"Kailangan lang pala ay maaksidente ka para paglaanan ka na ulit ng oras ng boyfriend mo." komento ni Vicky matapos umalis ang bumisitang nobyo ng kasamahan.
Kapapasok lang ulit ni Sandra sa trabaho matapos magpagaling dulot ng aksidenteng naganap.
"Nagsisisi na si Clark sa nangyari. Tsaka ako naman talaga ang may kasalanan dahil hindi ko iningatan ang sarili ko."
"Bakit nga ba hindi ka napuntahan agad ni Clark sa bakasyon niyo?"
"May nasunog kasi silang isang malaking warehouse."
"Hay kaya naman pala. Ang hirap pala talaga ng sitwasyon niyo. Ikaw naman kasing bata ka lagi ka na lang pabaya sa sarili. Pag ganyang alam mong walang mag-aalaga sayo dapat umiiwas ka sa mga delikadong bagay. Eh sino naman ang nagmagandang loob na tulungan ka?"
Tumahimik si Sandra. Ilang saglit itong naghanap ng isasagot. "May napadaan na isang lalaki at nakita ako sa paanan ng bangin."
"Nininerbyos ako sayong bata ka! Paano na lang kung walang nakakita sayo? Hindi ko kayang isipin ang pwedeng mangyari. Oh, wag ka munang magkikilos masyado ha. Ako na muna ang bahala sa mga mabibigat na trabaho."
"Wag kayong mag-alala Miss Vicky. Kaya ko na ho."
Pumasok sa kusina si Sandra upang ipagpatuloy ang naantalang trabaho nang dumating ang boyfriend. Hindi pa man siya nagtatagal dito ay muli siyang tinawag ng kasamahan.
"Sandra! Sandra! Halika dito!" sigaw sa kanya ni Miss Vicky.
Nagmadali siyang lumabas ng kusina.
Nanlalaki ang mga mata ni Vicky nang makitang bumababa sa nakaparadang sasakyan si Jerome. "Totoo ba ang nakikita ko? Pinupuntahan na ulit tayo ni Jerome Hernandez?"
Hindi makasagot si Sandra. Maging siya man ay nagtataka sa biglaang pagpunta ng kapitbahay. Napatingin sa kanya ang kasamahan na tila pinag-aaralan ang reaksiyon niya.
"O, isipin mo ha...may boyfriend ka na!" paalala nito sa kanya.
Lumapit si Jerome sa counter at kaswal na tumingin kay Sandra. Binigyan niya ng tipid na ngiti ang dalagang may nagtatakang reaksiyon. Ngiting-ngiti naman sa kanya si Vicky habang hinihintay ang order niya.
"Mukhang matagal yatang hindi kayo nakapasyal dito sa amin Sir Jerome!"
Binigyan niya ng isang matamis na ngiti ang serbidora. "Pasensiya na Miss Vicky sobrang higpit kasi ng schedules ko nitong mga nakaraang buwan."
Namula at kinilig si Vicky nang banggitin ng sikat na basketball player ang kanyang pangalan. Hindi niya akalaing matatandaan ito ng isang Jerome Hernandez.
"Hayaan nyo pag maluwag ang oras ko ay dadalasan ko ang pagdalaw sa inyo." nakangiting wika ni Jerome na halatang sinasakyan ang kakiligan ng serbidora.
Tumalon lalo ang puso ni Vicky sa narinig. "A-Anong order niyo Sir Jerome?"
"Ano bang isa-suggest mo? Ah, alam ko na bigyan mo ako ng specialty drinks nyo na ikaw mismo ang gagawa. Gusto kong malaman kong gaano ka kasarap magtimpla."
"Kayo naman Sir Jerome, sige na nga ako na ang pipili para sainyo!" malabing na sambit ni Vicky habang napapahagikhig sa kakiligan.
Nakakunot ang noo at nakahalukipkip na tinititigan ni Sandra si Jerome. Nagdududa siya sa kakaibang ikinikilos nito. Kinukutuban siya sa biglaang pagiging palakaibigan nito kay Miss Vicky. Napatingin ulit sa kanya si Jerome ngunit parang balewala lamang sa binata ang mga mapanghusgang titig niya sa halip ay kaswal lang ulit itong ngumiti sa kanya. Nag-atubili siyang bumalik ng kusina. Gusto niyang pakiramdaman ang galaw ng lalaki. Nanatiling nakatayo lamang ito sa counter at patuloy na nakikipagkuwentuhan sa kasamahan habang hinihintay ang order.
BINABASA MO ANG
[SPG] FAST BREAK
HumorKapag ang pag-ibig ay dumating sa buhay mo, ituturing mo ba itong parang isang bola na pwede mong itapon at ipasa sa iba? O susubukan mong angkinin at makisabay sa agos ng paglalaro? Anuman ang iyong kasagutan, ang laro ng pag-ibig at laro ng bola a...