"Bakit? May pupuntahan ka na naman ba, ha?"
Napalingon silang lahat kay Aries, halata ang pagka-irita sa boses nito. Halos magsalubong ang mga kilay ng lalaki habang nakatitig sa asawa.
Nabigla si Leona pero alam niyang masama pa rin ang loob ni Aries dahil nahuli siyang nagsisinungaling kagabi.
"Oo, mahal... P-Pinatawag lang ako sa opisina ngayon, meeting para sa--- "
"Trabaho ba talaga o isa na naman sa palusot mo?!" putol nito sa sasabihin niya.
Nakaramdam si Manang Bertina ng pagkailang. Papalit-palit ang tingin niya sa dalawa. Naninibago siya dahil ngayon lang niya nakita ang ganitong tensyon sa pagitan nila.
"Ga'no ba kahalaga 'yan at uunahin mo pa 'yan kaysa sa anak mo?" dugtong pa ni Aries.
Napatingin si Manang Bertina sa batang nakahawak sa laylayan ng damit niya.
Napabuntong-hininga si Bertina. Hindi dapat masubaybayan ng bata ang ganitong mga eksena. "Halika, Archie, punta muna tayo sa itaas. Ihahanda natin uniform mo sa school." Kinalong niya ang bata.
"Excuse me lang po, mga ma'am at sir," paalam ni Bertina na dire-diretsong umakyat ng hagdan bitbit si Archie.
Napatingin silang mag-asawa sa katulong. Nakadama sila ng konsensya nang makita ang mga mata ng anak na nakatingin sa kanila.
Hinintay muna ni Leona na mawala ang dalawa bago bumaling sa lalaki. "Hindi ka dapat gan'yan magsalita kapag nand'yan si Archie. Mali 'yang ginagawa mo, Aries."
"Ako pa ngayon ang binabaliktad mong mali?" sagot nito. "Kung sana 'di ka gumagawa ng kabalbalan d'yan 'di sana ako magsasalita ng ganito. Sa'n ka ba talaga pupunta ha?"
"Sinabi ko na sa trabaho!" Sinubukan niyang hindi magpasindak sa galit ng asawa.
"Tingin mo, maniniwala pa ako sa sinasabi mo!" Sa ganitong punto, inurong ni Aries ang mesa at tumayo siya mula sa dining chair. Naglakad siya palapit sa kaniya. "I caught you lying, Leona! Do you really think, I can trust you now?!" Dinuro pa siya nito sa mukha.
"Sino ang kausap mo kanina sa phone? Ano ang dahilan ng pag-alis-alis mo sa bahay, ha? May kinakalantare ka na bang iba?!" diretso sa punto na tanong nito.
"Wala ka na bang tiwala sa akin?" Nasaktan siya dahil nagbibintang ang asawa na may kalaguyo siya. "Para sa'n pang naging mag-asawa tayo kung 'di mo ko pinagkakatiwalaan?!"
"Ikaw ang gumagawa ng dahilan kaya hindi na ako nagtitiwala! Kung sinasabi mo ang totoo, 'di sana ako magkakaganito!"
"Pero sinasabi ko ang totoo! Maniwala ka Aries, wala akong iba!"
"Eh sa'n ka nagpupunta?!"
Natameme siya. Hindi pa niya kayang sabihin ang totoo.
Madali lang bang ipagtapat ang nakaraan niya? Matatanggap pa ba siya ni Aries kapag nalaman 'yon lahat? Paano kung iwan siya nito? Paano si Archie?
Ang kawalan niya ng sagot ang lalong nagpabigat sa damdamin ni Aries. Iritadong napabuntong-hininga ito at ginulo ang buhok sa ulo.
"I'm so f-frustrated, Leona..." pumiyok pa nitong sabi.
Napatingin siya sa mukha ng asawa na ngayo'y hindi na nagagalit ngunit namumula ang mga mata sa kakapigil sa mga luhang nais kumawala. Ang galit at pangigigil nito kanina ay napalitan ng labis na pighati. Nasaktan din siya. Kapag nasasaktan si Aries ay nasasaktan din s'ya.
Umupo ulit ito sa dining chair, nakasapo ang mga kamay sa ulo.
Lumuhod siya sa gilid ng asawa. Namumuo na rin ang mga luha niya sa mata. "Aries, maniwala ka naman. Mahal na mahal kita, wala akong ibang lalaki."
"Umalis ka na." Iyon lang ang malamig na tugon nito. Hindi man lang siya nilingon.
"Kahit kailan 'di kita niloko. Kahit no'ng mag-boyfriend-girlfriend pa lang tayo. Alam mo 'yan, Aries. Alam mong ikaw lang ang minahal ko nang sobra. Magtiwala ka naman sa 'kin oh!"
"Leave me alone!" Dahil sa bigat ng loob kaya nagawa nitong sipain ang isang upuan sa gilid. Natumba agad iyon dahil sa pagdadabog nito. Nagulat si Leona. Napatayo siya sa takot.
"Baka may magawa pa kong 'di maganda sa'yo! Umalis ka na sabi!"
Sa ganoong punto, wala na siyang ibang magagawa kundi ang iwan muna ang lalaki at hayaan na mag-isip nang mag-isa.
Tumutulo ang mga luha niya, habang nagmamadali at malalaki ang mga hakbang na naglakad palabas ng bahay, patungo sa garahe.
Hindi niya makakausap nang maayos si Aries ngayon. Masakit man pero kailangan muna niyang bigyan ng oras ang asawa para kumalma muna.
***
Nasa loob siya ng kotse. Naka-upo siya sa driver's seat at inaayos muna ang itsura ng mukha niya sa harapang salamin na nasa itaas. Pinawi niya ang mga luhang dumaloy sa mga mata.
Kinuha niya ang phone sa bulsa at muling binasa ang text message sa kaniya ni Inspector Giordani.
May traces na siyang nakuha tungkol kay Andrea at sinabi nitong pumunta siya agad sa Lupang Pangako Covered Court ngayong umaga dahil baka hindi nila maabutan ang lalaking nangangalang Erwin Mortero.
Nahirapan talaga si Inspector Giordani dahil wala silang espisipikong impormasyon kay Baby Andrea. Panay ang pagdadasal ni Leona nang mga nakaraang araw at salamat sa Diyos, may nakita na silang lead.
Naisip ng imbestigador na kung wala roon sa Parkwood Hills Subdivision ay maaaring may dumampot sa sanggol at dinala ito sa susunod na baranggay. Kaya matapos maghagilap ng impormasyon at mag-interview ng mga tao sa Parkwood Hills, dumiretso na siya sa katabing pamayanan.
Hindi naging madali ngunit salamat sa mga Marites dahil sila ang tumulong sa kaso. Isang patunay na may silbi rin ang mga Marites sa mundo. Nagturo nang nagturo ang mga ito hanggang sa maturo ang isang lalaki na umamin na may nakuhang bata dati.
Sinabi ni Mr. Mortero na Baby Andrea nga ang pangalan ng sanggol. Kung kailan niya ito nadampot, tumugma sa petsa kung kailan inabandona ang bata.
Wala na dapat sayangin na pagkakataon. Uunahin niya ngayon ang anak. Kailangang maghintay ni Aries.
***
BINABASA MO ANG
𝑾𝒆𝒍𝒄𝒐𝒎𝒆 𝑯𝒐𝒎𝒆, 𝑩𝒂𝒃𝒚 𝑨𝒏𝒅𝒓𝒆𝒂
SpiritualLabing-pitong taong gulang siya nang maagang nabuntis. Dahil sa hirap ng kaniyang buhay, napagtanto niya na hindi pa siya handang maging isang ina. Wala siyang ibang pagpipilian kundi ibigay si Baby Andrea sa mga taong alam niyang magbibigay rito ng...