Chapter 30

38 5 0
                                    

Sunod-sunod na nagsidatingan ang mga kapit-bahay sa sala namin. Hindi pa maproseso ng isip ko ang mga pangyayari. Ni hindi ako maiyak, wala ni isang luha ang pumatak mula sa mga mata ko noon habang humihiyaw si Mama.

Wala na ang Tatay ko.

"Aira, tawagan mo na ang mga Diko mo," utos sa akin ng isa sa mga nakiusyuso sa nangyari.

Kinuha ko ang cellphone ko at nag-redeem ng points para makatawag ako. Hindi ang mga kapatid ko kung hindi si Mark ang una kong tinawagan. Hindi ko alam kung gising pa siya nang mga oras na 'yon, pero sigurado akong isang tawag ko lang ay sasagot siya.

"Hello Mark?" ang sabi ko nang sagutin niya ang tawag.

"Hello Baby. Bakit gising ka pa?" nagtatakang tanong niya.

"P'wede bang loadan mo muna ako? Twenty pesos lang. Kailangan ko tawagan si Diko saka si Sangko. Wala na si Tatay," ang diretso kong paliwanag kay Mark.

Rinig ko kung paano siya nagulat sa sinabi kong 'yon at maging siya ay hindi makapaniwala.

"Ha? Totoo ba Mahal? Bakit? Ano ba nangyari?"

"Saka ko na ipapaliwanag. Please kailangan ko ng load, kailangan ko
matawagan si Sangko saka Diko," sagot ko sa kaniya.

Pagkatapos niyon ay agad niyang ibinaba ang tawag at agad kong na-
receive ang load. Dali-dali kong tinawagan ang dalawa kong kapatid sa Maynila pero ni isa sa kanila ay walang sumagot. Mag-aalas dos na ng madaling araw ng mga sandaling iyon.

Nasa kapit-bahay lang si Kuya, ang panganay sa amin, kasama ang pamilya niya, pero ayaw ni Mama na gisingin ko siya dahil baka raw makasama dahil may sakit din siya. Hanggang sa mga panahon din kasing iyon ay may sakit pa rin siya at nagddialysis.

Nasa duty naman ang pang-apat kong kapatid no'n na sa Kuya Ian bilang
security guard at ang isang pinsan kong lalaki na kasamahan niya sa trabaho ang tumawag sa kaniya para malaman ang nangyari.

Nang hindi sumagot sa mga tawag ko si Diko at Sangko, nag-online ako at
nag-chat sa kanilang dalawa. Nakita ko rin noon na sunod-sunod ang mga message ni Mark pero hindi ko pa nagawang mag-reply kaagad.

Pagbalik ko sa sala, nag-uusap-usap ang mga kamag-anak namin tungkol
sa pagtawag ng funeraria na aasikaso kay Tatay. Matagal akong nakaupo noon sa tabi niya, tinitingnan ang kaniyang mukha habang bumabalik ang mga alaala niya sa isipan ko.

Unti-unting nag-flashback lahat sa akin – kung paano siya magalit kapag makalat sa bahay, kung paano niya ako utusan sa tuwing magpapatimpla siya ng kape, kung paano siya magtaga ng mga kahoy sa likod ng bahay noong mga panahong malakas pa siya.

Bumalik ang lahat ng alaala kung paano niya ako iangkas sa harap ng pulang bisikleta niya noong bata pa ako sa tuwing bibisitahin namin si Mama sa pinapasukan niyang patahian. Natatandaan ko kung paano niya harangin sa kalsada 'yong kaklase ko noong daycare dahil inaagaw niya ang mga baon kong biskwit.

Palagi niya akong hinahatiran ng payong noong elementary ako sa tuwing umuulan at dinadalhan niya rin ako ng baon tuwing tanghali kapag wala si Mama sa bahay. I remember how he used to tell me "Pagbutihan mo nang mabigyan kita ng pera" everytime that I'd have a contest before.

Nag-flash back ang mga alaala kung saan binibigyan niya ako ng pera at
sinasabing huwag ko raw iyon sasabihin kay Kuya Ian dahil paniguradong hihingi rin siya sa kaniya. Kapag bumili sila ng ice cream o halo-halo ni Mama, hindi niya uubusin 'yong kaniya at ititira niya ang kalahati niyon para sa akin. Masungit at istrikto siya pero hindi siya nagagalit kapag kinukuha ko ang mga barya niya sa mga bulsa ng shorts niya kahit hindi ako magpaalam.

Naalala ko pa na sa tuwing natitinga ako ng buto ng bayabas o buto ng tsaang gubat ay siya ang nagtatagal niyon sa pamamagitan ng palarala ng sigarilyo niya. Siya rin ang nagtatanggal ng tinik sa paa ko gamit ang karayom dahil mabigat ang kamay ni Mama. Iba 'yong kay Tatay. Hindi masakit kapag siya ang kukuha ng tinik.

"Oh mamaya lumabas ka ulit nang nakatapak para matinik ka na naman," sarkastiko niyang pagsasabi noon.

Sa tuwing makikipaglaro ako sa mga kapwa ko bata noon sa bukid na nasa likod lang ng bahay namin, magagalit siya sa akin kapag umuwi ako nang
umiiyak. Bawal akong umiyak dahil papaluin niya lang ako.

All the memories came rushing through my mind. How he used to cook inihaw na atay because he said it's good for persons with anemia. Like me. Palagi rin niya akong ipinagtatabi ng isang tasa ng nilagang munggo para lagyan ko 'yon ng asukal kahit dalaga na 'ko. Paborito ko kasi 'yon noong bata pa lang ako.
Kapag kumakain kami sa mesa at manok ang ulam, kinukuha niya 'yong sa 'kin at hinihimay ang laman niyon. Kukunin niya ang buto dahil gustong-gusto niyang sinisipsip 'yon.
Kahit araw-araw siyang nagsusungit, alam kong mahal na mahal niya kami at naging mahirap din sa kaniya bilang ama na hindi niya naibigay ang lahat ng pangangailangan namin.

Gusto ko siyang yakapin noon, pero kahit ang bagay na 'yon ay hindi ko
nagawa. Basta tinitigan ko lang siyang mabuti at sinabi ko sa sarili ko na hindi ko kalilimutan ang hitsura niya, ang amoy niya at ang lahat sa kaniya dahil tatay ko siya.

Pamaya-maya pa ay dumating na ang mga lalaking tauhan sa funeraria.
Nasa apat siguro o lima ang mga 'yon. Nakita ko sila na tinakpan ng dilaw na kumot ang katawan ni Tatay at saka binuhat iyon palabas. Hanggang sa pagkakataong iyon ay nakatitig lang ako sa mga bagay-bagay sa paligid.

"Anak maiwan ka rito, maglinis ka," ang bilin sa akin ni Mama bago sila
umalis papunta ng funeraria.

Humanga ako sa kaniya dahil alam kong hanggang sa mga sandaling 'yon ay pinipilit niyang maging matatag.

Gayon nga ang ginawa ko nang oras na umalis sila sa bahay. Niligpit ko
lahat ng kaya kong iligpit at buhatin. Wala pa rin ako sa sarili. Ni hindi ko alam kung bakit hindi ako naiiyak. Basta ang alam ko lang ay kailangan kong mag-ayos na dahil iyon ang bilin ni Mama. Nakapagtataka rin na hindi ako dinalaw ng antok no'n.

Bandang 4:30 ng umaga ay itinupi ko ang mga labada sa kwarto nina Mama at Tatay dahil matagal nang hindi iyon natutulugan, kaya naging lagayan na lang ng mga damit sa bahay. Habang nagtutupi ay tahimik akong nanalangin sa isip ko.

Ang sabi ko ay Siya na ang bahala sa mga susunod na mangyayari sa amin. Basta maniniwala at magtitiwala pa rin ako. Ipinagkatiwala ko sa Diyos ang nangyari dahil alam ko na hindi man sa puntong iyon, darating din ang oras na mararamdaman ko ang sakit.

Bawat damit ni Tatay na nakikita ko habang nagtutupi ay naaalala ko siya, pero hindi ako naiiyak. Ang alam ko lang na gawin ay maging matatag din para kay Mama at para sa sarili ko.

Nang mga oras ding iyon ay dumating na ang mga tauhan sa funeraria dala ang labi ni Tatay. Narinig kong nag-iiyakan ang mga tao sa labas pero wala pa akong kakayahan o lakas na silipin sila. Hindi ko alam. Hindi pa pumapasok sa isip ko ang lahat.

Gising pa si Mark noon at ipinaliwanag ko sa kaniya ang mga nangyari. Pinalalakas niya lang ang loob ko at sinisigurado na kahit wala siya sa tabi ko ay karamay ko siya.
Nag-sorry rin si Mark dahil hindi siya makapupunta sa bahay upang personal na makiramay. Naiintindihan ko naman dahil malayo siya at kahit kailan ay hindi pa siya nakapunta sa lugar namin. Siguradong maliligaw lang siya. At isa pa, hindi ko rin naman alam kung paano ko siya ipakikilala sa mga kamag-anak na darating. Ayaw ko ng isyu.

Bago ako umidlip bandang alas-sais nang umaga ay binuksan ko ang Bible app sa phone ko at naluha na lang ako nang mabasa ang isang verse doon.

Psalms 31:24
Be strong and take heart, all you who hope in the Lord.

Alam kong nangungusap sa akin ang Diyos sa pagkakataong iyon ng buhay ko. He knew what I was going through and He knew the pain I was unaware hiding at the innermost part of me.

But God is real. He won't allow challenges in my life to happen beyond what I can bear.

Give Me More SunsetsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon