--x
Maagang gumising si Daisy dahil may appointment siya sa araw na iyon at mabuti na lamang ay wala siyang klase sa Biyernes kung kailan ang eksaktong follow-up check up niya. Nakailang buntong-hininga siya nang matingnan ang appointment slip niya kung saan nakalagay doon ang mga naging check-ups niya sa nakaraang buwan. Akala niya'y lulubayan na siya ngunit paulit-ulit iyon bumabalik sa panahong pakiramdam niya ay nakababa ang pader niya.
Lumulan siya ng jeep. Malamlam ang mga matang nakatanaw sa mga gusaling at establisyementong nadadaanan ng jeep. Nang makarating siya sa destinasyon niya ay bumaba na siya ng jeep. Ilang segundo siyang nakatingala sa overpass, ang overpass kung saan ay nakita niya ang sarili niya sa panaginip na abot-kamay ang kahit anumang naisin niya. Umakyat siya roon himbis na dumiretso sa ospital at nanatili nang ilang minuto. Blangkong nakatitig lamang siya sa mga dumadaang jeep sa kalsada, sa mga taong naglalakad at may kanya-kanyang mundo.
Napakapit siya sa railing at ninamnam ang hanging hinaluan ng polusyon sa siyudad na iyon. Hinayaang tangayin ng hangin ang may kaiklian niyang buhok. Sa iilang minuto na iyon, nadama niya ang pansamantalang katahimikan.
Unti-unti'y lumalabo na ang mga boses sa utak niya, waring nagtatago at nakikiramdam. May sumilay na maliit na ngiti sa mga labi ni Daisy at humakbang na pababa ng overpass.
Humigpit ang hawak niya sa strap ng maliit niyang bag at tinungo na ang direksiyon patungo sa ospital. Bawat hakbang, tila nilulukob siya ng takot at pangamba lalo na't rumagasa sa isipan niya ang mga naranasan niya doon. Na kailanma'y nagdulot ng lalong pagkabalisa niya at paglala ng kalagayan niya noon. Napalunok siya't humagap ng hangin upang pakalmahin ang sarili niya. Mariin niyang ipinikit ang mga mata niya at ibinuka iyon. Sumalubong sa mga mata niya ang mga sasakyang hindi tumitigil sa kalsadang iyon, ang mga nakahilerang pharmacy, mangilan-ngilang establisiyemento at maliliit na gusali.
Bumuga siya ng hangin at pilit na ngumiti sa kawalan, tila tinatapik ang sariling magiging okay lang ang follow up check-up niya. Lalong sumilay ang ngiti niya nang makita ang hilera ng mga nagtitinda ng kung ano-anong pagkain sa labas ng ospital at naalalang minsan, binibilhan siya ng nanay niya sa tuwing pumupunta sila roon. Bumili siya ng sopas na nasa isang plastic cup at kinain iyon habang naglalakad patungo sa eksaktong departamento ng ospital na magche-check up sa kanya.
Kaunti lang ang mga taong nadatnan roon ni Daisy at halos isang oras lang ang itinagal niya. Katulad pa rin ng dati ang prescription ng doktor ngunit binawasan ng kaunti ang intake sa kadahilanang gumagaling na siya.
Tumawid ng kalsada si Daisy upang bilhin ang mga gamot niya at tinungo ang pharmacy kung saan niya binibili ang mga gamot niya. Tahimik na naghintay siya sa pila at pinagmasdan ang mga sasakyang dumadaan sa kalsada. Dumako ang mga mata niya sa counter nang namalayan niyang gumagalaw na ang pila. Napanguso na lamang siya nang wala sa oras at hinipan ang iilang hibla ng bangs niya.
Ibinigay ni Daisy ang resita niya sa pharmacist at sinabi rito kung ilan ang bibilhin niyang mga gamot. Napangiti siya nang iabot nito ang gamot na nakalagay sa maliit na plastic matapos niya iyong bayaran. Hindi na muna siya umalis sa lugar na iyon bagkus ay nanatili muna siya sa isang panaderya at kumain ng tinapay, pinagmasdan ang paglipas ng mga sasakyan at mga tao na gawain na niya noon pa.
--x
Panay ang pagkuyom ni Noah sa kanyang kanang kamay, pinipigilan ang sariling lapitan ito. Nakasuot ito ng dilaw na tshirt, paborito nitong kulay at pink na skirt na pinaresan ng denim sneakers. Maikli na ang buhok nito at may iilang hibla ng bangs na tumatabing sa noo nito. Malayo ang tanaw nito habang ngumunguya ng tinapay.
Minsan na niya itong nakita na bumibili ng gamot malapit sa hospital kung saan ito nagf-follow check-up. Nakatikim muna siya ng tatlong suntok mula kay Lirio para malaman ang schedule ng check-ups nito. Ito lang ang pagkakataon niyang masilayan itong muli at saktong malapit lang doon ang gusali kung saan siya nagtatrabaho.
Nasa paligid-ligid lang ng Fuente Circle. Binalaan siya ni Lirio na huwag lumapit kay Daisy at sinabihan pa siya nito na natri-trigger ito kapag nakikita ang mga taong naging parte ng buhay nila noong highschool dahil maaalala siya nito. Lahat silang may kinalaman sa nakaraan nito ay tila hindi na nito inalala pa.
Kahit papaano'y gumaan ang pakiramdam niya nang makitang gumagaling na ito. Subalit may parte sa isip niyang nahihirapan sa ganitong sitwasyon. Hindi rin naman niya ito masisisi, siya ang may kasalanan. Nasaktan niya ito lalo sa panahong inaahon nito ang sarili mula sa tuloy-tuloy na pagkalunod.
Kaagad na nagtago sa nakaparkeng sasakyan si Noah nang umalis ito sa pagkakaupo sa stool at mukhang lilisanin na ang bakeshop. Napabuntong-hininga siya at napasandal sa sasakyan, nakatingala sa asul na langit, piping dinadalangin na sana'y dadating ang panahong masisilayan niya ito at naghilom na ang mga sugat na naranasan nila.
Matagal bago niya tanggapin ang katotohanang, palabo na siya ng palabo sa memorya nito. Nagbabasakaling lilipas man ang panahon ay nakatago lang siya sa puso nito. Sana nga. Hindi rin niya hawak ang pagkakataon.
--x
Nangingilid ang mga luha ni Daisy habang tinatahak niya ang direksiyon papuntang Basilica. Huling araw ng klase niya at sa wakas ay natapos na ang mga mahahabang araw at mga gabing pinagpuyatan niya sa pag-aaral. Akala niya hindi niya malalagpasan ang kalbaryong iyon at mabuti na lamang kaya na niyang makontrol ang sarili kapag napre-pressure siya.
Paunti-unti, mas nagiging matatag siya sa mga nakalipas na taon at mas lalong lumawak ang pang-unawa niya bagay na nagpapagaan ng kanyang pakiramdam. Aware si Daisy na nakokontrol siya ng mga emosyon niya, lulugmukin siya hangga't sa mawalan na naman siya ng lakas na magpatuloy sa agos ng buhay. Kaya't minabuti niyang ibaling ang atensiyon sa mga bagay na nakakapagpasaya sa kanya.
Napangiti siya nang makarating sa Basilica at maaninag ang simbahan kung saan niya tinuldukan ang lahat. Panaka-nakang sumusulpot ang alaalang iyon at natitigilan siya sa harap ng mga kandila, katulad ngayon. Ikinurap-kurap niya ang mga mata niya at huminga nang malalim saka tinakip ang dibdib niya, pinapawi ang pagkabalisa noon. Bakit ba siya kinakabahan ngayon? Luminga-linga siya sa paligid, natatakot na komprontahin ng tadhana. Nakahinga lamang siya nang maluwag nang mapagtantong hindi naman lahat ng pagkakataon na inisip mo siya, biglang andoon na siya sa harap mo.
Imposible, usal ni Daisy sa sarili niya at tinungo ang pilgrim center na ngayo'y kakaunti lang ang mga tao. Madalas, mga turista ang nandoon, kumukuha ng mga larawan ng historical site. Tipid na napangiti si Daisy at tumungo na sa open-air bleachers sa itaas. Sa may pilgrim. Umupo siya sa mahabang baitang, nagpapasalamat sa Kanya na nalampasan niya ang ikatlong taon niya ng kolehiyo, sa pangalawang pagkakataon.
Tatlong oras ang lumipas matapos umalis ni Daisy sa Basilica ay ang pagpasok roon ni Noah. Nanatili siya sa loob ng simbahan, blangko ang isip at tumatagos ang tingin sa altar.
Parang kailan lang noong katabi niya si Daisy at walang pagsidlan ang kaligayahan niyang makita at makasama itong muli matapos ang ilang taong wala na siyang koneksiyon rito. Isang araw at wala na ito sa kanya. Huminga siya nang malalim upang pawiin ang pamilyar na damdamin sa puso niya. Isang taon na ang nakalipas magmula noon, tila hindi man lang nabawasan ang sakit na dulot niyon.
----x
BINABASA MO ANG
Parang Kailan Lang
Ficción GeneralDo you believe in love at first sight? Do you believe that you're going to fall for that person later on at first sight? That fateful day when the sun was setting down, Daisy's bright eyes met Shinoah's dark eyes. Hanggang kailan mabibitiwan ng pus...