1

264 29 5
                                    

10 years later...

Kumukulo na ang pinapainit niyang kapeng barako sa kusina. Narinig niya ang pito ng takure kaya maagap siyang tumayo mula sa hapagkainan upang patayin ang kalan.

Bumaling siya sa asawa na kumakain ng almusal habang nanonood sa telebisyon. Sa tapat ng lamesa ay naroon ang 14 inch flat screen tv. Gusto kasi ng asawa na kapag kumakain ng almusal ay nanonood din. Pampagana raw niya 'yon tuwing umaga, kaya sa halip na sa sala, sa silid-kainan nila pinuwesto ang telebisyon.

"Mahal, here's your coffee," tawag niya kay Aries na bitbit na ang isang tasa ng kapeng barako.

"Thanks," sagot lamang nito at muling kumain at tumingin sa tv.

Inilapag niya ang tasa sa mesa. "Nasaan pala si Archie? Hindi pa ba siya lumalabas?" pansin niya dahil kanina pa ang anak sa banyo.

"Maybe you should help him? I think he's having a hard time releasing his big turd," sabi nito na sinabayan pa ng mahinang tawa.

Alam niyang nagbibiro lamang ang asawa. "Nako, kayo talagang mag-ama. 'Di na kayo natuto," pangangantyaw rin niya at binato pa ito ng oven mitt. Nakailag naman si Aries sa binato niya.

"Archie, are you okay? You'll be late too!" tawag niya habang naglalakad papunta sa banyo.

Kumatok siya sa pinto at sumigaw, "Archie, hurry up! Ano bang problema mong bata ka?"

"Sorry mama, I can't attach the button on my pants!"

Bahagya siyang natawa at napailing sa sinabi ng anak. Sabagay, apat na taong gulang pa lamang si Archie kaya naiintindihan naman niya kung bakit nahihirapan pa ito sa simpleng mga bagay katulad ng pag-aayos ng shorts.

"Open the door! Ako na," utos niya.

Sumunod naman ito at bumungad sa harap niya ang nakasimangot na mukha ng paslit. Hindi ito makatingin nang diretso na tila nahihiya sa kaniya.

"Oh bakit?"

"I'm sorry mama, I'm a big boy already. I should be able to do it alone."

"Ano ka bang bata ka? Okay lang kung 'di mo pa kaya 'yan. Halika, ako na," mahinahon niyang sabi na marahang hinila ang anak. Siya na ang nagkawit ng salawal nito.

"Nai-flush mo na ba 'yan?" nguso niya sa inodoro.

"Opo," tango niya.

"Very good naman ang anak ko!" papuri niya rito na agad namang kinatuwa ng paslit.

Pagka-ayos sa salawal ng anak ay lumabas na sila sa banyo at dumiretso sa hapagkainan.

"Sit here and eat your breakfast, son." Tinapik ni Aries ang upuan na nasa tabi niya. Sumunod naman ang anak at nagsimula na rin na kumain.

Nagsalin si Leona ng kape sa sariling tasa. Umuusok pa iyon sa init.

Dalawampu't pitong taong gulang na ngayon si Leona, isang butihing ina at may-bahay. Tahimik at payapa ang kaniyang buhay. Isang biyaya na bigay ng May-kapal na bunga ng mga paghihirap niya noon.

Maawain talaga ang Diyos, sapagkat sa likod ng lahat ng mga pasakit na pinagdaanan niya ay nagawa niyang makatapos ng Secondary Education sa PUP at nakapangasawa pa ng isang lalaki na may-kaya sa buhay.

Si Aries ay nakilala niya sa isang dating site. Sinasabi ng iba na wala raw nagtatagal na magkasintahan sa online dating ngunit iba sila ni Aries. Hindi rin niya inaasahan na magkakasundo sila ng lalaki sa maraming bagay. Pareho lang kasi sila ng hilig. Mahilig siyang mag-alaga ng halaman, ganoon din ang hobby ng lalaki.

Ang unang mapapansin sa tatlong palapag na bahay nila ay ang mga iba't ibang uri ng bonsai at bulaklak na nasa harapan. Sa likod ay may maliit din na bakuran, doon naman nila tinatanim ang mga gulay.

Sa totoo lamang ay ayaw ng asawa niya na magtrabaho pa siya, sapagkat kaya naman nitong buhayin silang mag-ina.

May-kaya nga kasi sa buhay si Aries at nagmamay-ari ng Storage Rental Services sa Diliman, Quezon City na inuupahan ng ilang departamento.

Pero pinaliwanag niya sa kabiyak na gusto niyang tumulong kahit sa simpleng paraan. Hindi rin naman nagtagal ay napapayag na rin niya si Aries.

Nagtratrabaho rin siya ngayon bilang part time online ESL teacher sa isang Korean Company sa Mandaluyong. Work from home naman ang trabaho niya at hindi naman nakakasagabal sa oras niya sa pamilya. Heto nga at magkasabay silang tatlo sa almusal.

"It was a shocking incident, a two-month-old baby boy was found abandoned in the MRT Cubao Station here on Monday, eight o'clock in the morning."

Natigilan si Leona sa pagsubo ng pagkain at napatingin sa telebisyon na nasa harap.

"A security guard roaming around the area, found the boy lying on the cold floor beside the vending machine. He immediately informed the authorities---"

"What an indecent woman!"

Napalingon siya sa asawa. Kunot ang noo nito at halatang nairita sa narinig na balita.

"Shameless! Leaving your own child just like that? I hate that kind of woman!"

Namilog ang mga mata niyang nakatitig lamang sa mukha ng asawa. Nabigla siya sa mga salitang namutawi sa bibig nito.

"Anong sinabi mo?!"

Napalingon naman ito nang mapansin ang iritadong tono ng pananalita niya.

"'Di ka dapat nanghuhusga ng gan'yan! 'Di mo naman alam ang pinag-daanan ng babae na 'yan! Grabe ka makapagsalita!"

"Ha?" Lalong nagtaka ang asawa niya. "Ba't parang nagagalit ka? E, totoo naman 'di ba? What kind of mother would abandon her child just like that?"

Napipi siya. Hindi niya alam kung ano ang isasagot. Sa isang bahagi ng utak niya, alam niyang tama ang sinabi nito.

Tumunog ang alarm sa phone ng lalaki. Hudyat na alas-otso na ng umaga. Pinatay nito iyon at tinignan ang oras. "Oh, it's time to take a bath."

Hindi kumibo si Leona at hinayaan niya ang kabiyak na dumiretso sa banyo. Napabuntong-hininga na lamang siya.

Napansin niya si Archie na pinapalipad ang hotdog na hawak sa ere. "Weeeeeee!" Ginawa niya iyong eroplano.

"Archie, don't play with your food!" saway niya. "Bilisan mo na para makapagbihis ka na, baka ma-late ka pa sa klase."

"Sorry mama!" Tumigil naman ito at kumain na lang ulit.

Napabuntong-hininga ulit siya at tahimik na pinagpatuloy ang almusal.

Sa isang iglap ang magandang umaga niya ay nasira.

"I hate that kind of woman."

Iyon ang mga salitang paulit-ulit na nag-e-echo sa isipan niya.

***

Papasok sa trabaho ang kaniyang asawa at ihahatid niya si Archie sa preschool, pagkatapos ay uuwi na siya. Babalik na lang siya nang tanghali sa eskwela para sunduin ito pauwi.

Mamaya pang hapon ang turo niya sa mga batang Koreano na nais matuto ng Ingles, kaya may panahon pa siya para gumawa pa ng gawaing bahay.

Ngunit nang umaga iyon, pagkatapos ng paghatid sa anak, pagka-uwi niya sa bahay ay wala siyang ganang gumawa ng kahit na ano. Nanatili lamang siyang nakaupo sa kawayang silya na naroon sa bakuran.

Hanggang ngayon, naririnig pa rin niya ang sinabi ng kaniyang asawa. Alam naman niya na hindi naman siya ang tinutukoy ni Aries na walang-hiya.

Marahil nasaktan siya dahil alam niya sa sarili niya ang totoo. Ginawa niya kasi ang kinamumuhian ng lalaki.

Sampung taon na ang nakalipas pero sariwa pa rin sa kaniya ang alaala ng gabi na iyon. Paulit-ulit niyang naaalala na tila hindi siya pinapatahimik ng konsensya. Gabi-gabi ay nasasambit niya sa panalangin ang inabandonang sanggol.

"Namumuhi rin ako sa sarili ko, Aries," naibulong niya sa sarili.

***

𝑾𝒆𝒍𝒄𝒐𝒎𝒆 𝑯𝒐𝒎𝒆, 𝑩𝒂𝒃𝒚 𝑨𝒏𝒅𝒓𝒆𝒂Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon