Naglalakad si Sandra sa isang malawak na bukiring puno ng iba't ibang bulaklak. Nakangiti. Nakapikit. Hinahaplos ng sariwang hangin ang kanyang mukha.
Napatingala siya sa bughaw na langit. Unti-unting binabalot ito ng itim na ulap. Nagsimulang magdilim ang paligid. Hanggang sa may naaninag siyang isang binatang papalapit.
"Sandra! Sandra!"
Naririnig niya ang boses ni Jessica.
"Tulungan mo siya Sandra!"
Papalapit nang papalapit sa kanya ang lalaki. Inaabot nito ang isang kamay. Hanggang sa may tumulong dugo sa noo nito.
Natakot siya sa nakita at sinimulan niyang tumakbo. Ngunit hinabol siya ng binata.
Papadilim ng papadilim ang paligid. Nadapa siya at inabutan siya ng lalaki. Inilapit nito ang duguang mukha sa kanyang mukha. Hanggang sa maramdaman niyang napapatakan na siya ng tumutulong dugo.
Nawala ang binata. Bumangon siya sa pagkakadapa. Pinahid ang dugo sa kanyang mukha. May nakita siyang isang maliwanag na lugar.
Pinuntahan niya ito at nakita dito ang isang batang umiiyak. Nakatingin ito sa isang lalaking may hawak na baril. Itinutok ng lalaki ang baril at bigla itong pinagpapaputok ng walang humpay.
"AAAAAAAAAAA!!!"
Napabalikwas ng gising si Sandra. Namumutla sa takot, umiiyak at pinagpapawisan ng butil-butil ang noo.
Bigla namang nagising si Jerome sa sigaw ng katabi at agad na napaupo. Nagulat ito nang makita ang namumutlang dalaga.
"Anong nangyayari? Nanaginip ka ba Sandra?"
Hindi sumagot ang dalaga. Nanlalaki ang mga mata nito at nanginginig sa takot.
Niyakap ng mahigpit ni Jerome ang dalaga. Napansin niyang wala ito sarili. Hindi nito nararamdaman ang mga yakap niya. Tulala habang tumutulo ang luha. Punung-puno ng takot ang mukha. Paulit-ulit niya itong niyakap at hinalikan sa noo ngunit nanatili itong tahimik at nanginginig. Pinainom niya ito ng tubig.
Kahit nakainom na ay tila hindi pa rin natatauhan ang dalaga. Hindi pa rin ito tumitingin sa nakayakap na binata.
Bumangon si Sandra. Kinakagat ang mga kuko sa nanginginig na kamay. Pabalik-balik na naglakad sa loob ng kuwarto. Matindi ang naramramdaman niyang takot. Hindi niya maipaliwanag kung bakit biglang bumabalik ang dating epekto sa sarili ng masamang panaginip. Hindi siya makapagisip ng tuwid. Hindi niya makontrol ang takot. Isa lang ang paraan para maibsan ito. Babalik siya sa dating kinagawian. Kailangan niyang magsulat!
Lumabas sa kuwarto ang wala sa sariling dalaga. Pilit naghahanap ng anumang masusulatan. Binuksan lahat ng mga cabinet. Iniisa-isa ang mga istante. Nanlalaki ang mga mata. Natataranta. Nagmamadaling maghanap. Itinatapon ang anumang mahawakan na hindi pwedeng pagsulatan.
Biglang kinabahan si Jerome sa kakaibang ikinikilos ni Sandra. Sinusubukan niya itong pigilan at pilit pinapakalma ngunit tila hindi siya nito nakikilala.
"Sandra anong nangyayari sayo?"
Hindi pa rin tumitingin sa kanya ang kausap. Patuloy lamang ito sa paghahalungkat. Nang walang anumang makita ay sinabunutan nito ang sarili.
"Kailangan kong magsulat....kailangan kong magsulat...KAILANGAN KONG MAGSULAT!!!!"
"SANDRA! SANDRA!!!!!Anong nangyayari sayo?"
BINABASA MO ANG
[SPG] FAST BREAK
HumorKapag ang pag-ibig ay dumating sa buhay mo, ituturing mo ba itong parang isang bola na pwede mong itapon at ipasa sa iba? O susubukan mong angkinin at makisabay sa agos ng paglalaro? Anuman ang iyong kasagutan, ang laro ng pag-ibig at laro ng bola a...