3

205 27 3
                                    

Pagkatapos ng kumpisal ay napaisip si Leona. Inaamin niya, mahirap lang sila noon. Ang nanay niya ay tindera sa palengke at ang tatay niya'y taxi driver. Wala silang kakayahan dati kaya siguro hindi na sila nagtiyaga pa na hanapin si Andrea.

Wala siyang kapasidad na maghanap noon dahil bata pa siya, nag-aaral sa kolehiyo, at walang salapi, ngunit ngayon ay may-kaya na siya sa buhay. Kayang-kaya na niyang magbayad sa mga pribadong imbestigador.

***

Ayon sa katrabaho niya, si Inspector Giordani raw ay isang magaling na imbestigador, hindi raw pumapalya ang lalaki. Nasubukan na ng co-teacher niyang si Bea ang kapasidad ng detective nang ipa-imbestiga nito ang sariling asawa.

Matagal na raw si Bea na nanghihinala sa kabiyak na umaaswang ng iba. Lumilipad daw kasi ito sa bubong ng kapit-bahay tuwing gabi. Isinalaysay nito na si Inspector Giordani ang nakahuli sa kaniyang asawa na may kalampungan na bruha sa Trinoma.

Idinugtong pa ng kaibigan na mukha raw silang mga tikbalang sa libog. Makakapal daw ang mukha at bulbol sa ibaba. Magsama raw silang mga kampon ng demonyo.

Nagkahiwalay si Bea at ang asawa niya ngunit kasal pa rin sila sa papel dahil walang diborsiyo sa bansa. Napailing si Leona nang maalala ang k'wentong iyon. Nakakalungkot lang isipin na may mga lalaki talagang 'di makontento sa kung anong mayroon sila.

Ngunit kung tama ang opinyon ni Bea ukol sa imbestigador, sa tingin niya ay kaya rin nito na tulungan siyang hanapin si Andrea.

Sa isang agency sa Sta. Mesa, Manila siya dumiretso. Dito siya dinala ng address na binigay ni Bea, ayon sa babae'y lagi raw nasa opisina si Mr. Giordani.

Tatlong palapag na gusali ang nasa harap niya at mukhang sobrang luma na rin niyon dahil nangingitim at bakbak na ang puting pintura. Ang una among makikita sa tapat ay isang Xerox and Printing Store. Sa gilid ng store ay may karatula pa at nakasulat doon sa malalaki at pulang mga titik: Private Detective Here; may arrow paitaas pang nakaguhit.

Naglakad siya sa bungad ng hagdan. Sa pangatlong palapag ang opisina ng lalaki. Hindi rin naman nagtagal ay nakarating siya roon at nakita agad niya ang k'warto ni Mr. Giordani.

Kumatok agad siya sa pinto at may sumagot nang pasigaw sa loob, "Bukas 'yan! Pasok lang!"

Pumasok na siya sa opisina at isinara muli ang pinto. Pagharap niya, ang unang tumambad sa paningin niya ay sandamukal na mga papel, brown envelope, at folder na nakalagay sa mesa ng lalaki.

Hindi rin nakaayos ang mga librong nasa shelves, may nakasampay pa na mga uniporme at hanger sa gilid ng white board na nandoon. Sa kanan ay may kabinet na lalagyanan naman ng mga kahon, papel, at dokumento.

Tila may ipo-ipong dumaan sa k'warto na iyon dahil sa sobrang gulo ng mga gamit. Ganito pala sa opisina ng mga private detectives.

Bumaling ang atensyon niya sa lalaking nasa harap, ang mga mata nito'y nakasalamin at nakatuon ang tingin sa isang dokumento.

Maputi ang lalaki, matangos ang ilong, naka-ahit din ang side-burn nitong dumudugtong sa balbas sa baba. Simple lang ang itim na buhok nitong nakapaling sa kanan. Hindi nabanggit ni Bea na g'wapo at batang-bata pa pala si Mr. Giordani. Akala niya'y matanda na 'to at ubanin.

Pero parang hindi naman siya pinapansin nito. "G-Good morning, Inspector," simulang bati niya na bahagyang yumukod.

"Sit," simpleng senyas lang nito sa bakanteng office chair sa tapat.

Kimi siyang umupo roon at naghintay na muna sa imbestigador. Baka naman kasi abala rin ito sa ibang kaso.

"Bea, told me you'll visit here," unang wika nito sa kaniya at tinaggal ang salamin sa mata. Ipinatong muna nito ang binabasa na papel sa lamesa.

"You're Miss?"

"Mrs. Leona Castillo po."

"So Mrs. Castillo, I've known Bea for years at nasabi nga niyang pupunta ka para may ibigay na kaso, but she didn't mention what it is. What's the case all about?"

"Hinahanap ko ang anak ko," diretso niyang sabi.

"Missing or illegally abducted? Do you know any details about the kid? Age? Name? Her birth certificate, pictures, or  hospital documents, do you have it?"

Shit. Wala siyang kahit na ano. Nagyuko siya ng ulo at namoblema tungkol sa hinihingi nito. "W-Wala po..." Sinabi na lang niya ang totoo.

"Wala? You don't even know her name or age?" kumunot naman ang noo ni Giordani.

"Baby Andrea ang pangalan niya, sampung taon na ang nakalipas nang inabandona ko s'ya sa Parkwood Hills. Ten years old na s'ya ngayon. Tumira ako sa Bagong Silangan noon..." Natigilan siya nang mapagtanto na iyon lang ang alam niya.

Napailing naman ang lalaki. "That's all? You don't even have pictures of her?"

Nag-iwas siya ng tingin at nanahimik. Nakakalungkot mang isipin pero wala siyang kahit na anong dokumento o larawan ni Andrea. Kamadrona lamang ang nagpaanak sa kaniya at ginawa lang ng ginang na libre ang serbisyo dahil naawa sa kaniya. Hindi na siya tinulungan pa ng kamadrona sa pag-aasikaso ng papeles.

"Problema 'yan. Mahirap 'yang hanapin. Kung walang dokumento, kahit sa databases lang mahihirapan akong maghanap," sambit nito.

Nataranta siya. Baka hindi na siya tulungan ng kausap. "Please, I'm begging. Babayaran kita kahit magkano."

"The thing is... we don't know anything about the kid. You only got her name and her age."

"Alam ko po 'yon. I'm aware of that inspector, but Bea told me you're the most trusted and competent private investigator she knows. I'm willing to pay for anything, 'di mahalaga sa 'kin kung magkano. Thousand? Million? Magkano ba? Look... Look at me, Inspector."

Napatingin nang diretso si Giordani sa mga mata niya. Pinapakita ng mga mata niyang desperado talaga siya na mahanap ang anak niya.

"Alam mo ba ang pakiramdam ng isang magulang? Hindi ba gagawin nila ang lahat para sa anak nila? Hindi mo ba 'yon pagsisisihan kapag wala kang ginawa?"

Walang sinabi ang lalaki at nanatili lamang itong nakatitig sa kaniya. Mukhang unti-unti na itong nakakaramdam ng simpatya.

"Hindi ko ginawa lahat ng makakaya ko noon pero ngayon, pinapangako ko na gagawin ko ang lahat. Kung magulang ka, 'yon din ang gagawin mo 'di ba, Inspector?"

Hindi ito nagsalita at umiwas na lamang ng tingin.

"Kahit katiting lang ang pag-asa na makita ko si Andrea, panghahawakan ko 'yon. Hangga't may pag-asa na makita ko s'ya di ako titigil. Kung 'di ako magtagumpay, ibig sabihin, hindi ko ginawa ang lahat."

Malalim na napabuntong-hininga ang kausap at diretsong tumingin muli sa kaniya.

"Okay I get it. I'm sorry kung parang ang dating ko sa'yo ay ayaw kong tanggapin ang kaso," paghingi ng paumanhin nito. "Pero wala naman akong sinabing, 'di ko tatanggapin."

Nakahinga siya nang maluwag nang marinig ang sinabi ng lalaki.

"You're right, wala namang mawawala kung susubukan ko. I'll try my best, Mrs. Castillo."

"Salamat, Inspector."

"It may or may not work. Will you accept, no matter what the result is?"

"Of course. I won't blame you for anything but please do what you can, Inspector Giordani."

Napabuntong-hininga muna ang lalaki bago muling magpatuloy. "First step is to find possible traces. Where and when is the last time you saw your child?"

***

𝑾𝒆𝒍𝒄𝒐𝒎𝒆 𝑯𝒐𝒎𝒆, 𝑩𝒂𝒃𝒚 𝑨𝒏𝒅𝒓𝒆𝒂Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon