"Can a woman forget her nursing child, that she should have no compassion on the son of her womb? Even these may forget, yet I will not forget you."
--- Isaiah 29:15 ESV***
Bumababa mula sa langit ang malalaking patak ng ulan, bumabagsak sa mga yerong bubong ng mga tahanan at naglilikha iyon ng ingay. Kadiliman ang bumabalot sa makakapal na ulap, animo'y malaking anino ng Diyos ang tumakip sa kalangitan upang matakpan ang mga bituin.
Nagtatago rin ang buwan nang gabing iyon kaya sa kasamaang palad, kailangan niyang umasa sa makulimlim na poste ng ilaw. Inaasahan na niya na ganito ang mangyayari pero hindi pa rin siya naghanda. Alam niya na uulan ngayong gabi ngunit hindi pa rin siya nakapagbaon ng payong.
Hindi na sumagi sa isang bahagi ng kukote niya ang kapakanan ng sanggol na maaaring magkasipon o magkasakit sa ganitong klaseng panahon. Isa na namang senyales na hindi siya handang maging isang ina.
Lumakas ang iyak ng sanggol. Nakisabay pa ito sa tiyempo ng kulog at kidlat. Naramdaman ng munting anghel ang hampas ng hangin at talsik ng tubig sa paligid. Nakabalot ito sa lampin ngunit hindi pa rin iyon nakatulong para hindi ito malamigan.
Nabaling ang paningin niya sa batang yakap-yakap. Lalo niyang hinigpitan ang kapit doon habang mabilis na naglalakad sa gitna ng ulan. Nakatalukbong naman sila ng tuwalya ngunit hindi naman sapat iyon para hindi sila mabasa ng ulan.
Napakatanga niya. Umabot sa ganito ang lahat dahil napakatanga niya. Sunod- sunod na kamalasan ang dumaan sa kaniya dahil mali-mali ang mga naging desisyon niya sa buhay.
Hindi nakikisama ang panahon dahil lalo pang nagalit ang langit at halos liparin na sila ng malakas na hangin.
"Anong gagawin ko? Anong gagawin ko?" Ito ang paulit-ulit niyang tanong sa sarili.
May pumapasok na rin na tubig sa sapatos niya. Hindi maaaring sumugod pa sila sa rumaragasang patak ng ulan.
Tumingin siya sa bahay na nasa gilid, maaari silang makisilong sa bubong niyon. Wala na siyang pagpipilian pa, kailangan niyang tumigil muna. Alang-alang sa kaawa-awang sanggol, alang-alang sa kaniyang anak na panay pa rin ang pag-iyak.
Tumigil siya sa gilid ng bahay at tumanaw sa poste ng ilaw na nasa gilid. Kumukuti-kutitap iyon at sa palagay niya'y malapit nang mapundi. Ang malas naman nila, sa kadiliman pa yata sila mananatili.
Sumasabay sa paglakas ng ulan, ang paglakas ng hagulgol ng pobreng sanggol.
"Shhh... Shhhh..." pag-aalo niya at marahang paghehele ngunit hindi pa rin tumitigil ang anghel.
Hindi na niya napigilan pa ang damdamin at nag-init ang mga mata niyang nakatitig sa sanggol. Ilang saglit pa ay pumatak na ang namumuong luha sa kaniyang pisngi. Naaawa siya sa sarili, naaawa siya sa batang ito na walang kamuang-muang sa mundo ngunit nadamay sa kamalasan niya.
"Shhh... Shhh...T-Tahan na..." Inalo niya ang paslit ngunit kahit siya ay umiiyak din.
Inalala niya ang mga kapalpakang nagawa niya sa buhay dahilan kung bakit siya humantong sa ganitong sitwasyon.
Sabi ng kaniyang kasintahan kailangan niyang ipalaglag ang bata. Ngayon pa lamang ay huwag na siyang isilang sa mundo. Iligtas daw nila ang sanggol sa buhay na puro paghihirap.
Puro pagdurusa lang daw ang mararanasan ng paslit pero hindi siya naniniwala sa sinabi ng lalaki. Hindi niya sinunod ang gusto ng kasintahan na naging dahilan ng malaki nilang sigalot.
Hindi pa raw siya handang maging ama.
E, ano ngayon? Siya rin naman 'diba? Hindi pa rin siya handang maging ina. Hindi niya gustong magkaanak ngayon ngunit hindi niya kayang kumitil ng buhay. May buhay sa kaniyang sinapupunan, isang inosenteng buhay na walang kinalaman sa pagkakamali nila.
Ngunit may kapalit lahat ng ginawa niyang desisyon.
Akala niya'y maitatago pa niya ang malagim na sikreto pero napansin ng mga magulang niya ang lumalaking umbok sa kaniyang puson. Hindi rin nagtagal at sinabi niya ang totoo. Anupa't hindi rin naman niya maitatago ito nang panghabang-buhay.
Ang kaniyang pag-amin ay nagdulot ng labis na reaksyon mula sa kanila. Sa sobrang galit ng kaniyang ama ay nagawa nitong basagin ang baso at platito na nasa hapagkainan. Sa hinagpis at sakit na nadama ng ina ay nakapagsabi ito ng masasakit na salita. Hindi siya pinanigan ng kaniyang mga magulang at siya'y tinakwil na ganoon na lamang.
"Malandi ka!" Iyon ang tanging naaalala niyang sinigaw ng kaniyang ina. Pinagsikapan nila na itaguyod ang pag-aaral niya sa kolehiyo ngunit ito ang ginanti niya sa kanila.
Hindi tanggap ng kaniyang mga magulang ang nangyari. Sa sobrang sama ng loob nila, siya ay pinalayas at sinabihan na sumama sa lalaki. Ang problema'y tinaguan na siya ng lalaking 'yon.
Umalis siya sa kinalakihang tahanan, dala-dala ang mabibigat na bagahe, kasing bigat ng suliraning pasan niya. Wala na 'yong nakabuntis sa kaniya, wala rin siyang matatawag na kaibigan. Wala siyang mapuntahan.
Anim na buwan siyang palaboy-laboy sa kalsada. May mga mabubuting pulubi ang kumalinga sa kaniya at naawa sa kaniyang kalagayan. Siya ay bata pa raw kaya tumulong sila upang mabuhay siya.
Natuto siyang magtulak ng kariton, mangolekta ng mga kahon, bakal, bote at kung ano-ano pang bagay na maibebenta. Hindi man malaking halaga ang naiipon niya ngunit nagagawa niyang makakain ng pagpag araw-araw.
Hindi niya nagawang makaipon ng pera para sa pagsilang ng anak. Hindi siya nanganak sa ospital kundi sa kalsada, sa loob ng kariton niya. Gayuman ay may mabuting kamadrona mula sa iskwater ang tumulong sa kaniya upang mailuwal niya nang maayos ang sanggol.
Nandito na sa mundo ang paslit. Ang problema ay paano niya mabibigyan ng magandang buhay ang batang 'to, ni hindi nga niya maayos ang sarili niyang buhay. Ni pambili nga ng diaper ay hindi niya alam kung saan kukuha. Paminsan-minsan ay binibigyan na lamang siya ng mga taga-iskwater ng lampin.
Nang mailuwal niya ang sanggol sa mundo, makalong ng kaniyang mga bisig at mahagkan, napagtanto niya na nais niyang magkaroon ito ng magandang buhay.
Napatitig siya sa malaking bahay na nasa harap. Nakikisilong siya sa bahay na ito na sa tingin niya'y may-kaya ang nakatira.
Muli siyang tumingin sa mukha ng anak. Kinabisado niya ang katangian nito: ang hugis ng mukha, ang ilong, ang pagkapula ng pisngi, ang maliliit na mga mata at hugis pusong mga labi.
Isa lang ang nasa isip niya. Ito rin ang dahilan kung bakit siya umalis ngayon sa kaniyang kariton upang mabigyan ang batang ito ng kasaganahan na 'di niya kayang ilaan.
Hindi niya napigilan ang mga butil ng luhang pumatak sa kaniyang pisngi.
"I-I'm sorry. I'm so sorry. 'Di ko kasi alam kung anong gagawin ko eh," bulong niya sa mahina at garalgal na tinig.
Sa huling pagkakataon ay hinagkan at niyakap niya nang mahigpit ang anak.
Marahan niya itong inilapag sa malamig na espaltong lupa. Lalong humalagpaw ng iyak ang sanggol dahil nawala ang init na yakap ng kaniyang ina.
"I'm sorry. I'm sorry," paulit-ulit niyang bigkas na pinipigilan ang mapahikbi nang malakas. "I'm sorry."
Kinuha niya ang isang kapirasong papel na nasa loob ng bulsa ng pantalon niya. Isinuksok niya iyon sa lampin. "Alagaan po ninyo ang baby na 'to. Baby Andrea po ang pangalan niya. 2 weeks old pa lang siya."
Saglit siyang tumitig muli sa umiiyak na sanggol. "Paalam na, Baby Andrea," bulong ng kaniyang puso bago siya tumalikod at sumalubong sa malakas na patak ng ulan.
***
BINABASA MO ANG
𝑾𝒆𝒍𝒄𝒐𝒎𝒆 𝑯𝒐𝒎𝒆, 𝑩𝒂𝒃𝒚 𝑨𝒏𝒅𝒓𝒆𝒂
SpiritualLabing-pitong taong gulang siya nang maagang nabuntis. Dahil sa hirap ng kaniyang buhay, napagtanto niya na hindi pa siya handang maging isang ina. Wala siyang ibang pagpipilian kundi ibigay si Baby Andrea sa mga taong alam niyang magbibigay rito ng...