Gabi na. Natapos na rin sa wakas ang abalang araw na ito. Pagod na pagod at walang gana siyang dumiretso sa k'warto. Hindi niya binuksan ang ilaw at agad niyang sinara ang pinto. Nag-dive siya sa kama at sinubsob ang mukha sa unan. Hindi na niya nagawang magpalit ng damit at tanggalin ang neck tie sa polo. Tinatamad na siyang gawin iyon.
Sigurado siyang tulog na si Archie nang mga oras na ito at kasama nito si Manang Bertina. Wala siyang dapat ipag-alala sa anak.
Ang dapat niyang alalahanin sa ngayon ay ang taksil niyang asawa. Kung saan ito napadpad hindi niya alam. Hindi naman ito sumasagot sa mga tawag at mensahe niya.
Nakahiga siya nang patagilid sa kama nang marinig niya ang mahinang langitngit ng pinto ng k'warto. Maingat din iyong isinara, halatang kinokontrol ang ingay ng pinto. Alam niyang pumasok ang asawa niya sa loob ng madilim na silid at ayaw na nitong maistorbo ang tulog niya.
Narinig din niya ang yabag ng takong nito at naramdaman na umupo ito sa kabilang bahagi ng kama.
Nakatalikod siya sa bagong dating. Ayaw niyang salubungin ang babae. Nagpanggap na lang siyang tulog at ipinikit ang mga mata.
"Mahal, tulog ka na ba?"
Hindi siya sumagot. Wala siyang pakialam. Mabigat pa rin ang loob niya.
Naramdaman niya ang braso ng babae na pumaikot sa baywang niya at ang paglapat ng malambot na labi nito sa pisngi niya.
Inihilig nito ang ulo sa kaniya at mahinang bumulong. "I love you, Aries. Alam kong galit ka pa rin sa 'kin pero sana maintindihan mo rin ako." Narinig niya ang mga salitang iyon kasabay ng mainit na likido na tumulo sa leeg niya.
Narinig niyang umiiyak ito habang nakayakap sa likod niya. Nasasaktan din siya kapag nakikitang nahihirapan ang asawa.
Napabuntong-hininga siya at pinikit ang mga mata. Humarap siya at kinabig ito palapit sa katawan niya. Masama ang loob niya ngunit nananaig pa rin ang pagmamahal niya rito.
Ilang minuto pa at pareho na silang nakatulog.
***
Kinabukasan, hindi pa rin nila pinag-uusapan ang ugat ng away nila. Nakaupo si Aries sa harap ng hapagkainan habang nakatuon ang mga mata sa TV at umiinom ng tasa ng kape. Ngayon ay matamlay siya habang mag-isang nag-aalmusal.
Si Manang Bertina ang nag-aalaga ngayon kay Archie at naghahabulan sila sa labas ng banyo. Ayaw kasi ng bata na magsuot ng uniform at gustong mangulit sa katulong nila, kaya tumatakbo itong nakahubad habang hinahabol ng ale.
Naririnig niya mula sa dining room ang malakas na tawa ng anak at ang panenermon ni Manang Bertina.
Bumaba na rin sa wakas sa kusina si Leona. Bagong bihis at bagong ligo, halatang may pupuntahan na naman.
Nagkatinginan sila at siya na ang unang umiwas ng tingin.
"Mahal," Lumapit ito sa kaniya. "Gusto ko sanang magpaalam ulit sa'yo may--- "
"You can go whenever and wherever you want."
Alam niyang masyadong malamig ang pakitungo niya pero hindi niya mabale-wala ang nararamdaman.
Hindi niya nilingon ang asawa. Nakatingin lamang siya sa telebisyon.
Hindi niya tuloy napansin ang namumula at namamagang mga mata ni Leona na nakatingin sa kaniya.
Naramdaman niyang tumalikod ang asawa at naglakad palayo. Lumingon na rin siya sa wakas at hinintay muna na makalabas ito sa loob ng bahay.
Tumayo siya at naglakad sa tapat ng bintana. Sumilip muna siya roon at tinignan kung pumasok na ba si Leona sa kotse.
May binabalak siyang gawin ngayon kaya pinabayaan niya itong umalis.
"Sino ang lalaki mo, Leona?"
***
Umalis si Leona nang umagang iyon para makipagkita muli kay Inspector Giordani. Sa Capitol Home Site Subdivision daw nakatira ngayon si Mirriam Al-Saud na siyang bumili kay Andrea.
Nakapokus ang mga mata niya sa pagmamaneho ng kotse ngunit ang isip niya ay nasa asawa. Lagi na lamang mabigat ang kalooban niya kapag umaalis ng bahay. Pinagdadasal niya sa Diyos na sana ay mapatawad siya ni Aries.
Sasabihin naman niya sa asawa ang totoo ngunit hindi muna ngayon.
Halos kalahating oras ang dumaan nang makapadpad siya sa tapat ng Starbucks. Naroon sa loob ang Inspector at hinihintay siya. Naghanap muna siya ng parking lot na malapit doon para mai-park ang kotse, bago siya dumiretso sa loob ng coffee house.
Pagkapasok ay nakita agad niya ang lalaki na nakaupong mag-isa sa table. Lumapit siya agad at umupo sa harap nito.
"You're early today," bati nito pero nag-iba ang ekspresyon ng mukha nang mapansin ang mga mata niya. "Are you alright? Umiyak ka ba?"
"Ha?" Nabigla siya sa tanong. "Ah... w-wala ito... Napuyat lang ako kagabi," nailang niyang tugon.
"Huwag kang masyadong magpuyat. It's not good for your health, alagaan mo rin ang sarili mo. Don't worry mahahanap din natin si Andrea."
"Thank you."
"Kumain ka na ba?"
Hindi niya alam kung bakit pero parang malambing ang tono ng pananalita nito. Hindi siya komportable.
"Kung hindi pa, let's eat first. Don't worry it's my treat," yaya nito.
"Ah no... 'wag na Inspector."
"Okay lang, Leona."
"Ha?" napanganga siya. Tinatawag siya nito sa pangalan niya? Kailan pa ito nagpasya na Leona ang itawag sa kaniya at hindi Mrs. Castillo?
"Kailangan mong kumain."
"H-Huwag na, Inspector Giordani."
"Jarvis na lang ang itawag mo sa 'kin. Magkaibigan naman tayo eh."
Nagpapatawag pa ito sa First name. Ang awkward... Iyon lang ang tanging nararamdaman niya, sobrang nakakailang na para bang gusto na niyang umuwi. Wala siyang sinabi rito. Nakatingin lamang siya sa lalaki.
"Saka, tama na 'yong binayad mo sa 'kin na 30k. Hindi mo na kailangan na dagdagan pa 'yon. Sobra-sobra na ang magbigay ka pa ng 50k."
"Ano?" Sa ganitong punto ay kinutuban na si Leona. Bakit sinasabi ito ni Giordani? Samantalang kulang pa nga ang pinapasahod niya rito dahil mahirap ang pinapagawa niya at nagagamit ang buong araw ng binata.
"Hindi naman yata tama 'yon, Inspec--- "
"Jarvis na lang."
"J-Jarvis...." mahina at napipilitan niyang sabi. "H-Hindi naman yata tama 'yon."
"Magkaibigan naman tayo, Leona."
"Pero— " Naputol ang sasabihin niya nang may lumapit sa kanilang waiter at nagtanong ng o-order-in nila. Hindi na siya nakatutol pa nang um-order na si Inspector Giordani ng almusal nilang dalawa.
"This is wrong..." Ito ang nararamdaman ni Leona habang nakatitig sa lalaki. Sa gawi, pananalita at kilos ng kaharap, pakiramdam talaga niya ay pinopormahan siya nito.
Nakakairita lang dahil alam nitong pamilyado siyang tao. Napabuntong-hininga siya nang maalala na naman si Aries.
***
Hindi alam ni Leona, may nakatingin sa kanilang pares ng mga mata mula sa labas ng coffee shop. Kasalukuyang nakasakay ngayon sa loob ng taxi si Aries at nakasilip sa bintana ng sasakyan. Naaaninag niya sa loob ng Starbucks ang asawa na may kasama at kausap na ibang lalaki.
Nanginig ang kalamnan ni Aries sa inis at galit. Naikuyom niya ang mga palad habang nakatutok ang mga nagbabagang mga mata sa loob ng kainan.
"Sir, dito na ba kayo?" Natuon ang pansin niya sa taxi driver na inarkila niya para sumunod sa kotse ng asawa.
"Hindi. Ibaba mo na lang ako sa Fly-over."
***
BINABASA MO ANG
𝑾𝒆𝒍𝒄𝒐𝒎𝒆 𝑯𝒐𝒎𝒆, 𝑩𝒂𝒃𝒚 𝑨𝒏𝒅𝒓𝒆𝒂
SpiritualLabing-pitong taong gulang siya nang maagang nabuntis. Dahil sa hirap ng kaniyang buhay, napagtanto niya na hindi pa siya handang maging isang ina. Wala siyang ibang pagpipilian kundi ibigay si Baby Andrea sa mga taong alam niyang magbibigay rito ng...