Punung-puno ng mga reporter at mga photographer ang entrada ng isang malaking istasyon ng telebisyon. Nagsisiksikan. Nagtutulakan. Nagsisigawan.
Dumating ang isang itim na sasakyang hammer. Nagkagulo ang lahat.
Magkahawak-kamay na bumaba sina Jerome at Jessica. Kaliwa't kanan ang nagtatanong. Walang humpay sa pagkislap ang mga kamera habang pumapasok ang kontrobersiyal na magkasintahan sa loob ng istasyon.
Ito ang unang pagkakataong haharap sila sa tao matapos pumutok ang eskandalo. Pinaunlakan nila ang imbitasyon ng isang talk show upang ipaliwanag at linawin ang lahat.
Nang humarap sa kamera at sa host ng programa ay nanatiling magkahawak kamay ang dalawa. Parehong nakangiti, masigla at tila normal ang lahat. Subalit kung susuriing maigi ang mga mata ay dito makikita ang bahid ng mga pagkukunwari.
Humarap ang tagapanayam sa kamera at masiglang sinimulan ang palabas.
"Magandang araw po sa inyong mga tagapanood. Heto na po ang pinakahihintay nating lahat, ang aming eksklusibong panayam sa sikat na sikat at talaga namang pinag-uusapan ng lahat na sina Mr. Jerome Hernandez and Ms. Jessica Lopez!... Nininerbyos ako. Pakiramdam ko ay pinapanood tayo ngayon ng buong mundo."
"Magandang araw sa inyo Jerome Hernandez at Jessica Lopez!"
Ngumiti ang magkasintahan at malugod na binati ang tagapanayam.
"Bago ang lahat gusto kong itanong kung kumusta kayong dalawa ngayon?"
Sinagot kaagad ni Jessica ang tanong ng nakangiti.
"Maayos naman kami. Gaya pa rin ng dati."
"Nakikita ko nga sa hitsura ninyong dalawa ngayon na parang walang katotohanan ang mga haka-haka ng lahat na may pinagdadaanang pagsubok ang inyong relasyon."
"...Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa. Alam ko namang pinaunlakan niyo ang imbitasyon namin upang liwanagin ang lahat tungkol sa napapabalitang isyu ngayon kay Jerome na alam naman natin kung tungkol saan kung kaya't maari ko na bang simulan ang seryosong pagtatanong?"
Tumango si Jessica samantalang lihim namang napapalunok si Jerome. Kinakabahan siya dahil ito ang unang beses na magsisinungaling siya sa publiko.
"Matagal kayong hindi tumanggap ng anumang panayam at hindi nagpakita sa tao. Bakit?"
Mahinahong sumagot ang binata.
"Ayaw naming magsalita sa kainitan ng balita. Iniiwasan naming lumaki pa ito lalo. Naghihintay lang kami ng tamang pagkakataon."
"Totoo bang nawala ka ng mga ilang araw Jerome? Kahit ang mga malalapit sayo ay hindi alam ang iyong kinaroroonan?"
Tumahimik ng ilang sandali si Jerome.
"Totoo. Ito lang ang naiisip kong paraan upang pansamantalang makaiwas. Alam kong hindi ako lulubayan ng mga kamera saan man ako magpunta kung kaya't namili ako sa dalawa. Harapin ito kaagad o lumayo muna at hayaan itong humupa."
Pinalabas sa TV screen ng programa ang kontrobersiyal na litrato ni Jerome at Sandra. Ang larawang magkahawak ang kanilang mga kamay habang papalabas sa isang bar. Bagama't pinalabo ang bahagi ng mga mata ni Sandra upang hindi ito makilala ng lubusan ay tumutol ang isipan ni Jerome sa nakita.
BINABASA MO ANG
[SPG] FAST BREAK
HumorKapag ang pag-ibig ay dumating sa buhay mo, ituturing mo ba itong parang isang bola na pwede mong itapon at ipasa sa iba? O susubukan mong angkinin at makisabay sa agos ng paglalaro? Anuman ang iyong kasagutan, ang laro ng pag-ibig at laro ng bola a...