Chapter 6

70 6 3
                                    

Paglabas ko ng testing room ay mahaba ang pila ng mga kasabayan kong estudyante na kumuha ng exam. Para kaming dagat ng tao na sumusunod sa alon pababa ng West Wing.

Maingay ang mga kapwa ko examinees habang pinag-uusapan ang mga tanong sa PUPCET. Wala rin sigurong makalilimot doon sa mga estudyante ng PUP na may hawak na kahon ng mga lapis at sumisigaw ng "Lahat po ng mag- donate ng lapis ay makakapasa! Nag-donate din ako noon at third year student na 'ko ngayon!"

Mapupunta raw ang mga lapis sa ibang mga bata na tinutulungan nila.
Gusto ko rin i-donate ang lapis ko kaso, nasa kaloob-looban iyon ng bag ko at hindi ko na nagawang kuhanin. Napasabi na lang ako sa isip ko ng "Lord bahala ka na sa 'kin, hindi ko po makuha 'yong lapis sa bag ko."

Napadasal na lang talaga ako dahil may halong sumpa ang sigaw ng isang PUPian noon na babagsak daw ang lahat ng hindi mag-donate ng lapis.

Nang makababa ako sa building, agad kong tinawagan si Maica para tanungin kung nasaan na sila. Ang sabi niya ay naghahanapan pa rin daw sila ni Jenica, pero magkasama na raw noon si Jenica at Eli.

Hindi ko malaman kung nasaan 'yong ipinaliliwanag nila sa akin na Jollibee
malapit sa PUP dahil doon daw kami magkikita-kita pero parang wala naman akong napansin na gano'n. Hindi ko rin sigurado dahil unang beses ko lang doon.

Naghintay na lamang ako sa labas ng gate dahil doon lang naman siguro
lalabas ang mga kasama ko. Pamaya-maya pa ay nakita ko na sila at magkakasama na kaming naglakad-lakad para kumain. Nauuna sa paglalakad noon ang dalawa kong kaibigan para siguro bigyan kami ng time ni Eli.

Kinumusta niya 'yong exam ko at tinanong kung mani lang daw ba sa akin. Napabuntong hininga ako dahil hindi naman ganoon kahirap ang exam pero naging mahirap dahil gumugulo siya sa isip ko.

"Sakto lang," nahihiyang sagot ko sabay ngiti sa kaniya.

Nasa sidewalk kami nang mga oras na 'yon at sinusundan ang lakad ng dalawa kong kaibigan. Nasa kanan ko si Eli nang lumipat siya sa bandang kaliwa ko para maingatan ako sa mga dumadaang sasakyan.

Makalipas pa ang ilang sandali ay nakahanap na kami ng makakainan. Si Eli na ang nagsabi kung saan p'wedeng kumain dahil gutom na rin kami at kahit saan namang kainan ay maraming tao.

Tumuloy kami noon sa isang kainan na kulay pink ang mga pader. Nakalimutan ko na kung ano ang eksaktong pangalan niyon.

Habang kumakain ay tinatanong niya ako ng mga bagay tungkol sa mga
contest ko at kung ano-ano pa. Nagkukwento rin siya tungkol sa mga ganap sa theatre nila, tulad ng bawal daw doon ang mga member na magkarelasyon. Biniro ko siya na kapag nakapasa ako sa PUP ay sasali rin ako sa theatre group na kinabibilangan niya.

Tinitigan niya ako at sinabing ayaw daw niya 'yon dahil ibig sabihin ay hindi na p'wedeng may kung ano pa man ang mamagitan sa amin.

Nasa harap namin ni Eli na kumakain sina Maica at Jenica. Alam kong pasimple kaming kinukuhanan ng picture ni Maica pero hindi na ako umangal dahil gusto ko rin naman 'yon.

Matapos kumain ay nagtagal pa kami ro'n ng isa o dalawang oras. Pinakita
sa akin ni Eli ang mga palad niya dahil noon pa man ay sinasabi na niyang water bender daw siya. Inilahad ko rin ang sa akin para ipakita na hindi pasmado ang mga kamay ko. Tiningan ni Eli ang mga 'yon at sinabing, "Sabi ng prof ko, ganiyan daw 'yong mga kamay na masarap hawakan."

Nagduda ako kung talaga bang sinabi iyon ng prof nila o teknik niya lang
'yon para hawakan namin ang kamay ng isa't isa. Ano pa man ang totoong dahilan ay hindi pa rin ako bumigay.

Naramdaman ko na nagpaparinig na si Jenica na kailangan na naming
umalis dahil tumatawag na sa cellphone ang Mama niya. Sa totoo lang ay parang ang bilis umusad ng oras noong magkasama kaming dalawa, pero wala na rin naman akong magagawa dahil hind p'wedeng hindi kami umuwi sa Bulacan.

Ihinatid kami ni Eli sa may sakayan ng jeep para makabalik na kami sa
condo unit na tinuluyan namin. Nagmamadali rin si Jenica dahil sa Cavite sila didiretso ng Mama niya, kaya kami lang ni Maica ang uuwi.

Habang naghihintay ay kinakabahan ako dahil mabilis ang mga nangyayari
nang araw na 'yon. Nagkita na kami ni Eli matapos ang tatlong taon pero agad- agad din naman naming kailangang maghiwalay.

"Ang galing naman, ngayon ko lang napansin na monochromatic ang suot
mo."

Iyon ang sinabi niya sa akin habang nakatayo kami sa gilid ng kalsada at
buti na lang ay nagamit ko na sa isang prose ko ang salitang "monochromatic" kaya alam ko na ang meaning niyon. Ang dami niya talagang alam na salita, gusto ko rin na maging gano'n kalawak ang vocabulary ko.

Tinatanong-tanong niya pa ako kung ano ang paborito kong kulay, dahil
iyon daw ang mga ihinanda niyang "small talks" sa tuwing iniisip niya na magkita kami.

Wala rin naman akong ibang sinasabi sa kaniya, o baka hindi ko rin matandaan. Naaalala kong binibilang ko 'yong floor ng mataas na building sa bandang harapan namin at napapangiti siya no'n. Habang nagbibilang ay naramdaman ko ang paghawi niya ng mga hibla ng buhok na nakakalat sa kaliwang pisngi ko. Napayuko ako no'n dahil hindi naman ako sanay sa mga gano'ng bagay at isa pa ay nahihiya rin ako.

Maya-maya pa ay nakita ko na ang pagpara ni Jenica sa jeep at huminto
naman iyon sa harapan namin. Kasabay ng eksenang 'yon ang muling pagbagal ng takbo ng mga bagay sa paligid dahil senyales na para umalis kami.

Humarap ako kay Eli at sinabing kailangan ko nang umuwi. Nakita ko sa kaniya na gusto pa niyang makasama ako pero alam niyang hindi na p'wede.

Sa tangkang pag-alis ko ay naramdaman ko ang paghaplos ng kanang kamay niya sa kaliwang kamay ko. Mabilis lang nangyari ang pagkakataong iyon pero tila mabagal dahil kabisado pa ng memorya ko.

Pag-akyat ko ng jeep ay gusto kong lingunin siya, pero hindi ko na nagawa. Ayaw kong makita ang reaksiyon ng mukha niya habang palayo ako. Basta alam ko sa sarili ko na magkita man kami ulit o hindi sa susunod na mga panahon, bitbit ko na siya at ang lahat ng nangyari noong araw na 'yon, sa mga alaala ko.

Give Me More SunsetsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon