20

127 15 11
                                    

"Naka-usap ko na ang mga magulang ni Leona. Humingi ako ng tawad sa lahat ng kasalanang ginawa ko. Pinatawad na nila ako at sinabi nila na humingi rin ako ng tawad kay Leona, saka sa anak namin na si Baby Andrea. Una po sa lahat, hindi ko po intensyon na manggulo. Sinabi rin sa akin ng ina ni Leona na.... may pamilya na nga siya. Hindi ko po sa inyo kukunin ang bata. Higit sa lahat, alam kong kayo po ang tinuring niyang ama---"

"Wait lang," awat ni Aries na tinaas ang kamay.

Kasalukuyan silang nasa sala. Sila lamang ang naroon, pagka-upo ng bisita ay sunod-sunod na ang pagpapaliwanag nito kahit wala pa naman siyang tinatanong. Kumbaga, defensive agad.

"Anong sinasabi mong... ako ang tinuring ni Andrea na ama?" kunot-noo niyang tanong.

"Bakit?" Nagtaka rin si Lloyd.

"Hindi nasabi sayo ng mga magulang ni Leona na nawala ang bata?"

"Ha?" Napanganga ito at halatang nagulat sa narinig.

"Lloyd, nawala ang bata. Wala sa 'min si Andrea."

Tinignan niya ang reaksyon ni Lloyd --- kumplikasyon, pagkalito, at pangangamba. Sa isang banda, naaawa siya sa lalaking ito. Marami siyang gustong itanong kay Leona tungkol kay Lloyd ngunit ayaw nang pag-usapan ng babae ang lalaking nagwalang-hiya sa kaniya. Sa tingin niya'y pagkakataon na ito para malaman ang totoo.

"Lloyd," tawag niya at agad itong tumingin sa kaniya. "Bakit ngayon ka lang sumulpot?"

Pangawalang beses na nabigla si Lloyd sa sinabi niya.

"Bakit ngayon ka lang nagpakita? Sampung taon na ang dumaan. Ngayon mo lang naalala na may anak ka pala."

Nagbaba ito ng tingin at tila inalala ang nakaraan niya. "Inaamin ko na kasalanan ko. Magkaibigan kami ni Leona simula pagkabata. Pagtungtong ng high school, naging kami na. Iyon nga lang, nabarkada ako noong college. Sumali ako sa fraternity at naimpluwensyahan nang 'di maganda. Sa tingin ko, doon nagbago ang trato ko kay Leona."

"Nalulon ka ba sa bisyo noon?" tanong ni Aries.

Tumingin lamang sa kaniya si Lloyd nang ilang segundo. Nahiya yata pero maya-maya'y tumango.

"Pinagsisihan mo ba na nabuo si Andrea?" usisa pa rin ni Aries.

Natameme ulit ito tapos nagbaba ng tingin. "Iyong una, inaamin ko, oo. Natakot kasi ako. Pakiramdam ko aksidente lang iyon at hindi dapat nangyari. Hindi ko pa kayang maging magulang. Marami pa akong gustong gawin. May gusto pa akong maabot na mga pangarap."

"Kung ayaw mo pala sa bata, bakit ngayon nagbago ka ng pananaw? Bakit ngayon ka lang sumulpot?" Bumalik si Aries sa unang tanong niya na hindi pa nasasagot.

"Marami akong pinagdaanan sa buhay, Sir Aries," napabuntong-hininga ito. "Hindi ko rin natapos ang pag-aaral ko dahil nagka-lung cancer si papa, bumagsak ang family business, at kailangan kong magtrabaho para sa mga magulang ko at isang kapatid."

Nakinig lang si Aries sa side-story ng lalaki.

"May responsibilidad ako sa pamilya ko. Naging abala ako sa sarili kong buhay. Ngunit minsan sumasagi si Leona sa isip ko. Sa huli, namatay si tatay at hindi ko rin naabot ang mga pangarap ko."

"Kamusta na ang nanay mo ngayon?"

"Wala na rin siya. Naaksidente siya sa daan habang tumatawid sa kalsada."

"Oh... I'm sorry."

"Ang kapatid ko naman ay lumipad ng ibang bansa at may sarili nang buhay. Mag-isa na lang ako. Noong nakaraang taon, nagtratrabaho pa ako bilang staff ng grocery store pero... ewan ko ba. Wala kasing direksyon ang buhay ko ngayon eh. Unemployed ako."

𝑾𝒆𝒍𝒄𝒐𝒎𝒆 𝑯𝒐𝒎𝒆, 𝑩𝒂𝒃𝒚 𝑨𝒏𝒅𝒓𝒆𝒂Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon