Puno ng bituin ang kalangitan. Tahimik ang paligid. Kumikinang ang tubig sa lawa dahil sa liwanag na nagmumula sa bilog na buwan. May manaka-nakang ingay mula sa pagaspas ng mga puno sa tuwing umiihip ang malamig na hangin. At sa isang mahabang upuan sa ilalim ng isang puno, magkatabi si Clark at Sandra. Hindi gaanong nag-uusap ang dalawa at parehong malayo ang mga tingin.
Kadarating lang ulit ni Clark sa New York. Mahigit isang linggo siyang nawala dahil sa biglaang board meeting sa main office nila sa Texas. Pagdating niya ay kaagad niyang pinuntahan ang dalaga. Niyaya niya ito upang muli syang samahang maghanap ng isang tahimik na lugar para mag-isip at magpahangin.
"Mukhang marami kang baong problema. Nag-away na naman ba kayo ng tatay mo?"
Hindi agad sinagot ng lalaki ang tanong. Matamlay itong ngumiti at umiling. "Sanay na ako sa away naming mag-ama. Manhid na ang pakiramdam ko pagdating sa kanya. Napagod lang ako masyado sa uwi ko. Sunud-sunod kasi ang dating ng mga problema sa kumpanya"
Sa maiksing panahon ng pagbabalik ni Clark sa main office ay mayroon siyang tinanggal na labing anim na tiwaling mga tauhan, kaliwa't kanang nakipagdiskusyon sa mga matataas na opisyales ng iba't ibang malalaking kumpanya, nakipagtalo sa ama at idinepensa sa board meeting ang pananatili nya sa branch office ng Bluestar sa New York. Pakiramdam niya ay maulap na naman ang kaloob-looban ng kanyang dibdib. Kailangan nya sa mga sandaling iyon si Sandra dahil ito lamang ang nakakapagpanumbalik ng kanyang sigla at nagpapagaan ng kanyang pakiramdam.
"Clark, naranasan mo na bang magmahal?"
Naputol ang malalim na pag-iisip ng binata at napatingin ito sa katabi. "Bakit ka nagtatanong ng ganyang bagay?"
Huminga ng malalim si Sandra. "Totoo ba na kapag mahal mo ang isang tao ay kaya mong ipagpalit ang lahat para sa kanya?"
"Bakit nagmamahal ka na ba?"
Umiling ang dalaga.Ngumiti ito ng matamlay at yumuko.
"Mayroon lang kasi akong kakilala na lahat ay kayang mawala sa kanya huwag lang ang taong minamahal nya. Ganoon ba talaga pag-umibig, mas mahalaga ang nararamdaman kaysa sa tamang pag-iisip?"
"Hindi ba ganyan din ang nararamdaman ko para sayo?"
Napatingin si Sandra sa kausap at muling iniiling ang ulo sa pag-aakalang nagbibiro lamang ito. "Hindi. Iba naman ang sinasabi mo. Ang nararamdaman mo ay pagmamahal para sa isang kaibigan. Ang tinutukoy ko ay ang pagmamahal na higit pa doon."
Tinitigan ni Clark ang nakayuko at malungkot na mukha ng katabi. Napakainosente pa rin nito pagdating sa pag-ibig. Hanggang kailan kaya siya nito makikita bilang lalaking higit pa sa isang kaibigan.
"Oo may mga taong ganyan. At hindi dapat bumaba ang tingin mo sa kanila. Hindi sila dapat maliitin sa halip ay dapat mong hangaan... dahil nagagawa nilang ipaglaban ang kanilang nararamdaman. Mayroon silang lakas ng loob para ipagpalit kahit ang ibang bagay na gusto nila para sa mas nakahihigit nilang gusto. Sila ang mga taong higit na nakakaalam sa mga bagay na magbibigay sa kanila ng tunay na kaligayahan."
"...Muntik ko ng maranasan ang ganyang uri ng pagmamahal ngunit panandalian akong naduwag at huli na nang mapagpasiyahan kong ipaglaban ito."
"Bakit anong nangyari?"
"Bigla na lang syang nawala."
"Hinanap mo ba sya?"
Umiling ang binata.
"Bakit hindi mo sya hinanap kung mahal mo pala siya?"
Tumingin sa malayo si Clark. "Dahil simula ng mawala siya ay nagbago ang pananaw ko sa buhay... hanggang sa hindi ko namalayan na unti-unti nang nawawalan ng puwang ang pagmamahal sa puso ko."
BINABASA MO ANG
[SPG] FAST BREAK
HumorKapag ang pag-ibig ay dumating sa buhay mo, ituturing mo ba itong parang isang bola na pwede mong itapon at ipasa sa iba? O susubukan mong angkinin at makisabay sa agos ng paglalaro? Anuman ang iyong kasagutan, ang laro ng pag-ibig at laro ng bola a...