27

93 11 8
                                    

Matulin na lumipas ang panahon. Dumaan ang isang buwan bago sila makakuha ng liham mula sa korte. Sa wakas ay mag-uumpisa na ang hearing sa kaso ni Andrea. Nakahawak at nakatitig pa rin si Leona sa papel na hawak, pagkatapos ay bumaling siya sa bintana. Ang mga patak ng ulan ay nakadikit sa salamin niyon. Malakas ang ingay ng ragasa ng bagyo.

Napabuntong-hininga siya na tumingin sa labas. Makulimlim ang paligid, itim na itim ang kalangitan, at walang tao sa labas na nagtangkang sumalubong sa masamang panahon.

Nadama niya ang presensya ng asawa. Pumaikot ang mga braso nito mula sa kaniyang likod. Mahigpit siyang niyakap at inihilig ang ulo sa buhok niya.

"Naniniwala akong mananalo tayo. Mapapakulong natin sila at mapupunta sa 'tin ang karapatan kay Andrea," bulong ni Aries.

Humarap siya sa kabiyak at nilapat ang pisngi sa dibdib nito. Pinakinggan niya ang mapayapa't matiwasay na tibok ng puso ng lalaki. Pinikit niya ang mga mata. Ilang minuto na nasa ganoong ayos lang sila.

"Nakausap mo na ba ulit si Atty. Rivera o si Jarvis?" Pagkuwa'y tanong niya rito.

"Oo. Nakapag-bail daw ang mag-asawang Soterios."

Tumingala siya at sinalubong ang mga mata ng lalaki.

"Pero huwag kang mag-alala," pagpapakalma ni Aries na hinaplos ang pisngi niya. "Hindi pa sila nakukulong ngayon pero naniniwala akong makakamit din natin ang hustisya."

Tumango siya at nagbigay ng pilit na ngiti.

Naudlot ang paglalambingan nila nang may kumatok sa pinto. Kumalas sa pagkakayakap si Aries at pinagbuksan si Manang Bertina.

"Sir, may isang batang babae po na dumating," sabi agad ng Ginang. "Hinahanap kayo."

"Ano?" Kumunot ang noo niya. Lumapit si Leona sa kanilang dalawa.

"Sino?" tanong din ni Leona.

"Hindi ko po kilala eh. Pero bata pa siya at kahit malakas ang ulan ay pumunta rito."

Nagkatinginan silang mag-asawa. Nagtatanungan ang mga mata kung sino kaya ang batang babae na iyon?

"Baka si Queenie?" hinuha ni Aries.

"Pero paano naman niya nalaman kung sa'n tayo nakatira?" – si Leona.

Walang pagtumpik-tumpik na nagmadali silang bumaba sa unang palapag upang makita kung sino ang dumalaw. Sa bungad ng sala, roon sa pinto, ay may isang batang babae na nakatalikod, mahaba ang buhok, nakasuot ng itim na jacket, at may hawak pang payong.

"Sino ka?" lapit agad ni Leona.

Lumingon ang bata at nagkatinginan silang dalawa.

"G-Good afternoon po," bahagyang yuko nito bilang pagbati.

"Anong kailangan mo ineng? Rumagasa ka pa sa ulan," sabat ni Aries.

"Ano po--"

"Sino ka?" ulit ni Leona sa tanong.

Mukhang kinabahan ang dalagita at napaglaruan muna ng mga daliri ang hawak na payong. Naiilang at hindi makatingin na sumagot siya sa tanong. "A-Ako po ang anak nina Ryman at Livana Soterios. Ako po si Lilibeth..."

***

Pinaupo nila ang kabataan sa sala at binigyan ng mainit na tsokolate saka miryendang makakain. Nanatiling nakatitig sina Leona at Aries sa bata habang magana itong lumalamon. Si Manang Bertina ay bumalik na sa kusina. Kasama nito ang anak nilang si Archie.

Napansin ni Lilibeth ang mga tingin nila kaya bigla itong nahiya at naibaba ang tinapay na isusubo na sana niya.

"P-Pasensya na po," naiilang nitong sabi.

"Anong dahilan bakit ka nandito?" Alam ni Leona sa sarili na dapat hindi niya idamay ang bata sa kasalanan ng magulang nito. Sinubukan niyang maging mahinahon.

"G-Gusto ko pong maki-usap sa inyo. Humihingi po ako ng tawad sa ginawa ng mga magulang ko," mapanglaw na sabi.

"Tawad?" Nagpintig yata ang tainga ni Leona.

"Paki-usap po!"

Nabigla silang dalawa nang biglang lumuhod si Lilibeth sa sahig at sa ganoong posisyon pang lumapit sa kanila. Nakadikit ang mga palad na nagmakaawa ang bata. "Paki-usap po! Patawarin niyo na ang mga magulang ko sa kasalanan nila! Huwag niyo po silang ikulong!"

Ang galit na nadadama ni Leona para sa pamilyang Soterios ay nagliyab. Tumayo siya at nag-aalab na sumagot, "Pinapunta ka ba nila rito para magmakaawa? Nasa'n sila? Bakit hindi sila ang pumunta rito?"

"Misis... H-Hindi po," iling ni Lilibeth, "Ako po... Sarili ko pong pasya ito.." Tinapik niya ang sariling dibdib at naluluha na tumugon. "P-Patawarin n'yo na po sila! Huwag n'yo na po silang ipakulong! Huwag na po kayong sumulpot sa hearing," Akmang kakapit ito sa laylayan ng damit ni Leona.

Naiinis na umiwas si Leona. "Alam mo kung anong ginawa nila kay Andrea 'di ba? Adoptive sibling mo si Andrea 'di ba?"

Hindi sumagot ang batang babae. Mariin na kinuyom ang bibig.

"Sigurado akong alam mo! Sumagot ka!" Lumakas ang boses niya.

"Opo!" naiyak na sagot nito.

"Alam mo kung anong ginawa nila sa anak ko pero wala kang ginawa!"

"Ano pong magagawa ko? B-Bata rin po ako noon!"

"Alam mo kung gaano kahayop ang mga magulang mo pero pinabayaan mo lang!" Hindi na nakokontrol ni Leona ang sinasabi. Sa tono ng pananalita, mukhang sa bata niya binubunton ang sisi.

"Mabait po sila sa akin," sagot ni Lilibeth. Tumutulo na ang luha at sipon nito.

"Sa 'yo lang sila mabait pero tin*rantado nila ang anak ko!" Nanggagalaiti niyang sabi. "At pinabayaan mo iyon! Wala kang kwentang kapatid! Walang kwenta ang pamilya mo. Magsama-sama kayo sa impyerno!"

Sa ganoong punto ay hindi na nakapagtimpi si Aries. Tumayo siya at pinakalma ang asawa. "Leona, bata lang 'yan..."

"Paki-usap po!" Kumapit ang batang babae sa damit ni Leona. "Kung ipapakulong n'yo po sila, mapupunta po ako sa Social Welfare o sa ampunan! Maaaring hindi ko na makita ang mama ko... ang papa ko... ang mga magulang ko..."

"Anong paki-alam ko?!" nasambit ni Leona dahil sa galit.

Samantalang si Aries ay nadapuan ng awa para kay Lilibeth. Alam niya kung gaano kahirap ang buhay sa ampunan.

"Alang-alang po sa 'kin patawarin n'yo na lang po sila!" Biglang yumakap si Lilibeth sa baywang ni Leona.

"Ano ba? Huwag mo kong hawakan!" Nanggigigil na taboy niya at tulak sa bata. Nasubsob sa sahig ang huli. "Kahit anong gawin n'yo, itutuloy ko ang kaso. Umalis ka na!"

"Lilibeth..." Lumapit si Aries sa bata at tinulungan na tumayo.

"Umalis ka na sabi!" ulit ni Leona.

Tigmak ang luha na lumingon lang sa kaniya si Lilibeth.

"Sige na, Lilibeth. Umuwi ka na sa inyo," sabi naman ni Aries na hinawakan ang braso nito at inihatid sa pinto ng sala.

Matalim pa rin ang mga sulyap ni Leona na sinundan sila ng tingin. Nag-iwan ng huling lingon sa kaniya si Lilibeth bago ito lumabas nang tuluyan sa bahay. Nang mawala ang paslit, nagdadabog ang mga paa na umakyat muli si Leona sa sariling kwarto.

***

𝑾𝒆𝒍𝒄𝒐𝒎𝒆 𝑯𝒐𝒎𝒆, 𝑩𝒂𝒃𝒚 𝑨𝒏𝒅𝒓𝒆𝒂Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon