Nakaupo ang matandang Montecastro sa kanyang opisina. Kaharap nito ang isang lalaking may hawak-hawak na isang malaking envelope. Binuksan ng lalaki ang bitbit at inilapag sa mesa ang mga dalang litrato.
Tiningnan ito ni Mr. Montecastro.
"Bakit mga kuha ni Jerome Hernandez ito? Hindi siya ang pinapasubaybayan ko sayo! Marami ng mga sumusunod na kamera sa taong iyan bakit nakikisabay ka pa!" iritableng wika ng matanda.
"Tingnan nyo po munang maigi, sir."
Nagsuot ng salamin ang matanda at tinitigang mabuti ang mga larawan. Napansin nitong ilan sa mga litrato ay kasama si Sandra. Kuha ito sa mga sandaling pumunta ang basketbolista sa coffee shop.
"Kasintahan siya ng kaibigan ng babaeng ito. Hindi malaking bagay kung maging kustomer si Jerome Hernandez sa pinagtatrabahuan niyang coffee shop! Anong klaseng pagmamanman ba ang ginagawa mo?!"
"Hindi pa yan nagtatapos dyan sir."
Naglabas ulit ng panibagong mga larawan ang lalaki.
Isa-isa itong tiningnan ni Mr Montecastro. Mga kuha ulit ang mga ito ni Jerome Hernandez na pumapasok sa isang bar habang nakasuot ng sumbrero at nakayuko. Walang ganang tiningnan niya ang mga larawan subalit bigla siyang natigilan nang magsimulang tumambad sa kanya ang sunud-sunod na mga larawang kasama na nito si Sandra.
Tinitigan niyang mabuti ang mga nakaw na kuha. Papalabas ang sikat na binata at ang babae sa nasabing bar nang magkahawak ang mga kamay. Sunud-sunod ang kuha ng mga ito at halos karamihan sa mga larawan ay magkahawak kamay ang dalawa. Binusisi niya pa ang iba pang mga natitirang larawan. May mga kuha dito na magkasama pa ang mga ito sa loob ng minamanehong sasakyan ng basketbolista.
"Anong masasabi nyo Mr. Montecastro?"
Ibinato niya sa galit ang mga larawan.
"Simberguenzang babae! Siya pa ang may ganang magtaksil sa anak ko! Sinasabi ko na nga bang isa siyang mababang uri ng babae! Walang kahihiyan! Kinakalantari pati nobyo ng kaibigan!"
Tumingin siya sa utusang lalaki.
"Magpadala ka ng kopya ng mga litrato sa opisina ni Clark. Ngayon din!"
"Sige po Mr. Montecastro..."
Naglakad papalabas ng pintuan ang lalaki subalit mabilis itong pinigilan ng matandang Montecastro.
"Sandali! Huwag mo na itong gawin! May naisip akong mas magandang paraan."
Unti-unting tumalim ang mga mata ng matanda at ngumiti ito ng nakakaloko...
-----
Kalalabas lang ni Jerome sa shower. Nakatapis lamang siya habang nagpupunas ng basang buhok. Naghahanda siya para sa isang exclusive interview sa ESPN. Sa kabila ng abala niyang schedule para sa buong araw ay si Sandra pa rin ang umuukupa ng kanyang isipan. Hindi niya pa rin makalimutan ang mga narinig at nalaman. Kinuha niya ang kanyang cellphone. Gusto niyang pasalamatan si Vicky sa ginawang pagtawag nito sa kanya. Subalit nang masilayan ang telepono ay nagulat siya sa nakitang dalawampu't isang missed calll mula kay Mr. Tan. Tatawagan niya na sana ito subalit naunahan siya ng agent.
BINABASA MO ANG
[SPG] FAST BREAK
HumorKapag ang pag-ibig ay dumating sa buhay mo, ituturing mo ba itong parang isang bola na pwede mong itapon at ipasa sa iba? O susubukan mong angkinin at makisabay sa agos ng paglalaro? Anuman ang iyong kasagutan, ang laro ng pag-ibig at laro ng bola a...