PKL: Tatlo

5 0 0
                                    

--x

Nanlalata siya nang makalabas na ng parking lot ng eskuwelahan. Tila sinabunutan siya ng sampung bakla sa magulo niyang buhok, ang mga kulot na hibla ay kung saan-saang direksiyon na napunta. Noong una, hindi niya pinagtutuunan ng pansin ang panunukso ng mga kaklase niya sa nakalugay niyang kulot na buhok hanggang sa naisip na lang niyang taliin iyon.

Pagod na pagod na siya buong araw sa klase. Bukod sa siya lang ang naglinis sa room nila ay parang mabibiyak ang ulo niya sa dami ng mga assignments. Pahirap talaga sa kanya ang Algebra, malay ba niyang nadagdagan ng mga letra ang mga numero. Buong durasyon ng Math class ay nakatulala lang siya. Blangko din ang utak niya para sa gaganaping second periodical exam.

Aminado siyang bagong karanasan sa kanya ang lahat. Malawak ang eskuwelahan at nasa mismong pusod ng siyudad, napapaligiran ng mga gusali at samu't saring establisiyemento. Para sa tahimik na teenager na katulad niya ay mahihirapan sa pag-adjust sa highschool.

Tumawid siya ng kalsada kasabay ng ibang mga estudyante at naghintay ng masasakyang jeep. May tumigil na jeep kung kaya't sumakay na siya roon.

Bukas. Papasok na naman sa eskuwela, sasalubungin ang mga leksiyon at gawin ang mga tasks na inaatas sa kanila ng mga guro nila. Minsa'y nagagahol na sila sa dami ng gawain. Nakatingin lang siya sa labas ng bintana ng jeep nang tumigil ito sa gilid ng kalsada, partikular sa isang waiting shed kung saan may nga estudyanteng naghihintay ng jeep.

Matagal iyong nakatigil dahil kaunti pa ang mga pasahero ng jeep at sa mga segundong iyon, natagpuan ng mga mata ni Daisy ang isang binatilyo. Naghihintay ito sa waiting shed, nakapamulsa at malayo ang tingin ngunit lumipat ang mga mata nito sa kanya nang maramdaman nitong may nakatingin rito. Mukha itong freshman kagaya niya sa pigura nito. Bahagyang magulo ang buhok nito, medyo lukot ang di-kaputian nitong polo at halatang pinaglumaan ang sapatos nito dahil tuklap na iyon.

Hindi alam ni Daisy kung ano ang puwersang humatak sa kanya at nakatitig pa rin siya rito, sa mga misteryusong nitong mga mata na tila may kinukubling mga sikreto at parang inuudyok siyang tuklasin ang kuwento nito. Para iyong karagatan na kay lalim kung sisirin.

Natagpuan niya ang sarili niyang ngumiti, ngiting 'di niya alam kung ano ang pinagmulan.

Tibok.

Marahil nagulat ito sa pagngiti niya dahilan na umawang ang mga mata nito. Bago pa man niya basahin kung bakit gan'on ang ekspresyon nito ay umandar na ang jeep at naiwan itong nakatayo roon. Tila naestatwa at ni hindi man lang lumingon sa papalayong jeep.

Dapit-hapon at kulay kahel ang paligid. Bahagyang iniharang ni Daisy ang kamay niya nang masinagan siya ng liwanag mula sa papalubog na araw. Paulit-ulit na rumehistro sa isip niya ang lalaking tinititigan niya nang matagal sa waiting shed.

Sino ka? Gusto kitang makita ulit. bulong niya sa hangin.

Naghihintay siya ng masasakyang jeep sa waiting shed nang namalayan niyang may tumabi sa kanya. Pamilyar kay Daisy ang pigura nito. Walang bahid ng dumi ang puting polo nito at tila bagong plantsa ang khaki pants.

Namukhaan niya ito. Iilang beses lang niyang nakita ito sa campus nila Schoolmate niya ito noong elementary kami at naging classmate noong grade three pa sila. Kung naalala siya nito ay tiyak na alam nitong may fondness ang mga kaklase nila sa kanya noong bata pa dahil sa pagiging masayahin niya. Mas matangkad siya rito noon at minsan na silang nagkukulitan sa NAT review classes nila at sabay na kumakain ng recess dahil magkatabi sila ng upuan. Naalala pa rin niya ito sapagkat ito ang naging unang lalaking kaibigan niya noong bata pa siya. Nagkahiwalay lamang sila noong hindi na sila magkaklase sa mga sumunod na taon.

Parang Kailan LangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon