Dumating na sa wakas ang araw na pinakahihintay nila. Ang unang hearing na dadaluhin nila sa korte. Sa pagpasok pa lamang, napansin na nina Leona at Aries ang dami ng tao. Gayunman, pili lang ang pinapapasok sa loob ng courtroom.
Lumingon sila nang makita ang pamilyar na bulto."Kina-usap na ni Atty.Rivera ang mga batang witness sa kabilang kwarto. Lalabas na lang daw ang mga bata kung pinapatawag na sila," bungad ni Giordani sa kanila na dumalo rin sa Hall of Justice. Kagagaling lang ng Inspector sa kabilang silid na katabi ng court room.
Tumango si Leona. Alam niyang wala dapat ikabahala. Kasama rin nina Queenie, King, Pharaoh, at Prince ang kanilang mga magulang, at ligtas sila sa waiting room.
"Mabuti pa, pumasok na kayo sa loob. Nandoon na ang abogado n'yo," bilin ni Giordani sa mag-asawa.
Wala nang pagtumpik-tumpik pa na hinawakan ni Aries ang kamay niya at giniya siya papasok sa court room.
Naiwan si Giordani sa labas, nag-aalala ang mga matang nakasunod ang tingin sa kanila.
***
Tahimik sa loob ng court room, lahat ng tao na kinakailangan sa kaso ay naroon sa loob, bukod lamang sa mga witnesses. May mga pulis din at ilang detainee na nakaposas pa.
Sa kabilang bahagi ng bench, nakaupo ang mag-asawang Soterios. Nagkatinginan silang dalawang pamilya na naglalaban, hanggang sa ang mga akusado ang unang nagbawi ng tingin.
Sa totoo lamang habang nakaupo roon ay maraming nasa isip ni Leona. Iniisip niya kung bakit nagawa ng pamiyang ito ang karumaldumal na pagpapahirap sa isang musmos at walang pusong pagpatay rito.
Naalala niya ang anak ng mag-asawa na pumunta sa bahay para magmaka-awang iurong ang kaso. Naaawa man kay Lilibeth, ngunit ang puso niya'y nababad na naman sa galit. Naramdaman niya ang kamay ni Aries na humawak sa kaniyang mga palad. Napatingin siya sa katabi at bahagyang ngumiti sa iginawad nitong suporta.
Ilang minuto pa ay dumating na sa loob ang judge na nakasuot ng itim na roba.
"All rise!" sabi ng presider ng korte.
Lahat sila ay tumayo at nagbigay pugay sa husgado. Nag-umpisa rin sa pagdarasal ang hearing. Humingi sila ng gabay sa May-kapal sa pagpili sa tamang desisyon upang makamtan ang hinahangad na hustisya. Sa loob ng korte, dapat ay walang pinapanigan. Magkabilang panig ay pareho dapat na pinapakinggan.
Pagkatapos ng pagdarasal ay umupo muli silang lahat.
Hindi na masyadong inintindi ni Leona kung ano ang sumunod na mga nangyari. Basta nagpatuloy lang sa paggawad ng proseso ang husgado sa ilang detainee na naroon sa courtroom. Sa loob ng isang araw pala'y maraming kaso ang hinahawakan ng korte.
Halos isang oras ang dumaan bago tawagin ang pangalan ng mga defendant.
"Criminal case number 2235, People of the Philippines vs. Ryman Soterios and Livana Soterios." Narinig niyang bungad ng presider.
Nanumbalik ang paningin niya sa harap, nakatitig siya ngayon sa prosecutor. May sinabi silang kataga na 'cross-examination'. Hindi masyadong naintindihan ni Leona kung ano iyon. Pagkatapos ay pinalabas muna ang ibang tao sa loob ng court room na walang kinalaman sa kaso ni Andrea. Dahil minor daw ang witness, nais nilang maprotektahan ang identity nito.
Nang makalabas ang iba, nabaling ang mata ni Leona sa bumukas na pinto. Pumasok si Atty. Rivera sa court room kasama si Queenie. Nakabuntot sa likod nila, sina Baron at Reyna.
Nagkatinginan sila ng dalagita. Pilit na ngumiti ito sa kaniya bilang pagsasabi ng 'wag mag-alala, bago ito tumungo sa witness stand. Humahanga siya sa tapang na pinapakita ni Queenie. Walang alinlangan o pangamba ang mukha ng dalaga.
Umupo sina Reyna at Baron sa tabi nila Leona. Nagbigay sila ng bati sa isa't isa. Nakakailang din ang tinginan ng mag-asawang Palaina sa pamilyang akusado. Sobrang sama ng tingin nila sa isa't isa, halos makakapatay na.
Pinatayo at pinataas muna ng presider ang kanang kamay ni Queenie bilang panunumpa na pawang katotohanan lamang ang sasabihin nito sa harap ng korte. Nang matapos ang panunumpa, umupo na ang dalagita sa witness chair.
"Tell me Queenie, matagal na ba kayong magkaibigan ng biktima?" tanong ng prosecutor na lumapit sa dalaga.
Tumango ito. "Opo, halos magkapatid na po ang turingan namin. Sinasabi po sa akin ni Andrea lahat ng mga naranasan niya sa kamay ng foster parents... " Bumaba ang tingin niya. "Pero inaamin ko na wala akong halos naitulong sa kaniya."
"P'wede mo bang sabihin kung ano ang mga kinukwento niya?"
Buong puso na tumingin si Queenie sa defendant. "Binubugbog po siya kapag may nagawang mali. Masakit daw mga sugat niya..."
"Sino ang gumawa n'on? Nasa loob ba nitong korte?"
Tinuro niya ang mga akusado, "Opo, sina Mang Ryman at Aling Livana po..."
Hindi maipinta ang mukha ng mag-asawa. Gayunman nanatili lamang silang tahimik.
Nagpatuloy ang tanong ng mga prosecutor sa dalagita. Inubos ng prosecutor ang tanong niya bago ibinigay ang oras sa abogado ng Soterios Family.
Umupo na ang babaeng prosecutor sa unahang bench at tumayo naman ang attorney na mula sa PAO. Lumapit ang lalaki kay Queenie.
"Paano mo naman mapapatunayan na totoo ang mga kinukwento ng kaibigan mo?" tanong nito.
Naikuyom ni Leona ang mga palad dahil sa inis. Alam niyang trabaho ito ng Public Attorney, na ipagtanggol ang defendant sa ayaw man o sa gusto. Ngunit nabubuysit pa rin siya dahil sa tanong nito na tila sinasabing nagsisinungaling si Queenie at si Andrea.
"Sigurado po ako na hindi siya nagsisinungaling... na hindi siya gumagawa ng kwento..." Sa ganitong punto ay nagyuko ng ulo ang dalagita. May namumuong luha sa gilid ng mga mata niya.
"At bakit?"
"D-dahil nakita ko po!" Diretso niyang sabi at tingin sa kausap.
Nanlaki ang mga mata nila. Napasinghap din ang dalawang defendant.
"Paano mo nakita? Paano mo mapatutunayan ang sinasabi mo?" usisa pa rin ng abogado.
Sa ganoong punto, tuluyan nang nahulog ang mga butil ng luha sa mata ni Queenie. "N-Nagbebenta po sila ng drugs.Kahit itanong n'yo pa po kay Mang Elias! Alam po 'yon ni Mang Elias. Dati hindi ko po maintindihan kung ano iyong sinasabi ni Andy, pero ngayon naiintindihan ko na. Pinagamit din po nila si Andy n'on kahit ayaw po niya. Isang araw, pumunta po ko sa third floor ng apartment para sunduin si Andy... para yayain siyang maglaro... tapos..." napaiyak siya. Hindi niya natuloy ang sinasabi.
"Tapos?" udyok ng attorney.
"Tapos... Sinasaktan po nila si Andy... N-Natakot po ako kasi may hawak na baril si Mang Ryman," turo niya sa lalaking akusado.
"Paano siya sinasaktan? Nasa labas ka 'di ba? Paano mo nakita?"
"Sumilip po ko sa bintana! N-Nakita ko po... p-pero natakot ako... natakot po talaga ako! Tinago ko na lang po ang lahat ng nakita ko... p-pinagbantaan ako ni Mang Ryman na papatayin sina Mama at Papa kapag nagsalita ako... Takot na takot po ako! Ngayon ko lang po ito sinabi ... dahil nandiyan na po si Ma'am Leona. Mayaman sila... a-alam kong maproprotektahan nila sina Mama at Papa... Maipaglalaban nila si Andy..."
Ang mga salita ni Queenie ay paputol-putol, puro hikbi, at hagulgol. Mukhang sa loob ng ilang taon, ngayon lang lumabas lahat ng pasanin ng batang babae. Kinimkim niya lahat ng pangit na ala-ala dahil sa pangamba.
Nagpupunas ng luha si Reyna gamit ang panyo, samantalang hinihimas ni Baron ang likod ng asawa.
Dahil sa mga binulgar ni Queenie, nanaig sa puso ni Leona ang ipagpatuloy ang kaso. Ang ganitong kalalang krimen, ay hindi dapat bale-walain. Patawad kay Lilibeth, ngunit mas mahalaga ang hustisya para kay Andrea.
***
BINABASA MO ANG
𝑾𝒆𝒍𝒄𝒐𝒎𝒆 𝑯𝒐𝒎𝒆, 𝑩𝒂𝒃𝒚 𝑨𝒏𝒅𝒓𝒆𝒂
SpiritualLabing-pitong taong gulang siya nang maagang nabuntis. Dahil sa hirap ng kaniyang buhay, napagtanto niya na hindi pa siya handang maging isang ina. Wala siyang ibang pagpipilian kundi ibigay si Baby Andrea sa mga taong alam niyang magbibigay rito ng...