Akin na lang ang mundo ko

26 1 0
                                    

Sinarado ni Sandra ang pinto ng kanyang apartment. Papasok siya ng coffee shop. Sapat na ang mga pagkukulong niya ng ilang araw. Handa na siyang lumabas at harapin ang lahat.



Napahinto siya sa tapat ng katabing unit. Tinitigan niya ang pinto nito.



Simula ng iniwan niya si Jerome sa resthouse ay hindi niya na ito muling nakita pa maliban sa sandaling napanood ito sa telebisyon. Alam niyang malalim ang galit nito sa kanya. Hindi niya ito masisisi. Nasaktan niya ang binata. Marahil ay kasing sakit din ng naramdaman niya nang iwan ito.



Pagdating niya sa coffee shop ay nagulat ang kanyang mga kasamahan sa kanyang di-inaasahang pagpasok. Ang akala ng mga ito ay tuluyan niya nang iniwan ang trabaho. Sinalubong niya ang mga ito ng may nakangiting mukha.

 

Pagkakita sa kanya ni Miss Vicky ay patakbo itong lumapit at yumakap ito ng mahigpit. "Kumusta ka ng bata ka? Ang akala ko ay hindi ka na ulit magpapakita."


"Pwede ba naman yun Miss Vicky. Sa tingin niyo ba aalis na lang ako basta-basta nang hindi man lang ulit kayo nakikita?"


Nagpalit siya ng damit at nakangiting lumabas ng banyo na suot na ulit ang uniporme.



"Na-miss ko sobra ang trabaho ko dito! Halika umpisahan na natin maglinis Miss Vicky."...



Masiglang sinabayan ng serbidora ang dalaga. Hindi mabura-bura ang mga ngiti nito sa mukha sa muling pagpasok ni Sandra. Maghapon silang nagtawanan at nagkumustahan. At nang malapit ng matapos ang araw ay inilabas ni Sandra ang cellphone.


"Miss Vicky, Mr. Castro. Halika magkuhanan tayo ng litrato. Sa matagal kong hindi pagpasok narealize kong wala man lang pala akong kapicture-picture kasama kayo."

 

"O sige! Magpicture-picture tayo Sandra. Gusto ko yan! Sandali magpapaganda lang ako ng kaunti."

 

Naglagay ng lipstick si Vicky at kinuha rin ang sariling cellphone.

 

Masayang naglitratuhan ang tatlong magkakasama. Punung-puno ng mga ngiti at tawanan ang bawat larawan. Buong araw na naging masigla at masaya ang coffee shop. Muli itong nagkaroon ng buhay sa pagbabalik ni Sandra.


Natapos ang trabaho. Ikinakandado na ulit ni Mr. Castro ang coffee shop. Muli na naman silang magpapaalaman sa harap ng shop. Ngunit bago tumalikod si Sandra ay nagseryoso ito ng mukha.

 

"Mr. Castro, Miss Vicky, patawarin niyo ako kung may mga bagay na inilihim ako sa inyo. Nagawa ko lang ang mga ito dahil gusto ko ho ng tahimik na buhay. Nagpapasalamat ako sa inyo Mr. Castro at binigyan nyo ako ng pagkakataon para makapagtrabaho sa coffe shop."


"Miss Vicky....salamat sa pagiging kaibigan at ina nyo sa akin dito sa New York. Salamat sa masasayang alaala. Isa kayo sa mga dahilan kung bakit sumasaya ang pagtira ko dito. Maraming salamat sa lahat."


Hindi naman mapigilan ni Vicky ang maluha.


"Ano bang pinagsasabi mong bata ka? Na-miss mo ba talaga kami ng sobra at bigla kang nagdadrama?"


Hindi sumagot si Sandra sa mga tanong ni Vicky at binigyan niya lang ito ng tipid na ngiti.


"Sige ho. Tutuloy na ako....Paalam."


Tumalikod si Sandra. Malungkot at mabibigat ang mga paa na naglakad siya patungong istasyon ng tren.... Ayaw niya mang gawin, ngunit kailangan niya nang magpaalam dahil simula sa araw na ito ay hindi niya na tiyak ang maaring mangyari bukas...

[SPG] FAST BREAK Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon