tanong niya sa akin isang gabi matapos akong
magsulat at mabasa niya ‘yon sa facebook.

“Oo naman, bakit?” sagot ko habang natatawa sa kaniya.

“Wala, baka kasi kung ano-ano na naman ang naiisip ng Baby ko eh.”

“Ano ba ‘wag ka na mag-alala. Ayos lang ako,” pangungumbinsi ko sa kaniya.

“Ang ganda ng ginawa mong tula. Tula ba tawag sa gano’n?”

“Yeah. Free-verse poem ‘yon.”

“Okay po. Ang ganda. Paulit-ulit ko kayang binabasa mga gawa mo. Siguro kapag nag-post ka, isang beses lang siguro binabasa ng iba ‘yon pero ako, paulit-ulit kong binabasa ‘yong mga linya na nakalagay doon.”

“Naks naman pala! Salamat, Mahal.”

Nagsimula akong tawagin na si Mark sa mga paraan kung paano niya ako
tawagin ilang buwan na rin ang nakalilipas. Even if that meant na parang naging committed na rin ako. Pero wala pa ring label. Hindi ko pa kaya.

Give Me More SunsetsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon