Nagulat si Niana, pero hindi niya ipinahalata dahil ayaw niya na magkaroon ng maling pag-iisip ang mga kaibigan tungkol sa kanila ni Cavin. Hindi niya alam kung ano ang ginagawa ng asawa sa Royal Hotel dahil wala namang sinabi si Win tungkol sa schedule nito.
Maingat na tumayo si Niana para salubungin si Cavin. Lumapit ito sa kaniya at ipinalibot ang braso sa baywang niya kasabay ng paghalik sa kaniya sa pisngi.
"Guys, si Cavin." Nilingon ni Niana ang asawang nakangiti sa mga kaibigan niya. "Cavin, high school friends ko."
"It's nice to finally meet you all." Cavin slightly bowed and smiled. "Congratulations on your engagement."
Ngumiti si Kelly at nagpasalamat kay Cavin. Pinaupo silang dalawa sa bakanteng space at kaharap na nila si Adam na nakikipag-usap sa best friend nito simula noong high school, na madalas ding kasama nina Niana noon.
Tahimik lang si Niana habang inoobserbahan si Cavin na masayang nakikipagkuwentuhan sa mga kaibigan niya, pero hindi tumitingin mismo sa kaniya.
Naaamoy ni Niana ang pabango ni Cavin na mas lalong nagpalungkot sa kaniya dahil miss na miss na niya ang asawa. Gustuhin man niyang ayain itong umalis para makapag-usap, ayaw maging bastos ni Niana.
Umiinom na rin ng liquor ang ilang kaibigan niya at nag-offer pa nga ng baso kay Cavin na kaagad nitong tinanggihan dahil magda-drive pa raw pauwi.
"Niana, kukuha ako ng prutas sandali sa buffet, baka may gusto ka?" tanong ni RJ, ang best friend ni Adam. "O kahit anong pagkain? Parang hindi ka masyadong kumain, e."
Tumingin si Cavin sa kaniya at nagtama ang mga mata nila. Nagugutom siya, oo, pero hindi niya magawang kumain o lumunok man lang dahil sa presensya ng asawa niya.
"Sama na ako," sabi ni Adam na tumayo at hindi na hinintay ang sagot niya.
Ibinalik ni Niana ang tingin sa mga kaibigan niyang pinagkukuwentuhan ang tungkol sa nakaraan at nagtatawanan pa dahil noong high school sila, madalas na siya ang nasa harapan dahil nga maliit siya.
Nakikita ni Niana na natatawa rin si Cavin.
Hindi na niya alam kung ano ang totoo. Totoo bang natatawa ito o sadyang nakikisama sa ibang tao para hindi siya mapahiya.
"Malapit na rin pala ang graduation, 'no?" sabi ni Nicka at tumingin kay Niana. "Nakaka-excite rin talaga, e. Alam mo 'yun, papasok na tayo sa real world? Parang ang hirap, pero adventure."
"Pero for real, nakaka-miss din siguro 'yung panahon na focused lang tayo sa pag-aaral. Parang sa working kasi, wala na tayong choice, e, kung hindi maging adult dahil ganoon naman ang buhay," sabi pa ng isang kaibigan nila. "Niana, paano mo na-manage 'yun noon? Ang tagal mo na rin kasing working student, e."
Ngumiti si Niana at ibinaba ang basong hawak. "Natuto akong magkaroon ng time management noon, e. Mas gusto ko rin kasing maging busy at pagod talaga para pag-uwi, tulog na lang. Paggising, papasok na ulit sa school. So, wala akong time para magmukmok."
Dumating sina RJ at Adam, pero laking gulat ng lahat nang ibaba ni Adam ang isang pinggan sa harapan ni Niana. Pinggan iyon na may iba't ibang prutas at muling nakipag-usap sa mga kaibigan na parang walang nangyari.
Mukhang wala namang malisya, pero nakita nila kung paanong masama ang tingin ni Cavin sa pinggan na nasa harapan ni Niana.
Busy si Niana sa pagkukuwento na hindi na napansin ang nangyari. Nagsimula itong kumain ng prutas at nakikipagtawanan sa iba pa nilang kaibigan.
Hindi man lahat napansin, pero ang pagtahimik at pagseryoso ng mukha ni Cavin ay ikinagulat nila.
"So, after graduation, ano'ng plano mo?" tanong ni RJ kay Niana pagkatapos magkuwento tungkol sa mga naging trabaho. "Naalala ko noon na nabanggit mo 'yung gusto mong mag-second course kung sakali?"