Katok ng Pag-ibig

19 1 0
                                    




Binubuksan ni Jerome ang pinto ng kanyang apartment. Kagagaling nya lang sa dinner kasama ang mga magulang at si Jessica. Nagbukas ang pintuan ng kapitbahay at lumabas dito si Sandra. Nagmamadali itong lumapit sa kanya at hinila nito ang isa niyang kamay.

 

"Mag-usap tayo." tila galit na tono nito.

 

Hinila siya ng babae papuntang elevator at dinala sa rooftop.

 

"Huwag mo nang uulitin ang ginawa mo sa kaibigan ko." bungad sa kanya ng kapitbahay pagdating sa rooftop nang may seryosong mukha habang nakatingin sa malayo.

 

"Anong ibig mong sabihin? Bakit may nagawa ba akong hindi maganda kay Jessica?"

 

"Huwag mong sasaktan ang damdamin ni Jessica nang dahil lang sa akin."

 

Agad namang nakuha ni Jerome ang tinutukoy ng kausap. Natawa ito sa sinabi ng babae. "Girlfriend ko si Jessica kaya may karapatan akong pagsabihan siya kung may pagkakamali siyang ginawa."

Tumingin si Sandra sa lalaki. "Pagsabihan mo sya sa kahit anumang bagay wag lang tungkol sa akin!" malakas na wika nito.

Napangisi si Jerome. "Ibig mo bang sabihin na off-limit ako pagdating sa problema niyong dalawa?"

"Oo! Dahil wala kang alam sa mga pinagdaanan namin!"

"Ah... oo nga pala lagi nyong binabanggit sa akin yang tungkol sa pinagdaanan nyo. Bakit di nyo subukang ipaliwanag baka sakaling maintindihan ko...Sinasabi mo bang hayaan kong maging masamang tao ang girlfriend ko dahil sa pinagdaanan nyo?" sarkastikong sambit ng lalaki.

 

"Walang ginawang masama si Jessica... Naiintindihan ko ang dahilan nya kung bakit nya ako nasaktan. Kaya't wag mo syang sasaktan dahil naiintindihan ko sya! Nakikiusap ako wag mong sirain ang pagtingin mo sa kaibigan ko nang dahil lamang dito."

Hindi na napigilan ni Jerome ang sarili. Hinawakan niya ng mahigpit sa braso ang kausap. Iniharap niya ito sa kanya at pinandilatan ng mga mata.

"Anong ginagawa mo Sandra? Nakikita mo ba ang ginagawa mo sa sarili mo?"

 

"A-anong ibig mong sabihin?" nagtatakang tanong ng dalaga habang nakatingin sa galit na mukha ng kausap.

"Paano mo nagagawang tanggapin ang lahat ng ito? Hindi ka man lang ba naawa sa sarili mo? Ni katiting ba ay wala kang nararamdamang pagmamahal para sa sarili mo?"

"Huwag mong ipasok ang sarili ko sa pinag-uusapan natin Jerome."

 

"Kung ganito ang ginagawa mo, pwes wala kang karapatang magreklamo kung nalulungkot ka o nagdurusa ka! Wala kang karapatang umiyak! Dahil ikaw mismo ang pumapayag na mangyari ito sa sarili mo!"

 

Nasaktan si Sandra sa mga binitawang salita ng lalaki. Gusto nya itong murahin. Gusto nya itong sampalin...ngunit kailangan niyang pigilan ang sarili. Hindi ito ang dahilan kung bakit siya nakikipag-usap dito. Marahang tinanggal niya ang pagkakahawak nito sa kanyang braso.

 

"Sabihin mo na ang lahat ng gusto mong sabihin. Isipin mo na kahit anong gusto mong isipin basta't wag mo na lang uling sasaktan si Jessica dahil sa akin. Hayaan mong kaming dalawa na lamang ang umayos sa anumang di namin pagkakaunawaan." biglang mahinahong wika niya.

[SPG] FAST BREAK Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon