Chapter 19

42 5 0
                                    

Ayaw kong isipin noon na si Eli ang dahilan kung bakit hindi ko magawang mahalin si Mark nang buo. Alam kong ako ang nang-iwan kaya sa isip ko, wala akong karapatang kumustahin siya o tanungin kung ayos lang ba siya. Ang kapal ng mukha ko kung gagawin ko 'yon. Hindi rin naman siya 'yong tipong magpapakatanga para sa 'kin. He always choose to be the greater person. With pride.

Nasaktan ko na si Eli. Ayaw ko nang kausapin siya no'n dahil masasaktan din si Mark. Alam na alam ko dahil gano'n siya. Natatandaan ko 'yong unang beses na inilabas ni Mark ang mga hinanakit niya sa tuwing pinaaalis ko siya.

Gabi na no'n at nasa k'warto lang ako. Tumawag siya sa phone at agad ko
namang sinagot iyon pero hindi ako gaanong nagsasalita. Pinabayaan ko lang siya na magkuwento ng kung ano-ano, at sumasagot lang ako kapag nagtatanong siya. Hanggang sa sinabi ko na naman na tigilan na niya ako at humanap na lang siya ng iba.

"Umalis ka na kasi," ang sabi ko kay Mark.

"Anong umalis na naman ang sinasabi mo? Hindi ako aalis. Hindi kita iiwan," sagot niya.

"Eh sinabi ko ba kasing samahan mo 'ko? Hindi naman 'di ba?"

Bigla siyang natigilan at hindi agad nakasagot. Naramdaman ko rin na bumigat ang paghinga niya sa kabilang linya.

"Kumain ka na ba?"

"Oo kumain na 'ko. Umalis ka na, 'wag mo na 'kong kausapin."

"Uminom ka ng tubig, baka hindi ka na naman uminom," tugon niya.

"Ano ba Mark? Uminom na 'ko. Ayaw mo 'kong sagutin. Sabi ko lumayas ka na rito."

"Inaantok ka na ba Baby? Kakantahan na kita."

"Hindi ako inaantok, saka 'wag mong ibahin ang usapan. Umalis ka na
kasi."

Pagkasabi ko niyon ay nagulat ako sa hindi ko inaasahang sagot mula sa
kaniya.

"Bakit ako aalis? Akala mo ba madali 'yon? Akala mo madali lang sa akin
na balewalain ka, huwag kang pansinin o basta iwan na lang? Alam mo sa totoo lang naisip ko na rin 'yon eh. Na bakit nga kaya hindi na lang ako umalis katulad ng palagi mong sinasabi sa 'kin. Kasi 'yon naman ang gusto mo, 'di ba? Na wala ako. Minsan naiisip ko na ano kaya ang pakiramdam nang mahalin ng babaeng mahal ko? Kasi buti pa sila. Buti pa si Eli. Nakita ko sa 'yo kung paano mo siya mahalin. Kung gaano ka ka-sweet sa kaniya dati. Buti pa siya kasi minahal mo siya. Eh ako? Kahit naman anong gawin ko sa 'yong effort, pagbibigay ng oras, wala rin naman."

Nasasaktan ako sa oras na 'yon dahil nasasaktan ko siya. Umiiyak siya sa akin, pero hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Wala akong magawa dahil hindi rin talaga ako sigurado sa kaniya.

Naaawa ako na umiiyak siya sa 'kin, at nasasaktan. Pero tuloy-tuloy pa rin siya sa pagsasabi sa akin ng sakit na matagal na rin niyang tinitiis sa tuwing pinaaalis ko siya.

"May choice naman talaga 'ko na umalis na nga lang at iwan ka dahil
ramdam ko naman na hindi mo 'ko mahal katulad ng pagmamahal mo sa Eli na 'yon. Gustong-gusto ko na rin minsan na sukuan ka, pero hindi ko magawa. Na kung sana gano'n ka lang kadaling iwan, ginawa ko na. Pero desisyon kong mahalin ka nang buong-buo at walang halong pag-aalinlangan. Sa tuwing sinasabi mo nga na umalis ako, ipinapakita ko na wala lang sa 'kin kahit sa totoo lang, ang sakit-sakit. Kasi feeling ko, kapag sinasabi mo 'yon, iniisip mo na sana hindi na lang ako 'yong nandito. Na sana si Eli na lang ulit."

Mabigat sa loob ko na pakinggan siya ng gabing iyon. Sobrang sakit na
marinig na umiiyak siya dahil gano'n pala 'yong epekto sa tuwing sinasabi kong umalis na lang siya. Wala akong masabi dahil palihim din akong umiiyak dahil sa awa kay Mark.

"Naisip ko nga na marami ka naman talagang dahilan para hindi ako
mahalin. Kasi sino nga naman ba 'ko kumpara sa mga lalaking nagkakagusto sa 'yo. Pero sana lang Aira, maisip mo na kahit anong pagpapaalis ang gawin mo, hindi ako aalis. Kahit nasasaktan na 'ko. Kasi desisyon ko 'yon eh. Desisyon kong
mahalin ka sa lahat ng araw, sa lahat ng oras, sa lahat ng minuto, segundo ng buhay ko. Mahal na mahal kita Aira, sana kahit 'yon lang maintindihan mo."

Pagkabitiw niya ng mga salita na 'yon ay wala sa aming dalawa ang umimik. Patuloy lang siya sa pag-iyak sa kabilang linya at gayon din naman ay hindi rin tumitigil ang pagpatak ng luha sa aking mga mata. Ramdam ko ang sakit na nararamdaman niya dahil noon lang siya nagkaroon ng lakas ng loob na sabihin sa akin ang mga hinanaing niya sa tuwing
sinasabi ko na umalis na lang siya.

Akala ko kasi ay hindi niya 'yon sineseryoso dahil madalas, kapag sinasabi ko na 'wag na lang siya sa akin ay iibahin niya ang topic. Magtatanong siya kung kumain na ba 'ko, kung uminom ba ako ng tubig, o kung uminom na ako ng iron supplements ko. He never showed me how much he was hurt until that night. Siguro ay napuno na rin siya sa akin dahil madalas, pati sa chat ay sinasabi ko 'yon.

Mark's love for me was genuine and pure. Unconditional. Wala nga akong naiisip na dahilan para hindi siya mahalin, pero ayaw ko namang pilitin ang sarili ko dahil alam na alam ko naman na love must come without being pressured. Love should never, and ever be forced.

Iyon din siguro ang dahilan kung bakit may mga pagkakataong tinatabangan ako kay Mark. Pakiramdam ko kasi ay hindi niya ako binibigyan ng oras para sa sarili ko, at mag-isip kung dapat ba o hindi ko siya dapat panatilihin.

Palagi niyang sinasabi na "Huwag ka na masyadong mag-isip ha? Basta
nandirito lang ako sa tabi mo, Mahal."

Hindi ko gustong mahalin siya dahil napipilitan ako, hindi ko gustong
mahalin siya dahil ipinararamdam niyang mahalaga ako, kung hindi dahil mahal ko siya, dahil desisyon ko rin na mahalin siya nang hindi ko namamalayan. Iyon ang pag-ibig na dapat niyang maranasan mula sa akin, o kahit sa sino pa mang babae ang mamahalin niya.

Give Me More SunsetsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon