Chapter 29

36 3 1
                                    

“Hula ko hindi mo na ‘ko mahal after 10 years,” ang sabi ko kay Mark sa phonecall bago kami matulog.

“Naku Mahal, kahit ilang taon pa ‘yan ikaw at ikaw pa rin. Walang magbabago. Ikaw ang mommy namin ni Hydrogen.”

Hydrogen is our imaginary son. Madalas kasi siyang magbiro na gusto niya ng walong anak. Sabi ko, hanggang tatlo lang ang kaya ko.

“Oh sige huling tawad. Apat,” paghirit niya.

“Hindi, ayaw ko pala ng apat. Gusto ko kasing dami ng elements sa Periodic Table! Happy ka na?” at saka kami tatawa parehas.

That is why we used to talk about Hydrogen a lot.

“Hu nako hula ko nga kapag pangit na ‘ko, ayaw mo na sa ‘kin eh,” pagpapaawa ko kay Mark.

“Kahit na kumulubot ‘yang balat mo Babe, mahal pa rin kita,” sagot niya.

“Eh paano kapag wala na ‘kong ngipin? Mabungi na lahat ng ngipin ko?”

“Eh di kaganda pala ng Baby ko kapag wala nang ngipin! Wow sarap i-kiss,
walang ngipin!”

“Eh paano kapag ngayon nawala lahat ng ngpin ko?” dagdag ko sa kaniya.

“Huwag naman ngayon Babe aba!”

“Oh sabi ko na nga ba kapag ngayon ako nawalan ng ngipin, ayaw mo na
sa ‘kin, hindi mo na ‘ko mahal,” malungkot na sagot ko.

“Hindi problema ‘yon! Eh di sasamahan kita, ipapupustiso natin lahat ng ngipin mo Mahal!”

At sa sinabi niyang iyon ay natawa na kaming dalawa. Nagiging okay naman
ako kapag satisfied na ‘ko sa mga naririnig o nakukuha kong sagot mula sa kaniya.

It was January 19, 2021 nang buong gabi na yata kaming magkausap. Nakikita ko noon na hindi mapakali si Tatay dahil panay ang punta niya sa CR. Pagbalik niya sa higaan nila ni Mama sa sala ay hingal na hingal siya dahil nga kahit kaunting kilos ay hindi na siya makahinga. Madalas na sa sala na sila matulog ni Mama para mabilis makapunta ng CR kung kailangan ni Tatay.

Tapos na akong kantahan ni Mark noon at inabot na kami ng ala-una ng madaling araw. Antok na antok na ako kaya saglit lamang ay naidlip na ako. Pero hindi rin iyon nagtagal dahil chine-check ko kung ayos lang ba si Tataydahil hindi na rin mapakali si Mama. Wala kaming ibang kasama sa bahay.

Kaming tatlo lang nila Tatay at Mama, kasama ang pamangkin kong si Ayelle na malalim na ang pagtulog.

Pagbangon ko noong bandang 1:30 ng umaga ay pumunta ako sa sala at
nakita kong hinihimas ni Mama ang dibdib ni Tatay dahil nahihirapan siyang huminga. Kumuha ako ng electric fan at agad na itinapat iyon kay Tatay. Pawis na pawis siya, putlang-putla at naghahabol ng hininga. Kumuha ako ng bimpo para punasan ang pawis ni Tatay at pamaya-maya naman ay naging ayos na rin siya.

Bumalik ako sa kwarto at sinubukang matulog pero hindi ko pa rin nagawa
dahil naririnig ko ang paghabol ni Tatay sa kaniyang hininga. Hindi na siya nakapaglalakas ng boses dahil maging iyon ay napakahirap na gawain na para sa kaniya. Pero nayanig ang puso ko nang marinig ko siyang sumigaw. Sa loob ng ilang buwan ay noon ko lang siya muling narinig na sumigaw at umalingawngaw iyon sa loob ng bahay.

“Oy, mahal na mahal kita!”ang sabi niya kay Mama.

Agad akong bumangon at lumabas ng k'warto nang marinig ko ang sigaw
ni Tatay. Tarantang-taranta na rin si Mama at bakas sa mga mata ang labis na pag-aalala. Nakatayo ako sa harap ng mga magulang ko at hindi alam kung ano ang dapat kong gawin para matulungan si Tatay.

Nakatitig nang mariin sa akin ang mga mata niya, waring may gustong
sabihin pero naubos na niya ang huli niyang lakas nang isigaw niya na mahal na mahal niya si Mama. Para akong ginawang malamig na estatwa ng mga titig niya.

Ni hindi ko nagawang gumalaw at parang bingi na rin ako sa pag-iyak ni Mama. Niyakap siya nang buong higpit ni Mama at ilang segundo lang ay tila bumagal ang takbo ng mga bagay sa paligid ko. Unti-unting pumikit ang mga mata ni Tatay habang humuhulagpos ang kaniyang sariling katawan mula sa higpit ng yakap ni Mama.

“Anak tumawag ka ng kapit-bahay!”

Bigla akong natauhan sa sinabi ni Mama. Agad akong tumakbo sa labas ng bahay, walang pakialam kung malalim na ang gabi, walang pakialam kung masakit ang mga paa ko dahil hindi ko na nagawang magsuot ng tsinelas paglabas.

Buong lakas kong kinalampag ang mga bintana ng kapit-bahay at tumawag ng tulong. Agad namang lumabas ang mga pinsan ko at ang asawa ng tito ko.

Tinanong ako kung bakit at ano ang nangyayari. Wala akong ibang naisagot kung
hindi…

“Si Tatay po.”

Give Me More SunsetsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon