Chapter 32

36.4K 1.6K 938
                                    

"Meron ka pa bang gusto kainin, Niana?" tanong ni Marie, ang isa sa matandang helper ng mga Karev. "Magpapaluto ako. Ilang araw mo nang kinakain 'yang tinola, e."

"Marami pa naman po," nakangiting sabi ni Niana at hinipan ang sabaw.

Nilingon niya ang mga upuan kung saan dating nakaupo ang mga magulang ni Cavin at masayang nag-uusap kapag mayroon silang family dinner. Tumingin din siya sa bakanteng upuan ni Cavin. Hindi pa ito umuuwi.

More like, hindi talaga umuuwi nang maaga.

Isang buwan na ang nakalipas simula nang mawala ang parents ni Cavin, isang buwan na rin silang hindi nakakapag-usap na mag-asawa.

Hindi na alam ni Niana ang gagawin.

"Puwede po ba ninyo akong sabayang kumain?"

Yumuko si Niana para itago ang luha at palihim iyong pinunasan, pero hindi bulag o manhid ang mga tao sa paligid dahil nakikita nila ang sitwasyon nina Niana at Cavin.

Kung tutuusin, nalulungkot ang mga tao sa bahay. Bukod kasi sa wala na ang mag-asawang Karev, lalo na si Rose na buhay ng mansion, nagbago si Cavin sa asawa. Kung noon ay palagi itong nakadikit at nakayakap, nitong mga nakaraan ay halos hindi na nagkikita ang dalawa.

Naupo ang limang helper ng mansion at masayang kumain kasama si Niana. Panay ang halakhak nito sa mga kuwento ng matatanda tungkol sa batang Cavin. Nagkukuwento rin ang isang helper tungkol naman sa naging buhay nito sa probinsya.

Para sa mga kasambahay na naka-witness ng pagiging mahiyain ni Niana, ang makita itong tumatawa ay bago sa kanila. Mas madalas din naman kasing si Cavin lang ang kasama nito.

"Tapos alam mo ba? Sabi ng nanay ko noon, kaya raw hindi ako lumaki dahil hindi ako tumalon noong New Year. Ikaw rin, e. Maliit ka," sabi ni Joana, isa ring kasambahay na nakatoka sa paglalaba. "Pero ikaw, kahit maliit, bumagay naman sa 'yo."

"Kaya nga po palagi rin akong naka-heels, e," sabi naman ni Niana bago yumuko. "P-Puwede po ba na sa tuwing kakain ako, sabayan n'yo na lang po ako? Kasi po, malungkot kumain mag-isa."

Tumango si Marie at hinawakan ang kamay ni Niana lalo nang magsimula itong humagulhol na nahihiya pa sa kanila dahil hindi na kayang pigilan. Kahit na nahihiyang kumain kasabay ang amo nila, pumayag na sila para lang hindi ito kumain mag-isa.

Dahil wala namang ginagawa, tumulong na muna si Niana sa mga helper na maglinis sa kusina para na rin makakuwentuhan pa ang mga ito. Ayaw ng iba na kumilos siya dahil buntis, pero mas gusto niyang gumalaw kaysa magmukmok.

Kung hindi, iiyak na naman siya.

Lumabas si Niana sa balcony at pumuwesto sa harapan ng malaking swimming pool. Nang mawala ang parents ni Cavin, lalo na ang mother-in-law niya, natahimik ang buong mansion. Nakabibingi at masakit sa dibdib.

Kahit hindi required, mas pinili ni Niana na pumasok na lang sa school para makasama sina Majuri, Yannica, at Winslet kaysa mag-stay sa bahay.

Malayo ang mansion sa school, pero pinagtitiyagaan niya ang biyahe dahil nagbabaka sakaling makausap si Cavin. Pero hindi nangyayari dahil late na itong umuuwi galing trabaho at maaga ulit umaalis. May pagkakataon pa na pagod si Niana kaya sa condo ni Cavin siya tumuloy. Tutal mas malapit, para na rin makatulog.

Dahil naburyo, tinawagan ni Niana si Win.

"Hello, Win?" Pumikit siya. "Sorry, ha? Nagtatanong na naman ako. Nakauwi ka na ba?"

It was already nine in the evening.

"Oo, 'te. Nakahiga na nga ako at binabad ko pa ang paa ko sa sea salt dahil ang sakit sa paa ng heels!" Huminga nang malalim si Win. "Naiwan sa office si Sir Cavin. Binili ko naman 'yung ipinabibili mong food para sa kaniya, pero hindi ko alam kung kinakain ba niya. Bawal naman kasi akong pumasok sa loob, e."

Married, Concealed, Appealed (East Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon