Nakakasulasok na amoy ang bumungad sa kanila nang makapadpad sa Girl's Room. Naaamoy lang niya ang ganoong katinding panghi kapag pumapasok siya ng public restroom. K'warto ba talaga ito ng mga babae o baka banyo?
Kung gaano kalinis sa first floor, ganito katindi ang dumi sa second floor. Ang nakakalungkot lang, dito madalas manatili ang mga bata.
Limang double deck bed ang nandoon. Nangingitim na ang mga kumot, ang daming tastas at tapal ng mga unan at may ipis pang gumagapang sa haligi. Hinawakan ni Leona ang puting unan na nanilaw na sa kalumaan, parang bato iyon sa tigas.
"Huwag mo hawakan 'yan ma'am, madumi iyan," sita sa kaniya ng isang ale. Mukhang nasa 40's na ang edad. Chubby ang pangangatawan at maamo ang mukha. May bitbit itong mga punda sa bisig.
"Papalitan ko pa 'yan. Naihi na naman ang bata d'yan eh."
Dahil sa sinabi nito napalayo siya sa kama.
"Pagpasensyahan mo na, madalas maihi at dumumi sa kama ang mga bata dala ng trauma nila," paliwanag naman ni Rebecca.
Nang marinig iyon, nakaramdam na naman ng awa si Leona. Ito ba ang environment na kinalakihan ng anak niya?
"Siya si Mother Emmaline. Siya ang house parent ng mga bata rito. Siya rin ang nag-alaga kay Andrea," pakilala ni Rebecca sa ginang.
Parang nakaramdam siya ng inggit. Ang babaeng ito ang nag-alaga kay Andrea. Nakita nito ang unang hakbang ng sanggol at narinig ang unang salita. Siya ang nagpapalit ng diaper at siya rin ang nagpapaligo. Siya ang naging unang ina sa paningin ni Andrea.
"Nabanggit nga sa 'kin kahapon ng admin staff na hinahanap daw ng tunay na nanay si Andrea," nakangiting sabi ni Mother Emmaline habang pinapalitan ng punda ang unan.
"Mabait at malambing ang batang 'yon. Kaya nang umalis siya, nalungkot din ako. Pero para naman sa kapakanan niya iyon eh. Kailangan niya ng permanenteng magulang na mag-aaruga sa kaniya.
Kaming mga staff ng orphanage, inaamin namin na hindi namin naibibigay sa mga bata ang atensyon na kailangan nila. Walong oras lang ang shift ko sa trabaho. Part-time lang si Rebecca. Isipin mong maigi kung ilang oras lang ang kaya namin ilaan para sa mga bata.
Nakakalungkot lang dahil kaunti lang ang gustong mag-volunteer dito. Walo lang kaming empleyado at ilan ang mga bata? Kaya kung posible, gusto namin makahanap sila ng permanenteng tahanan."
Nakinig lamang si Leona sa kwento ng ale. Pinapanood din niya ang pagpapalit nito ng kumot at bed sheet.
"Six years old si Andrea nang mapili siya nina Mrs. Livana at Mr. Ryman Soterios na ampunin. Inaasahan ko na 'yon na may kukuha sa kaniya. Maganda kasi ang bata. Isa pang problema 'yan ng orphanage. Kinukuha ang magaganda at gwapo, kapag syonget ka o may kapansanan... alam mo na! Rejected ka.
Madalas ampunin dito ay mga baby. Iyong mga malalaking bata, hindi talaga napipili. Nandoon pala ang Babies Room sa katabing kwarto. May mga junior staff na nag-aalaga sa kanila.
Ay ano ba 'yan!" Nagulat si Mother Emmaline at napalayo sa kama. Naputol tuloy ang kwento nito.
Lahat sila ay natigilan at napasulyap sa ibaba. Sa ilalim ng kama ay may isang batang babae na nagtatago.
"Ano bang ginagawa mo riyan, Sherika!"
Pero walang imik lamang ang bata roon na nakayakap sa tuhod at nakahiga sa ilalim ng kama.
"Bumaba ka roon! Maubusan ka pa. May libreng pagkain na bigay 'yong Amerikano. Chicken 'yon saka spaghetti," tawag naman ni Rebecca sa bata.
Umiling lang ito.
"Hay nako, halika nga rito," sabi ni Mother Emmaline at siya na ang humila sa bata para lumabas doon at tumayo.
Pagkalabas sa tinataguan, napatingin sa kaniya ang paslit.
"Bisita natin siya, Sherika. Sabihin mo, good morning po," yaya ng Ginang.
Tinitigan lang siya ng bata tapos bigla itong nailang at yumakap kay Mother Emmaline.
"Hay nako, ganito talaga itong bata na 'to. Pagpasensyahan mo na ma'am. Ayaw makipag-usap sa iba. Ayaw nga makipagkaibigan nito, gusto ako lang," sabi ng ginang na hinahaplos ang buhok ni Sherika.
"Bakit ako makikipagkaibigan? Lahat naman sila aalis kapag naampon na." Narinig niyang bulong ni Sherika.
Naaawa lang siya habang nakatingin sa bata. Madaling mahulaan na marami siyang masasakit na pinagdaanan kaya gan'yan siya magsalita.
Mahirap ang mabuhay sa mundo, ngunit mas mahirap kapag mag-isa ka.
Ang mga bata rito, wala silang sandigan. Wala ang kanilang mga magulang. Wala silang pagpipilian kundi ang maging matatag sa sarili nilang mga paa. Ito ba ang mga pinagdaanan ni Andrea?
"Oo nga pala ma'am, bago ko makalimutan. May ibibigay pala ako sa'yo."
Bumaling ang tingin niya kay Mother Emmaline. Pinaupo muna nito si Sherika sa kama, dumiretso sa kabinet at may hinanap na folder. Ilang saglit pa nakita na nito ang hinahanap.
Bumalik ito sa harap niya at nag-abot ng isang larawan. Umangat ang kamay niya, kinuha, at tinitigan iyon. Isang cute na baby girl ang nakita niya. Matambok ang pulang pisngi, mahaba ang kulot na buhok, at maaliwalas ang ngiti.
"Iyan lang ang picture ko kay Andrea. Four years old pa lang s'ya riyan. Ibibigay ko na sa'yo iyan, ma'am. Sana makita mo na siya."
***
Nakatingin si Aries sa itim na kotse na nasa harapan niya. Nasa loob niyon ang Amerikano. Naalala niya ang sinabi ni Giordani kanina --- pedo iyan.
Mabigat man sa loob, wala naman siyang magagawa kundi tumingin lang. Wala rin naman siyang pruweba na pedophile nga ang dayuhan. Pero kung totoo man ang sinasabi ng Inspector, nakakalungkot at nakakatakot talaga.
Sinundan niya ng tingin ang papalayong kotse.
"Kamusta na kaya si Andrea? Mabuti bang mga tao ang kumupkop sa kaniya?" Hindi niya anak ang batang babae pero nag-aalala rin siya sa kalagayan nito.
"Aries, nandito ka pala e. Hinanap pa kita sa loob."
Napalingon siya nang lumapit sa likuran si Leona.
"Okay ka na?" tanong niya.
Tumango si Leona. "Nagpaalam na ako sa mga staff members. Si Jarvis pala?" pansin ni Leona at nagtaka ang mukha. Luminga siya sa paligid para hanapin ang Inspector pero wala ito roon. Wala na rin ang kotse nito.
"Nauna na siya. Tawagan na lang daw natin siya kung may kailangan tayo," simple niyang sagot. Pagkatapos ng usapan nila ay wala nang makitang dahilan si Giordani para manatili. Nagpaalam na ito sa kaniya.
"Ah...ganoon ba?"
"Bukas pupuntahan natin ang bahay ng Soterios Family. Huwag ka nang mag-alala, malapit na natin makita si Andrea."
Sa katuwaan ay pumaikot ang mga braso nito sa kaniya at mahigpit siyang niyakap. "Salamat talaga sa suporta mo, Aries."
***
BINABASA MO ANG
𝑾𝒆𝒍𝒄𝒐𝒎𝒆 𝑯𝒐𝒎𝒆, 𝑩𝒂𝒃𝒚 𝑨𝒏𝒅𝒓𝒆𝒂
SpiritualLabing-pitong taong gulang siya nang maagang nabuntis. Dahil sa hirap ng kaniyang buhay, napagtanto niya na hindi pa siya handang maging isang ina. Wala siyang ibang pagpipilian kundi ibigay si Baby Andrea sa mga taong alam niyang magbibigay rito ng...