Chapter 49

36 5 0
                                    

Dumaan pa ang maraming sandali na wala akong ginawa kung hindi ang umiyak kay Mark at magmakaawa na ‘wag na siyang umalis. Na ‘wag niya na langakong iwan. Sa totoo lang ay ayaw kong maging ganoon ako ng klase ng babae na kailangan pang mamalimos ng pagmamahal.

I wanted to be the type of person who will hold the door open for the people who want to leave and then wish them the best. Because I thought we all deserve the things we think best for us.

Pero hindi madaling gawin iyon. Isang kasinungalingang sabihin na
madaling magpalaya ng mga taong kusang pumasok sa buhay mo at ipadama sa ‘yo ang pag-ibig at saka isang araw ay naising umalis.

Hindi madali na buksan ang pinto para kay Mark at sabihin kong maging masaya siya kung saanman niya gustong magpunta, dahil naniwala na ‘ko na sa ‘kin siya masaya.

“Matulog ka na Aira, tama na ang pag-iyak,” ang sabi ni Mark sa akin habang nasa kabilang linya pa siya at tahimik lang ako na nag-iisip kung saan na ‘ko pupunta kapag umalis na siya.

“Tingnan mo oh, ang ganda ng alitaptap,” sagot ko sa kaniya dahil totoong nakita ko no’n ang alitaptap na lilipad-lipad sa bahay namin. Noon ay nakahiga ako sa sa sala at nakapatay na ang lahat ng ilaw sa bahay.

Gusto kong umakto na parang normal pa rin ang lahat kaya sa tuwing sasagot ako sa kaniya ay iniisip ko na wala kaming problema.

“Matulog ka na. Ibangon mo ang sarili mo. ‘Wag mo hayaan na ‘yong sakit
na ibinibigay ko sa ‘yo ngayon ang maging dahilan para hindi ka magpatuloy sa buhay. Marami pang umaasa sa ‘yo. Maraming naniniwala sa ‘yo Aira.”

Sa pagkakataong ‘yon ay muling nagbaba ang tawag. Bumangon ako sa pagkakahiga at bumuntong hininga. Nagsimulang matabunan ng panibagong luha ang mga nauna nang luha na hindi pa natutuyo sa aking mukha. Hinintay ko na tumawag siya, pero hindi niya iyon ginawa.

Naisip ko rin noon na ano kaya kung mamatay na lang ako. Inumin lahat
ng iron supplements ko o kahit anong gamot sa bahay namin. Basta lahat ng gamot. Pero habang naiisip ko ‘yon ay lalo lang naging mahirap ang pakiramdam ko.

Naisip ko bigla si Mama. Kapag nawala ako, hindi niya kakayanin ‘yon. Ayaw kong mas lalo lang siyang masaktan.

Pumunta ako sa k’warto at nakita na mahimbing na ang tulog ni Mama.
Alas-onse na noon ng gabi at gusto ko na sanang magpahinga, pero alam ko rin na walang paraan para matahimik ang isip ko.

Naisip ko si Eli. Naisip ko ang sinabi niya sa huling pag-uusap namin halos dalawang taon na ang nakalilipas.

“Sana lang alagaan ka niya at maging mabuti siya sa ‘yo, sana ‘yung mga
pagkukulang ko, mapunan niya.”

Paulit-ulit na tumakbo ang mga salitang ‘yon sa isip ko. Matagal na
panahon na ang nagdaan pero hindi ko alam na nakatatak pa pala ‘yon sa isip ko. Tinanong ko rin ang sarili ko kung napunan nga ba talaga ni Mark ang sinabi ni Eli na pagkukulang niya.

Magulo ang mga bagay sa akin, sa amin ni Mark. Pero sa panahon na ‘yon ay ginusto kong lumapit kay Eli hindi dahil sa gusto kong bumalik siya. Pero dahil unti-unti ko nang nararamdaman ang mga sakit na ibinigay ko sa kaniya nang iwan ko siya.

Dala ko pa rin pala ‘yong guilt na akala ko ay wala na. Sa mga oras na ‘yon ay naisip ko na sana ay hindi ko na lang siya iniwan dahil baka kung gayon ang ginawa ko ay hindi na ako kailangang singilin ng pagkakataon. Baka kung hindi ko siya sinaktan ay hindi ko rin kailangang masaktan sa parehong paraan.

Sa oras na ‘yon ay hindi ko inakalang magagawa ko ang bagay na hindi ko
naman naisip gawin sa mga nakalipas na panahon. Nag-chat ako kay Eli.

Give Me More SunsetsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon