"Anong patay?!"
Lumakas ang boses niya. Halos magsalubong ang mga kilay niya at magliyab ang mga mata niya dahil sa pagkainis. Hindi rin niya namalayan ang mga kamay na biglang kumapit sa braso ng kabataan at mariin iyong pinisil.
Nahintakutan naman ang lalaki. Nakaramdam ito ng matinding kaba nang makita ang galit na itsura niya.
"Leona, bata lang 'yan!" Hinawakan ni Aries ang kamay niya at inawat siya.
Binitiwan naman niya ang teen-ager. Siya man ay nagulat sa inasta niya.
Pero sino ba ang hindi magagalit sa ganitong sitwasyon? Halos malibot na niya ang buong Kamaynilaan sa paghahanap kay Andrea at ito ang magiging resulta ng lahat?
"Anong ibig mong sabihin na patay na?" Si Aries na ang nag-usisa sa bata habang si Leona ay napupulupot na naman ang laman ng utak.
"Ano po... Na---- ." Ngunit naputol ang sinasabi nito nang may isang ale ang lumapit sa kanila. Lahat sila ay napalingon sa dumating.
"King! Queenie! Ano ba naman kayong dalawa?! Ang sabi ko e, magsaing kayo pero naglaboy lang kayo!" Iritadong sigaw nito at may bit-bit pang siyansi. Nakasuot siya ng maluwag na t-shirt at lagpas tuhod na pants. May nakalagay na hair rollers sa buhok nito.
"Nay!" sabay pang sigaw ng kambal.
"Kayo! Malalaki na kayo pero isip-bata pa rin!" Parang hindi nito nakikita sina Aries at Leona, at diretso lang ito sa paghampas sa puwet ng dalawang anak gamit ang frying ladle.
"Huwag nay! Nakakahiya! May tao oh," tinuro ni Quennie ang mag-asawa habang umiiwas sa siyansi ng ina.
Saka lang napansin ng ale na may mga dayo pala. "Ah... Hello..." Tila nahiya pang sabi na pilit na ngumiti. "M-May bisita pala rito. Pasensya na ah."
"Okay lang po," sabi ni Aries.
"Tinatanong nila kami tungkol kay Andy. Ayaw nilang maniwala sa amin. Ikaw na nga ang magsabi sa kanila, 'nay," sumbong naman ni King.
"Tahimik," sita ng nanay na piningot ang tainga ng anak.
"Aray!" Sigaw naman ni King na napahawak sa tainga. "Malalaki na kami, ginaganito pa kami," bulong pa niya habang iniirapan ang nanay.
"Hinahanap po ninyo si Andy? Sino po ba kayo?" Mabait at magalang na bumaling sa kanila ang ale.
"Si Andy po bang tinutukoy n'yo ay si Sabryna Andrea?" balik-tanong ni Leona. Pinakita niya muli ang larawan.
Kinuha naman iyon ng ale at tinitigan. "Oo, si Andrea nga ito. Tinatawag namin siyang Andy rito. Iyon ang palayaw niya." Bigla itong natahimik. Lumambot ang mga mata niya habang nakatitig sa larawan. Mukha siyang maiiyak.
"Hindi pa siya patay hindi ba?!" pagpupumilit na sambit ni Leona. Hindi siya papayag na mauuwi sa wala ang lahat ng paghihirap niya. Kailangan niyang makita si Andrea. Hindi siya maniniwala sa sinasabi ng mga batang ito.
Tumingin muna ang ale sa kaniya. Malungkot at may awa ang kaniyang mga mata. "P'wede ko bang malaman kung kaano-ano niyo si Andy? Kamag-anak ba kayo?"
"Ako ang tunay niyang nanay," sinabi niya ang totoo. "Matagal ko na siyang hinahanap. Baka naman po alam ni'yo kung nasaan siya?"
Nang sabihin niya iyon ay halatang nagulat ang ale. Hindi agad ito nakapagsalita.
"Alam niyo po ba kung nasa'n siya?" singit ni Aries.
Tinitigan muna sila ng ale, tapos lumipat ang mga mata nito sa pinto ng k'warto. "Tinanong niyo na ba si Livana? Nandoon siya sa loob," turo niya.
"Nagtanong na po kami pero sinarhan kami ng pinto. Sabi niya, wala raw Andrea rito," sagot ni Aries.
BINABASA MO ANG
𝑾𝒆𝒍𝒄𝒐𝒎𝒆 𝑯𝒐𝒎𝒆, 𝑩𝒂𝒃𝒚 𝑨𝒏𝒅𝒓𝒆𝒂
SpiritualLabing-pitong taong gulang siya nang maagang nabuntis. Dahil sa hirap ng kaniyang buhay, napagtanto niya na hindi pa siya handang maging isang ina. Wala siyang ibang pagpipilian kundi ibigay si Baby Andrea sa mga taong alam niyang magbibigay rito ng...