PKL: Dalawa

4 0 0
                                    

-x

"Saan ka pupunta, 'nak?" malumanay na tanong ng kanyang ina habang nagwawalis sa bakuran ng bahay nila. Magaan na ngumiti si Daisy rito sabay tulak ng kanyang bisikleta na naging transportasyon na niya roon sa probinsiya. Inilagay niya sa basket ang tote bag niya.

"Sa palengke lang, Ma. Kakaunti na lang kasi ang stocks natin sa bahay. Bibili lang ako," sagot niya rito. Bahagya siyang nasinagan ng araw na dumampi sa kanyang mukha. Hindi alintana ni Daisy iyon sapagkat paborito niya ang damhin ang init ng araw sa umaga. The moment she experienced those sleepless nights, she appreciated the sunrises every morning.

"Mag-iingat ka," bilin nito sa kanya. Kinawayan lang niya ito bilang sagot at sumakay na sa bisikleta niya't nagsimula nang magpedal. Tanging siya lang ang nasa maliit na kalsada nang makarating siya roon.

Napangiti lalo si Daisy nang maramdaman ang mabining pagdampi ng hangin. Presko ang hangin roon sapagkat napapaligiran ang maliit ng barangay ng mga puno at malawak na palayan. Medyo malayo iyon sa merkado at tago kompara sa ibang barangay ng probinsiya na siyang gusto ni Daisy.

Mas lalo pa niyang binilisan ang pagpedal sa bisikleta niya, nasa daan lang ang mga mata at paminsan-minsang tumigil pag may tumatawid.

"Magandang umaga po, Miss!" bati ni Helga, isa sa mga estudyante niya sa eskuwelahan. May dala-dala itong isang bungkos ng talbos ng kamote.

Tumigil siya pagsamantala at nginitian ito. "Magandang umaga rin, Helga," ganting-bati niya rito at nagpedal ulit.

Kilala siya ng mga tao roon dahil guro siya ng isang pampublikong eskuwelahan ng barangay at kung minsa'y tinutulungan niya ang mga batang namroroblema sa pag-aaral. Isa siyang guro sa Araling Panlipunan doon.

Medyo marami na ang mga taong nasa merkado, patunay na maagang nagigising ang mga tao sa probinsiya. Pinaparke niya ang bisikleta niya sa bungad ng palengke nang marinig niyang may tumawag sa kanya.

Nang lumingon siya ay nakita niyang kinakawayan siya ni Ian, colleague niya at guro sa Science. Kapwa sila nagtuturo sa third year at fourth year highschool students.

Ngumisi ito at tuwang-tuwa pa yatang makita siya gayong nagkakasalubong naman sila sa eskuwelahan. Ilang buwan na rin kasi itong nagpapapansin sa kanya subalit hindi niya masyadong binibigyang atensiyon ang pagpapa-cute nito.

"Aga natin ngayon ah. Sabay ka na sa 'kin? Mamamalengke rin ako," nakangiting sambit nito at itinabi ang bisikleta nito sa bisikleta niya. Pabirong pumalatak ito. "Aga-aga, wala pa ring kupas ang ganda mo."

Noon, tiyak na matatameme siya at hindi alam ang gagawin kapag pinuri ngunit kalauna'y naging immune na siya at ngumingiti na lang. "Aga-aga, nambobola ka," sopla niya rito at iniwan na ito roon, bitbit ang tote bag niya.

"Aguy, hindi ah. Totoo 'yon. Tanong mo pa sa mga estudyante ko," hirit nito at sumunod sa kanya.

Nagningning ang mga mata ni Daisy nang masilayan niya ang asul na dagat sa likod ng palengke at sinamyo ang amoy-alat na hangin na humalo sa amoy ng palengke. Tumungo siya sa bahagi ng palengke kung saan nandoon ang preskong mga gulay.

"Wala na ba talaga akong pag-asa, Daisy?" ani Ian sabay kamot sa kilay nito. Binalingan ito ni Daisy at tipid itong nginitian saka magaang tinapik ang balikat nito.

"Mananatili kang kaibigan," makahulugang sagot niya rito. Ang totoo'y hindi siya naiilang sa mga pahaging ni Ian. Kumbaga, nasa personalidad na nito ang pagiging masayahin at mapagbiro kaya hindi siya tinutubuan ng ilang o di kaya'y magaan lang talaga itong kasama.

"Alam mo, hanga ako sa iyo dahil nasasabi mo ang saloobin mo, ang nararamdaman mo pero . . . 'wag kang mag-alala, hindi pa rin magbabago ang pakikitungo ko sa 'yo."

Parang Kailan LangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon