PKL: Prologo

19 1 0
                                    

Imbakan ng memorya


"Kalimutan mo na siya." sabi nito sa mababang boses. Tiningnan siya nito na tila inaalisa ang takbo ng isip niya.

Pailalim na napasinghal si Shinoah sabay tungga ng alak niya at napabuga ng hangin. Naging mailap ang mga mata niya't iniwasan ang matiim na tingin ni Lirio. Nauulinigan nila ang ingay ng dumadaang mga sasakyan. Ang sumisirkong usok ng sigarilyo na nagmula sa mga parokyano doon. Ang tunog mula sa basyo ng mga boteng pinagpingki at maging ang kumuti-kutitap na led lights na nakapalibot sa isang matabang puno.

"Hindi ka na niya naalala, Sagara." anito. Nag-isang linya ang mga labi nito at lalong naningkit ang mga mata. Bawat salita'y dumidiin sa balintataw niyang nilamon na ng nakakalasing na likido. "O mas tamang sabihing, ayaw ka na niyang alalahanin pa."

Mariin niyang ipinikit ang mga mata niya't bumuntong-hininga.

Sumandal ito sa upuan at pinagkrus ang mga kamay sa dibdib. Hinihintay siyang magsalita. Nagkalat ang basyo ng mga bote sa mesa na tinungga niya pagsapit ng gabi nang dumating siya roon mula sa university.

Pagod na pagod na siya sa buhay niya at pilit pa ring hinahagilap ang dahilan kung bakit nakikipagbuno pa rin siya hanggang ngayon. Pakiramdam niya, iniikot lang siya ng tadhana at wala na pala siyang patutunguhan. Heto, nandito sa harap niya ang kaibigan niya ba akala niya'y hindi siya sasamahan roon.

Tahimik niyang dinampot ang junkfood na mistulang pulutan niya. Suminghal siya at pagak na natawa.

"Alam ko." giit niya, nangungunot ang noo sa binuksan ang supot.

Bumuntong-hininga ito at tumayo. Mukhang nagtitimpi lamang ito sa kanya.

"Sabihin na lang natin, na pansamantala ka niyang naalala at malulungkot na naman iyon kapag nakikita kang ganyan." Naniningkit ang mga mata nito at napailing-iling. Hindi nagustuhan ang kung ano mang takbo ng isip nito. "You can't fix two broken hearts at once. Yours and hers." mariing sambit nito.

"Hindi mo 'ko naiintindihan." Nangunot ang kanyang noo. Bahagyang nalito sapagkat ano ba ang ipapaintindi niya kay Lirio? Maging sarili nga niya ay hindi na niya maintindihan.

Maaaring may punto ito ngunit maaari namang sabay hilumin ang sugat, di ba?

Bumuga ito ng hangin at kinapkap nito ang bulsa ng pantalon. Dinampot niya ang boteng hindi pa nabubuksan;
alak na umuusok pa ang kalamigang taglay. Papawiin ang kalungkutan kahit sandali lamang. Paulit-ulit na sasambulat sa kanya ang mga alaalang kahit papano'y pilit siyang iahon.

Inagaw ni Lirio ang bote ng alak at tinapon kung saan.

"Ano bang problema mo?" Kunot na kunot na ang noo niya at nagtatagis ang bagang. Naikuyom niya ang mga kamao niya. Naging mabalasik ang anyo nito.

"Huwag ka na ring manggulo. Pabayaan mo na siya." malamig na untag nito.

"Hindi ko siya ginugulo." giit niya.

Napasinghal ito saka natawa kalaunan. Tawang tila ba'y hindi siya pinaniniwalaan saka siya seryusong tiningnan. Nanliliit lalo ang singkit na nitong mga mata.

"Sa tingin mo ba, babalik siya sa 'yo kaagad? Sa tingin mo, sasaya siya sa 'yo? Ngayong nagkakaganyan ka? Tol, hindi." diretsahang tugon nito. Daig pa niya ang sinuntok sa mga katagang lumabas sa bibig nito, tila sirang plakang paulit-ulit na dumiin sa isip niya. Paulit-ulit na realisasyon. Sampal ng katotohanang dumampi sa pisngi niya't mananatili ng matagal. Nakabaon sa utak niya na tila ba nakaukit na sa memorya niya.

"Mas lalo kang lulubog kung mismong aahon sayo'y lulubog rin sa pinaggagawa mo sa sarili mo. Utang na loob, Sagara. Tulungan mo naman ang sarili mo." giit nito. "Umuwi ka na." Aburidong lumayas na ito sa harap niya.

Iniwan siya nitong lasing. Pagak siyang natawa at pilit hinagilap ang boteng itinapon ng kaibigan niya.

Kahit lamang sa sandaling iyon, mapapawi ang lahat ng hinagpis at pagsisising nadarama niya.

Parang Kailan LangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon