"We can't take
the overwhelm feeling
of loss, so we pretend that
the loss doesn't exist."***
"Sina Livana at Ryman ang may-ari ng paupahan na ito."
Walang imik kung makinig si Leona sa paliwanag ni Reina. Nakatingin lamang siya sa pagkain na nakahain sa mesa. Umiinom naman si Aries ng malamig na tubig at paminsan-minsan ay tumitikim ng maha at ube na inihain sa kanila.
Medyo maingay pa rin ang mga kabataan ngunit hindi na kasinggulo kanina. Kumakain ang mga ito, kasabay nilang mga matatanda. Nagkasya silang lahat sa pahabang mesa.
"Laging bumababa si Andy rito sa 'min. Sa totoo lang, gusto niyang dito na lang tumira, kaso 'di naman pwede. Kapag tumatagal siya rito ay... n-napapagalitan siya ni Livana."
"Kawawa nga ang batang 'yon," sabat ni Baron sa usapan, "Kapag tinanong ko, kumain ka na ba Andy? Ang sinasagot lagi, hindi pa."
Napatingin si Aries sa katabi. Kanina pa siya nag-aalala sa asawa na hindi nagsasalita. Nag-aalala siya sa kalagayan ng utak nito na huminto na yata.
"Minsan po lumalabas 'yon nakahubad lang," singit din ni King, "Nakakahiya nga po e. Lagi siyang madungis. Kapag may suot naman, parang basahan ang damit. Binigyan na lang ni nanay ng maayos na damit si Andy. Iyong pinaglumaan ni Queenie, binibigay namin sa kaniya."
"Sinasabi niyo bang... hindi nila naalagaan nang maayos si Andrea?" usisa ni Aries.
"Mahirap kasing magsalita. Kapag may sinabi kami na hindi nila gusto baka palayasin kami rito. Sa'n naman kami kukuha ng murang paupahan?"
Hindi tuwiran ang sagot sa kaniya ng ale. Napapaisip tuloy nang malalim si Aries.
"Kulang ang kinikita ng asawa ko sa Repair Shop. Hindi namin alam kung sa'n kami pupulutin kapag pinaalis kami rito," dugtong pa ni Reina at sinundan ng buntong-hininga.
"P-Paano po... Ano po talaga ang nangyari kay Andrea? Totoo bang wala na siya?" Hindi alam ni Aries kung paano magtatanong nang tama na naaayon sa damdamin ni Leona.
Nagkatinginan muna sina Baron at Reina. Nagtatalo ang mga isip nila kung sino sa kanila ang magsasabi.
Si Baron na ang naglakas-loob na magsalita. "Totoo ang sinasabi ng mga anak ko. Pasensya na, alam kong mahirap itong tanggapin pero wala na talaga si Andy. Ang labi niya ay nasa Heaven's Peace Memorial Garden."
Wala pa ring kibo si Leona. Hindi na yata gumagana ang utak ng babae. Kusa na itong nag-shut down dahil sa mga kakila-kilabot na naririnig niya. Wala ring reaksyon ang kaniyang mukha.
"Paano po nangyari 'yon?" May pagdududa ang tanong ni Aries.
"Aksidente lang ang naganap. Nahulog siya sa roof top ng apartment. Hindi niya nakayanan ang pinsala kahit naisugod siya agad sa ospital." Nag-aalala ang mga mata ni Reina at humawak sa kamay ni Leona. "I'm so sorry, Leona."
Nang sabihin iyon ng maaalahaning may-bahay, kusang nagbukas ang isip ni Leona sa katotohanang tumambad sa kanila. Wala na si Andrea. Huli na siya.
"Hindi!" Pero hindi niya matanggap o marahil, ayaw niyang tanggapin. Tumayo siya at nagliliyab sa galit na sumigaw sa mga bagong kaibigan. "Hindi 'yan totoo! Buhay ang anak ko!"
Napatingin ang lahat ng bata roon dahil sa lakas ng sigaw niya. Wala siyang pakialam. Ipamumukha niya sa mga kaharap na hindi siya naniniwala.
"Leona," tumayo na rin si Aries para awatin ang asawa. Baka mag-eskandalo pa ito.
"Leona, I'm so sorry pero wala na talaga siya," iling ni Reina. Siya man ay naaawa sa babae ngunit wala naman siyang magagawa kundi sabihin ang totoo.
"No! No! No!" Paulit-ulit iyong sinigaw ni Leona. Naghuhumalagpos ang isip niya sa mga salitang sinabi nila. Nagmadali siyang lumabas sa loob ng apartment unit, walang paalam sa mga tao roon.
Nag-alala na susunod sana si Aries pero natigilan. Luminga siya sa mag-asawa. "Salamat po pala. Pasensya na po kayo."
"Naiintindihan namin. Mahirap ang pinagdadaanan ng asawa mo, huwag mo siyang iiwan," bilin ni Reina.
Tumango si Aries bago siya lumabas ng apartment para sundan ang asawang naghuhuramentado.
***
Nakalabas na si Aries sa tahanan ng mag-asawang Palaina. Sa tapat ay naroon ang kotse nila at sa palagay niya'y nasa loob si Leona.
Hindi niya alam kung anong gagawin at sasabihin sa asawa. Awang-awa siya rito. Awang-awa rin siya kay Andrea. Walang salitang magpapagaan sa bigat ng sitwasyon.
Inihakbang niya ang isang paa at akma nang pupunta sa kotse ngunit napahinto siya.
"Sir Aries!"
Narinig niyang may tumawag sa likuran. Si Queenie ang nakita niya, may yakap-yakap itong photo journal. Nagtaka siya kung bakit pa ito sumunod. Sa pagkakaalala niya ay si Queenie ang pinakatahimik sa magkakapatid.
Lumabas rin mula sa gusali sina King, Prince at Pharaoh. Hinabol ng mga ito ang dalagita.
"Quennie, huwag ka nang maingay!" pigil ni King sa kakambal.
"Hindi! Sasabihin ko ang totoo," lingon nito sa kapatid pagkatapos ay muling humarap sa kaniya. "Sir Aries, nandito po lahat ng pictures namin na kasama namin si Andy. Sayo na lang po." Inabot ng dalagita ang photo journal.
Kinuha niya iyon at binuksan. Maraming larawan si Queenie na kasama niya si Andrea. Kung ganoon, si Queenie pala ang matalik na kaibigan ni Andrea noon.
"Sir Aries..."
Muli siyang napatingin sa mga mata ng dalagita na ngayo'y namamasa na dahil sa luha.
"Hindi po iyon aksidente. Sinadya po nila iyon."
Ilang segundo na parang huminto ang proseso ng utak niya bago maintindihan ang ibig pakuhulugan ng dalagita.
"H-Hinulog nila si Andrea sa roof top?"
Hindi sumagot si Queenie at nagpunas siya ng luha.
"Forget what she said! Our parents will be in trouble if we say something!" Sumingit si Prince sa gitna nila at hinila si Queenie.
"Wait!" pigil ni Aries. Gusto pa niyang malaman ang totoo pero tumalikod na ang mga kabataan at hindi na siya nilingon pa.
***
BINABASA MO ANG
𝑾𝒆𝒍𝒄𝒐𝒎𝒆 𝑯𝒐𝒎𝒆, 𝑩𝒂𝒃𝒚 𝑨𝒏𝒅𝒓𝒆𝒂
SpiritualLabing-pitong taong gulang siya nang maagang nabuntis. Dahil sa hirap ng kaniyang buhay, napagtanto niya na hindi pa siya handang maging isang ina. Wala siyang ibang pagpipilian kundi ibigay si Baby Andrea sa mga taong alam niyang magbibigay rito ng...