"Above all,
keep loving one another earnestly,
since love covers a multitude of sins."
-- 1 Peter 4:8 ESV***
Kanina ay parang may gera sa loob ng bahay nila dahil sa nakakabingi nilang pagtatalo. Ngunit ngayon ay lumipas na ang ingay, kapwa na silang mahinahon habang nakatambay sa terrace.
Tahimik lang si Aries na nakinig sa k'wento ng asawa. Hindi niya alam kung anong sasabihin. Nanatili na lamang siyang nakatunghay sa veranda at nakatitig sa mga street lights na tanaw sa 'di kalayuan. Sa paningin niya'y nagbibigay ganda iyon sa dilim ng gabi. (*)Pero dahil din sa mga ilaw na iyon kaya natatakpan ang mga bituin sa langit. Naroon din ang kalahating mukha ng buwan, nakasilip sa gitna ng mga ulap.
Katabi niya ang asawa na nakatitig sa tanawin ngunit ang diwa ay nakatuon sa nakaraan. Wala nang bahid ng luha sa kanilang mga mata ngunit puno pa rin ng pasakit ang itsura nila.
Pinagtapat din sa kaniya ni Leona ang totoo, ang nakaraan nito na itinago sa kaniya nang limang taon.
Ito naman talaga ang gusto niya 'di ba? Ang maging matapat sa kaniya ang asawa? Iyon nga lamang, hindi naman gumaan ang loob niya. Sa halip, nadagdagan pa nga. Wala nga itong kalaguyo ngunit may anak naman sa labas.
Malalim siyang napabuntong-hininga.
"Aries, 'yon ang totoo."
Hindi niya ito nililingon. Ayaw na niyang makita pa ng babae ang dalamhati sa mga mata niya. "Ba't ngayon mo lang sinabi sa 'kin? Bakit no'ng girlfriend pa lang kita, hindi mo sinabi?"
"Kapag nalaman mo ba 'yon nang ganoong kaaga, pakakasalan mo pa ba ako?"
"Oo," may diin na sagot niya at lumingon dito.
Hindi naman nakapagsalita si Leona. Nabigla ito sa pinagtapat niya.
"Masakit nang malaman ko ang nakaraan mo pero tingin mo ba magbabago ang nararamdaman ko sa 'yo? Gano'n ba kadali na magbabago 'yon?"
Nagbaba ito ng paningin at nagpatuloy siya sa pagsasalita. "Masama pa rin ang loob ko... sa pagtatago mo, sa pagsisinungaling mo, at sa perang ginastos mo."
"Aries, intindihin mo naman ako."
"Ikaw ba? Iniintindi mo ko?"
Wala itong sinagot. Humarap siya sa babae at tuwirang nagtanong. "Kung ako ang may anak sa labas at nalaman mo ngayon, ano kaya ang mararamdaman mo?"
Alam ni Leona ang sagot pero hindi siya nagsalita. Sino ba ang matutuwa kapag biglaang malaman na ang ka-partner niya ay may anak pala sa iba?
"I understand you, Leona. You want to see your kid, you want to apologize, and you want to fix the mistakes you did. Hindi kita pipigilan na gawin iyon. Hahayaan kita dahil una sa lahat, anak mo rin 'yon."
Hindi niya maintindihan kung bakit parang nanlalambot siya habang pinapaliwanag iyon kay Leona. Hindi naman nagsasalita ang babae kaya pinagpatuloy na lang niya ang pagbuhos ng sama ng loob.
"Ipagkakait ko ba 'yon sa bata? May karapatan si Andrea na makilala ka at may karapatan ka rin na makita siya. Tingin mo, tututol ako ro'n?"
"I'm sorry..." Iyon lang ang kaya nitong sabihin.
"Ilang beses mong sinabi sa 'kin na magtiwala ako sa 'yo pero hindi ka rin pala nagtitiwala sa 'kin. Tinago mo sa 'kin ang tungkol kay Lloyd at kay Baby Andrea dahil wala kang tiwala."
"Hindi sa gano'n!" tutol nito.
"E, bakit 'di mo sinabi agad?"
S'yempre wala na naman itong masagot sa tanong niya. Dumaan ang mga segundo ng nakakailang na katahimikan. Bumalik ang tingin niya sa labas ng veranda.
BINABASA MO ANG
𝑾𝒆𝒍𝒄𝒐𝒎𝒆 𝑯𝒐𝒎𝒆, 𝑩𝒂𝒃𝒚 𝑨𝒏𝒅𝒓𝒆𝒂
SpiritualLabing-pitong taong gulang siya nang maagang nabuntis. Dahil sa hirap ng kaniyang buhay, napagtanto niya na hindi pa siya handang maging isang ina. Wala siyang ibang pagpipilian kundi ibigay si Baby Andrea sa mga taong alam niyang magbibigay rito ng...