Opening ng foundation ni Jerome Hernandez. DREAM HIGH FOUNDATION, ito ang nakasulat sa bandang itaas ng gate ng isang malawak na compound. Matatagpuan dito ang tatlong malalaking gusali na merong tig-aapat na palapag, isang katamtamang bulwagan na nagsisibiling function hall, malaking playground na kumpleto sa kagamitang panlaro, dalawang basketball court at magandang hardin na puno ng mga makukulay na bulaklak at berdeng mga halaman.
Ang dalawang gusali ay dormitoryo ng mga bata. Ang isang gusali naman ay nagsisilbing munting learning center para sa mga bata. Mayroon itong library, study hall, gym at isang clinic.
Nagkalat ang mga bata sa playground. Nakasuot ang mga ito ng magkakatulad na kulay asul na T-shirt na may nakaimprentang pangalan ng foundation. May mg batang naglalaro sa slide, may mga nakasakay sa swing, may mga nakasabit sa monkey bars, may mga naghahabulan sa playground at may mga naglalaro sa basketball court kung saan karamihan sa mga ito ay iniidolo si Jerome.
Tahimik na tinitingnan ni Jerome ang nakakataba sa pusong tanawin. Wala siyang mapagsidlan ng kaligayahan habang tinatanaw ang mga masasayang batang naglalaro. Ang magandang tanawing ito ang pangarap niya... Ito ang isa sa pinakamimithi nya...at ito ang magiging buhay nya pagkatapos ng basketball.
Samantala abalang-abala naman si Jessica sa pag-iistima sa mga bisita lalo na sa mga magulang ni Jerome. Walang medya na inimbita ang magkasintahan. Tanging mga malalapit na tao, sponsors, volunteers, staff at mga taong mula sa iba't ibang charitable institutions ang mga naroroon. Iniiwasan ng sikat na binata na madamay ang foundation sa mga kamerang madalas na nakabuntot sa kanya.
"Natutuwa namin kami at nakatagpo ang anak namin ng tulad mo ring may matulunging puso. Kahit papaano ay may makakatulong siya sa pag-aasikaso nitong foundation." sambit ng ina ni Jerome habang naglalakad-lakad sa foundation kasama si Jessica.
Hindi maikubli ni Jessica ang pamumula ng mukha sa narinig. Simula nang una niyang makita ang mga magulang ni Jerome ay panay puri sa kanya ang kadalasang naririnig niya mula sa mga ito. Simple at mababait ang mga magulang ng boyfriend. Hindi na siya nagtataka pa kung bakit ganoon ang personalidad ni Jerome. Maalalahanin at maasikaso ang kanyang ina samantalang mabait, mukhang matalino at palabiro naman ang kanyang ama. Nakita niya kung gaano kalapit ang kasintahan sa kanyang ama. Halatang nakikinig at mataas ang respeto ng binata dito. Mayroong dalawang nakababatang kapatid na lalaki ang kasintahan ngunit hindi nakasama ang mga ito dahil abala sa kanilang pag-aaral.
"Wala pong anuman ito. Masaya rin po talaga ako kapag nakakatulong sa ibang tao. Dati nga ho kahit hindi pa man kami magkasintahan ng anak nyo ay may mga pagkakataong nagkakasabay na rin kami sa pag-attend ng mga charitable events." maamong sagot ni Jessica.
"Mabuti naman kung ganoon.... Bakit nga pala hindi mo inimbita ang iyong ina dito?"
"Naku mahiyain po yun masyado. Hiniling po kasi nun sa akin na wag syang kumbidahin sa anumang pagtitipon maliban na lang kung ito ay pampamilya."
"Ah kunsabagay naiintindihan ko siya. Mahirap ngang magkaroon ng sikat na anak. Minsan parang ayaw mo nang lumabas ng bahay dahil natatakot kang marinig na pinag-uusapan ang anak mo ng ibang tao at magbitiw ang mga ito ng masasamang komento... Pero sana makilala rin namin ang iyong ina ng mas maaga para mas lalo pang maging malapit ang pamilya natin sa isa't isa."
Tumaba ang puso ni Jessica sa huling sinabi ng ginang. Masarap pakinggan na itinuturing na siyang pamilya nito.
BINABASA MO ANG
[SPG] FAST BREAK
HumorKapag ang pag-ibig ay dumating sa buhay mo, ituturing mo ba itong parang isang bola na pwede mong itapon at ipasa sa iba? O susubukan mong angkinin at makisabay sa agos ng paglalaro? Anuman ang iyong kasagutan, ang laro ng pag-ibig at laro ng bola a...