Nakatanggap ng isang puting envelope mula sa kanyang mailbox si Sandra. May laman itong isang ticket ng basketball. Nakakabit dito ang isang maliit na note na nagsasabing galing ito kay Jessica. Tiningnan niya ang detalye ng ticket. Laban ito ng koponan ni Jerome sa darating na Linggo. Naisip nyang siguro nga ay may relasyon na ang kaibigan at ang kapitbahay. Kinuha niya ang telepono upang kausapin ang kaibigan.
"Hello."
Natigilan siya matapos marinig ang boses ni Jessica. Bigla siyang nagdalawang-isip. Itatanong nya sana ang tungkol sa totoong relasyon nito sa basketbolista ngunit napagisip-isip nyang hintayin na lamang na ito ang kusang magsabi sa kanya.
"Magkatabi ba tayo ng upuan?" tanong niya.
"Anong upuan?" naguguluhang tanong ni Jessica.
"Dito sa ticket."
"Natural."
"Palitan mo ang ticket ko." utos niya.
"Bakit na naman?!"
"Ayokong tumabi sa'yo siguradong pagtitinginan at mapu-focus ka ng mga kamera dahil sa isyu nyo ni Jerome."
"Issue? Tama ba ang narinig ko na natututo ka nang manood ng balita?"
"Sinabi ng kasamahan ko sa trabaho."
"Hindi ko na pwedeng palitan yan. Bigay lang ni Jerome sa akin yan."
Lalong nadagdagan ang hinala niya sa narinig. Maaring totoo nga ang balita.
"Pwes, huwag mo na lang akong isama."
"At sino naman ang isasama ko?"
"Bahala ka na."
"Ah basta sumama ka!" sabay bagsak ng telepono ng kaibigan.
Naisip ni Sandra na ibalik na lamang ang ticket kay Jessica at mas mabuting magpasama na lamang ito sa kanyang sekretarya o assistant.
Napatingin ulit sya sa ticket.
Bigla syang nakonsensiya. Marami itong mga nagawang pabor sa kanya nitong mga huling araw at sa ganitong simpleng bagay lamang ay hindi nya ito mapagbigyan. Ngunit ayaw nya talagang makatabi sa panonood ang kontrobersyal na kaibigan.
Naisip niya bigla si Jerome. Baka pwede nyang papalitan ang upuan ng ticket tutal galing naman ito sa kanya. Ngunit bigla siyang nag-atubili. Nahihiya na syang humingi ng pabor sa kapitbahay. Si Justin kaya? Tama si Justin!
Tumingin siya sa orasan. Tamang-tama alas-onse na ng gabi. Kadalasan ay sa mga ganitong oras nasa bahay ang mga kapitbahay dahil tapos na ang kanilang laro. Nagmadali siyang lumabas ng bahay at nag-doorbell sa katabing unit. Makailang ulit syang nag-doorbell ngunit walang nagbubukas ng pinto. Bumalik na lamang siya sa kanyang unit ngunit maya't maya pa rin siyang napapasilip sa pintuan sa tuwing makakarinig ng ingay.
BINABASA MO ANG
[SPG] FAST BREAK
HumorKapag ang pag-ibig ay dumating sa buhay mo, ituturing mo ba itong parang isang bola na pwede mong itapon at ipasa sa iba? O susubukan mong angkinin at makisabay sa agos ng paglalaro? Anuman ang iyong kasagutan, ang laro ng pag-ibig at laro ng bola a...