Chapter 50

37 5 0
                                    

Bahagya akong kumalma nang malaman na may girlfriend na si Eli. Naisip ko na kahit naging masakit ang nakaraan sa amin, all things still worked together for good.

Kaya pumikit ako at napagtantong ganoon din ang mangyayari sa amin
ni Mark. Maaaring umiyak ako at masaktan nang marami pang beses pero tulad ng sinabi ni Eli, balang araw ay darating din ako sa punto na muli akong maniniwala sa pag-ibig. Pero wala pa ako sa balang araw. At hindi ko alam kung kakayanin ko ang mga pagitan ng kahapon at balang araw nang wala si Mark.

Sa tuwing maiisip ko na pagdating ng panahon ay sasaya rin ako, mas lalo
lang akong nasasaktan dahil matagal nang nabuo sa isipan ko na sa kaniya lang ako masaya. O magiging masaya. Hindi ko alam kung paanong gigising kinabukasan at magtatapos ang bukas nang hindi ko ramdam ang presensya niya.

Kinuha kong muli ang cellphone ko at tinawagan si Mark. Noon ay ala-una
na ng umaga. Bawat segundong nagri-ring ang phone niya at hindi niya sinasagot ang tawag ko ay nakadaragdag lang sa bigat na noo’y dinadala ko.

“’Wag mo nang pahirapan ang sarili mo,” iyon ang mga unang salitang sinabi ni Mark nang sagutin niya ang tawag ko.

“Hindi naman ako nahihirapan eh. Basta dito ka lang. ‘Wag ka na lang kasi umalis,” ang sabi ko sa kaniya.

“Alam kong nasasaktan na kita. Ayaw ko nang dagdagan pa ‘yong sakit mo
ngayon.”

“Kung ayaw mong dagdagan eh di ‘wag kang umalis.”

Sa pagkakataong ‘yon ay namuo na naman ang luha sa kalooban ko at unti-unti ko ‘yong inilabas kahit na sawang-sawa na rin akong umiyak. Nalulunod ako sa mga sakit na sa tingin ko ay hindi ko naman dapat maranasan sa kaniya. Naiinis ako sa sarili ko no’n dahil ang tanga ko para nagmamakaawa sa kaniya.

“Hindi p’wedeng hindi,” sambit ni Mark habang nasa gitna rin ng pagluha.

“Mas masasaktan ka lang kung mananatili pa ‘ko sa ‘yo.”

Noon ay hindi ko maintindihan kung bakit niya ‘yon nasasabi sa akin. P’wede naman siyang manatili hanggang sa maging maayos na kaming dalawa, pero ayaw niyang gawin iyon.

Kaya itinanong ko sa kaniya ang isang bagay na gustong-gusto kong malaman.

“May itatanong ako sa ‘yo. And please, kahit ngayon lang maging honest
ka sa ‘kin. All this time naniwala ako na mahal mo ‘ko. Hindi ko na alam kung totoo ba lahat ng ‘yon. But this time, be honest to me. Mark, mahal mo pa ba ‘ko?”

Narinig ko ang bigat ng paghinga niya kasabay ng sarili niyang pag-iyak bago niya sagutin ang tanong ko. Gusto kong sabihin niya na mahal pa rin niya ‘ko. Kahit kaunti na lang. Dahil kung gayon ay may saysay pa ang mga ginagawa kong pagpapakahirap para makumbinsi siyang ‘wag na ‘kong iwan. Pero parang binagsakan ng mga granada ang isip ko nang sumagot siya sa akin.

“Minahal naman kita. Sorry talaga Aira.”

Nang marinig ko ‘yon ay ibinaba ko na ang tawag ko sa kaniya dahil unti-
unting pinroseso ng isip ko ang kahulugan ng mga ‘yon. Maraming tanong sa isip ko na alam kong hindi ko naman masasagot: Ano ang ginawa ko para hindi na niya ‘ko mahalin? Kailan nagsimulang mawala ang pagmamahal na ‘yon? Bakit hindi ko agad naramdaman na wala na?

Tiningnan ko ang mga text message ni Mark sa phone ko at ang bumungad
sa akin ay ang huling mensahe niya sa akin isang gabi pa lang ang nakalipas.

Again Baby good night, I love youuu.

Mas lalo lang akong naguluhan at nasaktan nang mabasa ‘yon. Ibig sabihin ba ay nagsisinungaling na lang siya sa mga nagdaang araw, linggo at buwan sa tuwing sinasabi niya na mahal pa rin niya ‘ko? Gusto kong mahanap ang eksaktong punto kung kailan nasabi niyang wala na talaga. Gusto kong manggaling sa kaniya ‘yon dahil mababaliw ako kung ako ang sasagot sa mga sarili kong tanong.

Alas-kwatro na ng umaga ay hindi pa rin ako nakatutulog kahit na pagod
na ‘ko physically and emotionally. Tinawagan ko ulit si Mark.

“Kantahan mo na ‘ko. Gusto ko nang matulog. Pagod na pagod na ‘ko,” ang pakiusap ko kay Mark nang sagutin niya ang tawag ko.

Hindi ko alam kung makatarungan pa bang hilingin sa kaniya na kantahan
ako sa gitna ng ganoong pangyayari sa aming dalawa. Pero iyon na lang ang naisip kong paraan para makatulog ako at naisip kong siguro naman ay gagawin pa rin iyon ni Mark sa akin.

Kahit hindi na dahil sa pagmamahal. Kahit dahil na lang sa awa.

“Hindi na kita makakantahan Aira, pasensya na.”

“Sige na. Kahit anong kanta lang. Kahit hindi na totoo para sa ‘yo ‘yong mga lyrics. Gusto ko lang makatulog,” tugon ko sa kaniya.

“Wala na ‘kong maisip na kanta eh.”

“Please kahit anong kanta lang. Please,” pakiusap ko sa kaniya habang bumabalik ang lahat ng gabing ramdam ko pa kung gaano niya kagustong kinakantahan ako.

“Sorry. Hindi na kita makakantahan.”

Ibinaba kong muli ang tawag nang sabihin niya ‘yon at sinabi kong huling tawag ko na ‘yon at hindi ko na siya kukulitin. Pero nasundan iyon ng isa pa. Isa pa ulit. At marami pa.

Sa lahat ng pagtawag ko sa kaniya nang mga oras na ‘yon ay sinabi ko na i-block na niya ‘ko sa phone at social media. Sa lahat ng contacts na maaari kong gamitin para makausap siya dahil alam ko na kapag ako ang gumawa niyon ay hindi ko pa rin siya matitiis. Makikita at makikita ko ang sarili kong nagmamakaawa na naman para ‘wag niya ‘kong iwan.

Tila manhid na ang mga mata ko para maramdaman pa ang walang patid na mga luha nang sapitin na ‘ko ng liwanag sa gano’ng sitwasyon.

Wala akong ideya kung paano ako titigil na masaktan. Gusto ko nang
magpahinga pero kahit sa pagpikit ay si Mark pa rin ang nakikita ko.

Nasasaktan ako hindi dahil mawawala na siya sa akin. Nasasaktan ako dahil alam kong kahit kailan, hindi na siya babalik.

Give Me More SunsetsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon