Chapter 48

29 3 1
                                    

Ako na naman ang hindi nakatiis kay Mark kaya noong alas-nuwebe na ng gabi ay pumunta ako ng kusina para ro'n siya kausapin. Nakapatay na ang ilaw sa bahaging iyon ng bahay at mas mabuti 'yon para makaiwas ako kay Mama. Ayaw ko nang magtanong pa siya.

Tinawagan ko ang number ni Mark at parang minuto na ang nagdaraan sa bawat segundong hindi niya sinasagot ang tawag ko. Hindi ko tinigilan hangga't hindi siya sumasagot, at nang sa wakas ay sagutin na niya ang phonecall ay nagsimula nang magtipon-tipon ang kaba sa dibdib ko.

"Hello?" ang sabi ko sa kaniya sa malamig na boses dahil alam kong milyon-milyong sakit ang nakabalot sa isang salita na 'yon.

Narinig ko ang buntong hininga niya sa kabilang linya. Waring isang napakalaking hirap para sa kaniya ang kausapin ako.

"Hello," tugon niya.

Nang mga sandaling iyon ay kapwa namin kinailangang pakiramdaman ang katahimikan sa aming dalawa. Hinintay kong magsalita siya, pero wala akong narinig. Mas maingay pa nga ang huni ng mga kuliglig sa labas ng bahay namin, kaysa sa kaniya.

"Ayos ka lang ba?" matapang na tanong ko sa kaniya habang sinasamo ang mga natitira pang lakas ko.

Nasasaktan ako nang mga oras na 'yon, pero gusto kong marinig kung kumusta na siya. Gusto kong kausapin niya 'ko at magkuwento kung bakit lumipas ang mga araw na hindi ko ramdam ang presensya niya.

"Ano ba 'yong mga unsent messages mo kanina?" tanong ni Mark sa kabilang linya na parang walang emosyon ang boses niya.

Hindi siya galit. Hindi siya malungkot. Pero ramdam kong nabibigatan siya sa bawat sandaling hinihiling ko na kausapin niya 'ko.

"Wala lang 'yon. I just thought I should give you up already. Give up whatever we have."

Nang sabihin ko 'yon sa kaniya ay nagsimulang mag-init ang pakiramdam ko at sa isang iglap lang ay sumilip na naman ang mga luhang akala ko ay naubos na nang mga nakaraang oras na naghihintay ako sa kaniya.

Hanggang sa mga puntong iyon ay pinilit kong itago ang lungkot. Kung posible man iyon.

"Pero 'wag mo na pansinin 'yon Mahal. Okay naman na 'ko," dagdag ko sa nauna ko nang sinabi at saka pinilit ang sarili ko na tumawa. Gusto kong maging magaan man lang ang ere sa pagitan naming dalawa.

"Sorry, Aira."

Aira? Alam niya dapat na kung ayaw niya akong tawagin sa mga pangalan na nakasanayan ko nang itinatawag niya sa akin ay hindi niya na lang dapat ako tinawag sa pangalan ko. Dahil lalo lang niyong pinunit ang mga pira-piraso nang parte ng sarili ko.

"Sorry saan?"

"Hindi ko naman sinasadyang saktan ka," ang sagot niya sa akin na parang talunan na siya.

I didn't want that tone of voice. I wanted the cheerful one. The voice that used to give so much energy to me.

"Hindi mo nga sinasadya. Alam ko naman 'yon eh."

Naghintay ako na magsalita siya. Noo'y tanging bulong lang ng mga lamok sa madilim naming kusina ang naririnig ko. Hanggang sa muli siyang umimik.

"Sorry ah. Ilang araw ko na rin kasing iniisip 'to eh. Tinatanong ko 'yong sarili ko kung paano ko ba sasabihin 'to nang hindi ka nasasaktan."

Ramdam ko na kung saan ang punta ng mga salitang sinasabi niya noon.

Pero ayaw kong makarating kami kung saan niya 'ko gustong dalhin: sa dulo.

"Ano ba mga naiisip mo, Mahal?" tanong ko sa kaniya.

Nagpakatanga pa rin ako sa pagtawag sa kaniya ng "Mahal" kahit na alam kong hindi na kami nagtatagpo sa parehas na damdamin. O desisyon na mahalin ang isa't isa.

Give Me More SunsetsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon