Naghahalo ang iba't ibang kulay sa langit nang sumapit ang dapit-hapon. Sumingit ang dilaw, kahel, at pula sa pagitan ng mga nangingitim na ulap. Mapayapa sa mga mata ni Leona ngunit hindi sa kaniyang puso. Nababagabag pa rin siya sa sinapit ni Andrea at kung nasaan na ito. Dumagdag pa sa alalahanin niya ang relasyon nilang mag-asawa.
Pinilit niya si Inspector Giordani na pauwiin na siya ngayong hapon. Hindi niya sinabi sa imbestigador ang problema nilang mag-asawa sapagkat para sa kanya, masyado nang personal iyon. Wala nang karapatan na malaman pa nito ang problema niya.
Isa pa, naisip niya na malapit na niyang makita si Andrea. Nararamdaman niya na nasa orphanage nga ang bata. Hindi na niya dapat patagalin pa at kailangan na niyang ipagtapat sa asawa ang totoo.
Pumasok siya sa gate. Namataan niya ang mga nalalantang bulaklak at mga halaman sa harap ng pinto. Hindi na pala nila naaalagaan iyon. Napabayaan na nilang mag-asawa. Nakakalungkot tignan.
Pagpunta niya sa sala, naabutan niya si Manang Bertina na nagwawalis ng sahig.
"Ma'am, bakit ngayon ka lang po? Galing ka po ng office?" bati sa kaniya ng katulong.
"Ah, oo," pagsisinungaling niya. "Si Archie?"
"Nasa k'warto at natutulog pa. Kaninang alas-tres pa 'yon tulog, ma'am."
"Ah," tango niya. "S-Si Aries?"
Saglit na tumigil ang Manang sa pagwawalis at tumingin sa kaniya. "Maaga po siyang umuwi. Kanina pa po siyang tanghali na nandito. Nasa terrace po s'ya. Tatawagin ko ba?"
"Huwag na," pigil niya, "Ako na lang ang aakyat."
Pagkasabi niyon ay dumiretso na siya ng lakad patungo sa hagdan. Hindi na siya nakapagpalit pa ng sapatos dahil sabik na niyang makita muli ang asawa.
Dumiretso siya sa veranda at nakita agad ang lalaki na nakaupo sa silya, nakapatong ang mga paa sa foot rest stool at may hawak na baso ng alak. Sa side table na katabi nito, nakapatong ang isang bote ng wine. Nanonood ito sa paglubog ng araw at mukhang malalim ang iniisip.
Nalungkot agad siya nang makitang naglalasing ito. Kilala niya ang asawa, ginagawa lamang nito iyon kapag may sama ito ng loob na hindi mailabas.
Umupo siya sa bakanteng silya, sa gilid ng lalaki. Ilang saglit na nakatingin lamang siya rito pero panay lang ang tungga ng lalaki sa baso ng alak at parang hindi siya nakikita.
"Aries, hindi mo pa rin ba ako kakausapin?"
Wala pa rin itong sagot sa kaniya, ni hindi man lang siya nililingon.
"We can work this out; just listen to me, please!" Nilakasan na niya ang boses. Gagawin niya ang lahat mapakinggan lang siya ni Aries.
Lumingon na ito sa kaniya at nakita niya ang galit sa mga mata nito. "Sige, ano na naman ba ang palusot mo? Ano na naman ang idadahilan mo?"
"Aries naman... makinig ka naman sa 'kin. Huwag mo naman akong saktan nang ganito." Nagmamakaawa na siya sa lalaki dahil mahal niya ito. Hindi siya papayag na masisira ang relasyon nila dahil sa maling akala.
"You're the one who did this to yourself, then your acting like the victim?" Binato nito ang walang laman na bote sa tabing basurahan. Tumayo ito at tinalikuran na lamang siya.
Humabol siya at pinigilan ito sa braso. "Aries!" Hindi siya papayag na hindi sila magka-ayos. Ito na ang tamang pagkakataon para ipagtapat niya ang lahat.
Huminto naman ang lalaki, marahas na binawi ang braso at nanggagalaiti ang mga matang tumingin sa kaniya. "I caught you red-handed, Leona! Sino ang lalaking kasama mo sa Starbucks kanina? Sa Tandang Sora ka ba laging nagpupunta, ha? Dumadayo ka pa r'on para sa lalaki mo?"
BINABASA MO ANG
𝑾𝒆𝒍𝒄𝒐𝒎𝒆 𝑯𝒐𝒎𝒆, 𝑩𝒂𝒃𝒚 𝑨𝒏𝒅𝒓𝒆𝒂
SpiritualLabing-pitong taong gulang siya nang maagang nabuntis. Dahil sa hirap ng kaniyang buhay, napagtanto niya na hindi pa siya handang maging isang ina. Wala siyang ibang pagpipilian kundi ibigay si Baby Andrea sa mga taong alam niyang magbibigay rito ng...