Ang Kapitbahay

34 2 0
                                    

Sa isang tahimik at di kalakihang restaurant na may layong isang bloke mula sa tinitirhang condo ni Jerome, kausap ng sikat na basketball player ang isang may katabaang lalaki na nasa edad mga limampung taong gulang.

 

Hawak-hawak nito ang isang dyaryo.

 

Siya si Mr. Tan, ang agent ni Jerome simula't sapul na mag-umpisa ito sa NBA. Simula ng sumikat ang binata ay lumutang na rin ang pangalan ng ahensyang humahawak sa kanya. Naging maganda ang kredibilidad ng kumpanya kaya't maraming mga NBA players ang lumilipat at nagpapahandle dito. Maging si Justin ay hawak din ng nasabing agent.

 

Nakakunot ang noong inilapag ni Mr. Tan ang diyaryo sa mesa.


Nakasaad sa headline ng sport page nito ang "No Superman Show!". Tinutukoy nito ang naganap na pagkatalo ng koponan ni Jerome nang nagdaang laban. Headline sa napakaraming newspapers ang pangyayaring ito.

 

Matapos ang labinlimang sunud-sunod na panalo ay muling nakaranas ng pagkatalo ang koponan ng New York. Ngunit ang lalong nagpaigting sa nasabing balita ay ang klase ng paglalaro ng binata. Hindi ito nagpamalas ng galing na para bang ibang tao ang naglaro sa court.

 

"Anim na turn-overs,3/20 field goal, pitong puntos.Tinalo kayo ng mahigit dalawampung puntos ng kalaban. Ikaw ba talaga ang naglaro kagabi? May nakain ka bang masama? Okay lang na minsan ay humina ka pero ang nangyari sayo kagabi ay isang malaking dilubyo. Hindi maaring maulit ang ganitong pangyayari!" sermon ng agent at sabay dukot nito sa telepono.

"Hello, Miss Tina kanselahin mo lahat ng mga endorsement meetings ni Jerome. Pansamantala muna syang hindi tatanggap ng mga proposals!"


Ibinaba ni Mr. Tan ang telepono at muling ibinaling ang atensyon sa binata.

 

"Mula ngayon dadagdagan natin ang oras ng training mo. Ikaw ang sentro ng atensyon ngayon sa NBA kaya lahat ng mga ikinikilos mo ay inaabangan ng mga kritiko. Siguradong pag-uusapan na naman ito ng ilang araw sa ESPN!"

 

Binasa ni Jerome ang newspaper nang hindi makikitaan ng anumang pagkabahala sa mukha. "Walang dahilan para mag-panic. Kilala ko ang sarili ko. Alam ko ang laro ko, ngunit ang nangyari kagabi ay katunayan lamang na hindi ako isang perpektong basketball player. Pagkakataon ito para maipakita sa tao na hindi tamang umasa sila na sa bawat laban ay makakapanood sila ng isang superhero. Tama nga ang headline na to. Hindi ako si superman. Dahil lamang sa sunud- sunod na panalo ng team ay nakakalimutan nyo nang bilog ang bola. Minsan panalo, minsan natatalo." direkta at mahinahong sagot niya.

Kalmado lamang siya sa kanyang kinauupuan habang pinaglalaruan ang suot niyang rubber wristband. At nang makita niyang muli na namang maglilitanya ang agent ay agad niya itong inunahan sa sasabihin.

"Alam nyo kung bakit excited akong maka-meeting kayo sa labas? Dahil dito..." sabay taas niya ng kamay sa isa sa mga waiters na kanina pa nagbubulungan habang nakatingin sa kanilang table. Umorder siya ng apat na klase ng burgers, tatlong milkshakes, tatlong set ng salad,dalawang order ng fried chicken at apat na pancakes.

 

Napanganga si Mr. Tan sa dami ng kanyang inorder.

"Darating si Justin." maiksing paliwanag niya sa nagtatakang kasama.

  

"Alam mo dapat pa rin nating pag-usapan ang laro mo. Baka naman hindi pa lang maganda ang chemistry nyo ng bago nyong starting na power forward..." pagpupumilit pa rin ni Mr. Tan na pag-usapan ang isyu.

[SPG] FAST BREAK Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon