Chapter 34

44 4 0
                                    

“Ma, sarado pa kina Ate Lita saka Ate Lorraine,” ang sabi ko kay Mama pagbalik namin ni Mark sa bahay.

“Eh samahan mo na lang ulit. Pamaya-maya lang eh magbubukas na ‘yon,” sagot niya at saka ngumiti sa aming dalawa ni Mark.

Noon ay sinamahan ko ulit siya sa sala dahil wala naman kaming nabili. Umaalis lang ako sa tabi niya kapag inuutusan ako ng mga tita ko na magtimpla ng kape.

“Manliligaw mo ba ‘yon?” tanong sa akin ng pinsan kong si Ate Whena na pamangkin ni Mama. Nasa mahigit 30 anyos na siya at kasal na pero wala pa naman siyang anak.

“Oo raw sabi niya,” nahihiya kong sagot sa kaniya.

Kasama rin namin noon si Ate Cristhel na asawa ni Diko at si Ate Jeny na asawa naman ni Kuya.

“Tagasaan ‘yon?” dagdag ni Ate Whena.

“Taga-Calumpit.”

“Ha?! Kalayo naman pala. Tapos? Paano siya nakapunta rito?”

“Nag-commute lang,” tipid na sagot ko at natatawa-tawa.

“Mahal ka n’on!” ang sabi niyang muli sa akin at saka napangisi sina Ate
Cristhel at Ate Jeny.

“Eh ewan ko sa kaniya,” dipensa ko na parang hindi sinasabi ni Mark araw-araw na mahal niya ako.

“Hindi pupunta ‘yan at mag-eeffort dito kung hindi ka mahal. Sinasabi ko sa ‘yo, mahal ka n’on. Pero ito lang paalala ko sa ‘yo. Huwag na huwag kang magpapabuntis ha?!”

“Luh hindi Ate Whena!” gulat na sagot ko.

“Eh alam ko naman na matino kang babae. Pinaaalala ko lang sa’yo. Alam mo ba ang sabi sa akin ng nanay at tatay ko noong dalaga pa ‘ko? Sabi nila, ‘wag na ‘wag raw akong uuwi nang pugot ang ulo ko. Ano ibig nilang sabihin doon? Ibig sabihin, ‘wag akong uuwi isang araw sa bahay na nakayuko ang ulo at nahihiya sa mga tao dahil bata pa lang, nabuntis na ‘ko,” paliwanag niya. Nakikinig lang ako sa kaniya at tinatandaan sa isip ko ang mga sinasabi nila.

“Saka ang mga lalaki,” panimula ni Ate Christhel sa Ilocana accent niya,
“kapag sa una, kung ano-ano ang ipapangako niyan sa ‘yo. Kung ano-anong mabubulaklak na salita ang sasabihin tapos sa dulo, kapag nahulog ka na, saka ‘yan magbabago at makikita mo na hindi naman pala totoo lahat. Kaya ingat-ingat din dahil syempre, bata ka pa naman.”

“Ilang taon ka na ba?” tanong pa ni Ate Whena.

“Nineteen po.”

“Sa bagay, nalampasan mo naman na pala ‘yong critical age para sa mga
ganiyan-ganiyan. Basta mag-aral ka muna. Bawal ang boyfriend hanggang hindi nakakatapos ha?! Ikaw na lang ang pag-asa ng nanay mo,” mataray na sabi ni Ate Whena. Wala naman akong naisagot dahil ina-absorb ko lang lahat iyon.

“Eh Whena ‘wag mo muna nga i-pressure si Aira. Maayos naman na bata ‘yan eh,” ang sabi ni Ate Cristhel.

“Oo nga alam ko naman. Maganda pa oh. Pinsan ko ‘yan eh,” sagot ni Ate
Whena.

Matapos ang pag-uusap na ‘yon ay bumalik na ako sa sala at lumapit kay Mark.Mahigit alas-singko ng umaga ay sinamahan ko ulit siya na bumili sa tindahan at sa pagkakataong ‘yon ay bukas na sa tindahan ni Ate Lorraine kaya bumili na siya habang hinihintay ko siya sa isang gray na gate, ilang metro ang layo sa kaniya. Ayaw kong pag-chismisan kami kapag nakita kami ng nagtitinda. Nang makita ko ang binili niya ay parang nag-init ang ulo ko.

“Ano ka ba?! Bakit ‘yan ang binili mo?” tanong ko sa kaniya nang tanawin ang hawak niyang malaking Clover.

“Eh ano ba bibilhin ko? Hindi naman ako nagugutom eh,” natatawang sagot niya.

Give Me More SunsetsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon