Chapter 31

41 4 0
                                    

Payapa akong nakatulog nang umaga na 'yon pero hindi rin naman nagtagal dahil narinig ko ang iyak ni Mama nang dumating si Sangko at Diko mula Maynila.

Nakauwi na rin nang mga sandaling 'yon si Kuya Ian at lahat ng mga kuya
ko ay nasa sala namin. Lahat ay tumatangis sa pagkawala ni Tatay. Pero ewan ko ba kung ano ang mayroon sa akin dahil hindi ko magawang sumama sa kanila.

Nasa kusina lang ako, nagtitimpla ng kape at mag-isang umiiyak. Hindi ko kayang makita nila na gano'n ako. Nag-iisang babae lang ako sa aming magkakapatid, pero pakiramdam ko ay kailangan ko talagang tatagan at
lakasan ang loob ko. Ayaw kong makita nila ang mga luha ko kaya pinili kong ikubli ang mga pagpatak niyon.

Apat na araw lang pinayagan na iburol si Tatay. Mahaba na nga iyon dahil bawal ang gano'n katagal na burol dala ng pandemya.

Sa panahon ng burol ni Tatay, halos araw-araw ay umaalis kami ni Diko,
ang pangalawa kong kapatid na nasa 34 taong gulang na para maglakad ng kung ano-anong papel para kay Tatay tulad ng death certificate, schedule ng
pagpapalibing, pag-aayos ng titulo ng lupa na paglilibingan at pera upang
pambayad niyon. Mabuti na lang din dahil nakabili na ng lupa si Diko noon pa man kaya kahit papaano ay nakabawas din ng gastusin.

Naisip ko kung saan kami kukuha ng panggastos dahil sa nangyari, pero
sabi ko ay Si Lord na ang bahala. Iyon din naman ang sabi ni Mama nang tanungin ko siya.

"Bahala na ang Diyos sa gastusin natin anak. Hindi ko rin nga talaga alam."

Dalawang araw nang nakaburol noon si Tatay pero hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi ko pa siya natitingnan man lang. Buong magdamag akong nagbabantay sa kaniya para makapagpahinga si Mama, pero ayaw naman niyang matulog dahil sumasakit daw ang ulo niya. Ni kumain ay ayaw din niyang gawin. Siya pa ang nagsasabi sa akin na matulog na raw ako dahil bawal na bawal sa akin ang mapuyat.

Nang umagang nagising ako, bandang alas-kuwatro ng umaga ay nakita ko
si Mama na nakatulog na sa sofa habang nakabantay kay Tatay. Parang dinudurog ang puso ko nang makita ko 'yon. Kahit wala na si Tatay, hindi pa rin siya iniiwan ni Mama.

May unan siya ro'n pero namamaluktot ang katawan dahil wala siyang kumot, kaya pumunta ako sa k'warto, kinuha ang pink na Hello Kitty kong kumot at saka ibinalot sa katawan niya.

Alam ko naman kung gaano nila kamahal ang isa't isa. Madalas man silang magtalo noon dahil masungit si Tatay at dahil paulit-ulit si Mama sa mga ikinukwento niya, kahit parehas sila na may mga pagkakamali, hanggang sa dulo ay sila pa rin. Kahit wala nang lakas si Tatay, hanggang sa huling hininga niya ay pinilit niya pa ring isigaw kung gaano niya kamahal si Mama.

Sa pang-apat at huling gabi ng burol ni Tatay, nagsidatingan ang iba pa
naming mga kamag-anak sa Maynila kabilang na ang pinakabata kong pamangkin na anak ni Diko. Simula kasi nang mag-quarantine ay hindi pa namin siya nakita nang personal. Puro video lang o pictures dahil hindi pa siya p'wedeng iuwi ng Bulacan lalo na at wala pang isang taong gulang.
Sa totoo lang ay gustong-gusto siyang makita ni Tatay noong buhay pa siya
kaya ang sinasabi na lang ni Mama ay "Magpagaling ka nang makita mo pa si Maxon."

Ako ang nagbigay ng pangalan sa anak ni Diko na 'yon dahil nabasa ko ang nasabing pangalan sa series ng The Selection ni Keira Cass. Maxon Screave ang dapat na pangalan niya, pero gusto ng asawa ni Diko na may "Gabriel" sa pangalan ng baby nila kaya naging "Maxon Gabriel" siya.

Natatandaan kong sinabi ko kay Mark na gusto kong maging "Maxon" ang
pangalan ni Hydrogen dahil parehas naman silang letter "M" ang simula, pero ayaw niya sa mga naiisip kong pangalan.

"Mabuti na lang talaga at naipangalan mo na 'yon sa iba dahil kawawa naman si Hydrogen kung gano'n magiging name niya," ang sabi niya sa akin.

"Hoy maganda kaya! Saka gusto ko naman kapag babae si Hydrogen, ang
pangalan niya ay Fiorella Leicestershire," sagot ko.

Give Me More SunsetsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon