Buong maghapong nagtrabaho si Niana. Maayos naman ang naging pakikitungo sa kaniya ng daddy ni Cavin, wala namang nagbago sa pagiging empleyado niya, at normal lang ang lahat na para bang walang kalokohang ginawa ang anak nito.
Hindi pa rin pumapayag si Niana kay Cavin.
Magkasama sila kinagabihan, pero hindi na nila muling nagpag-usapan ang tungkol sa proposed deal nito, bukod sa offer na monetary payment.
Nagprisinta lang si Cavin na ihatid siya sa kanto nila dahil masikip ang area at may kalakihan ang kotse nito, pero hindi na rin nag-open ng topic tungkol sa offer nito.
Ngunit habang nakahiga at nakatitig sa kawalan, nag-isip si Niana.
Kung tutuusin, maganda ang offer ni Cavin. Wala naman siyang ibang gagawin bilang "girlfriend" nito, unless sa family dinner every Wednesday and Friday.
Cavin also assured that the "relationship" would be a secret to everyone—except his parents.
Ang magiging labas ng relasyon nila, trabaho. Bukod pa roon, triple ng monthly working salary ni Niana ang ibibigay ni Cavin.
'Puwede pa lang maging trabaho ang pagiging girlfriend?'
Muling nagningning ang mga mata ni Niana. Aaminin naman niya sa sarili niyang alipin siya ng salapi dahil malaki ang naitutulong ng pera sa pag-aaral niya at sa pag-iipon para sa business na gusto niya para sa mga magulang.
Nag-compute si Niana sa isip. Kung triple ang ibabayad sa kaniya ni Cavin, susweldo siya ng 75,000 pesos para sa trabaho niyang maging girlfriend nito. Malaki iyon lalo kapag naisama sa sweldo niya sa company.
Isa pa, hindi niya basta kikitain ang 75,000 pesos. Iyon din ang sweldong walang kaltas tulad ng tax at kung ano-ano pa.
Buo niyang makukuha ang 75,000 at naging dollar sign bigla ang mga mata ni Niana.
Tulad nga ng siniguro ni Cavin, walang ibang gagawin si Niana kung hindi ang magpanggap sa harapan ng mga magulang nito.
Niana sipped some coffee and felt how hot the cup was. Nakatitig siya sa screen ng computer dahil gumagawa siya ng report, pero lumilipad ang isip niya sa posibleng mapaggamitan niya ng perang offer sa kaniya ni Cavin.
Hindi siya magsisinungaling sa parteng malaking tulong iyon sa kaniya.
Bumalik sa cafeteria si Niana para kumuha ng kape nang makita niya si Nick, isang empleyado ng Multimedia. Madalas niya itong nakikita at nakakasama pa minsan sa lunch.
"Nakita ko nga mga gawa ninyo for the marketing materials." Naupo si Niana sa isang bakanteng pandalawahang dining table. Sumunod naman sa kaniya si Nick. "Ang ganda ng artistang model natin!"
"Maganda rin talaga ang idea this quarter," nakangiting sagot ni Nick. "About sa college students. Thank you pala sa help and concept mo noong nakaraan, Niana. Sabi nga namin, dapat pala sa Marketing at Multimedia ka, e. Hindi ka ba restricted executive?"
Tumingin si Niana sa glass wall kung saan kita ang malalaking building na katabi nila. "Masaya naman ako sa current position ko, isa ring advantage na puwede akong mag-share ng idea sa kahit na anong department dahil nga puwede akong mag-direct sa boss."
"Sa bagay na rin." Tumango-tango si Nick. "By the way, i-invite sana kita mamaya? May kaunting salusalo kasi ang department, baka lang gusto mong sumama?"
Napaisip si Niana dahil weekend naman kinabukasan at wala siyang gagawin, puwede siyang sumama para na rin makapag-relax.
Sasagot na sana si Niana para sabihing sasama siya nang mag-notify ang phone niya at si Iryn iyon. Nagpapagawa ito ng dalawang kape at dalhin daw sa opisina ng boss nila as soon as possible.