"Wala tayong magagawa kundi hanapin ang Al-Saud Family." Nilingon siya ni Inspector Giordani sa likod ngunit wala pa rin siyang imik dito.
Pagkatapos nilang makuha ang information ng susunod na pamilya, umalis na sila sa pook at kasalukuyang naglalakad patungo sa parking lot. Papauwi na silang dalawa.
Binilin ni Giordani na tatawagan muna niya ang arabong pamilya bago sila magpatuloy sa Tandang Sora. Kailangan daw munang makasigurado kung sila nga ang kumupkop kay Andrea.
Naiinis pa rin siya kapag naiisip niyang binenta ang anak niya. Gusto niyang magreklamo, magwala o magkaso pero may karapatan ba siyang gawin iyon?
"In the first place, I'm the one who abandoned her," iyon ang nasa isip niya at malalim na napabuntong-hininga.
Sinulyapan siya ni Giordani. "Gusto mo bang kumain muna? Nag-almusal ka na ba?"
"Ha?" Napanganga siya nang marinig ang sinabi nito. "H-hindi pa nga eh." Paano naman siya makakain ng almusal? E, galit at selos ng asawa niya ang natikman niya kanina.
"Dumaan muna tayo sa convenience store. Nagugutom na ako eh," yaya ng Inspector.
"Sige," tango niya. Pumayag na lang siya dahil nagugutom na rin siya.
Pumasok silang dalawa sa loob ng Seven Eleven. Umaga pa lang naman at kaunti lang ang tao sa loob. Dumiretso siya sa refrigerator ng store para pumili at kumuha ng maiinom.
Kukuha sana siya ng isang bote ng mineral water, ngunit natigilan siya sa pagkilos. Nakita niya sa gilid ng mata ang isang lalaki na pamilyar sa kaniya. Nilingon niya ito. Nagtama ang mga mata nilang dalawa at nakilala agad ang isa't isa.
Pakiwari niya'y tumigil ang takbo ng oras at bumalik ang panahon sa nakaraan. Ilang segundong na-estatwa silang pareho sa kinatatayuan at hindi alam kung anong gagawin o sasabihin.
Hawak ng lalaki sa kanang kamay ang isang bote ng Red Horse na sa tingin niya'y kinuha sa loob ng refrigerator. Nakasuot ito ng itim na jacket, maluwag na t-shirt at shorts. Bakbak na ang robber shoes nito sa paa. Makapal at mahaba na rin ang balbas sa baba at buhok nitong umabot na sa leeg. Mukha siyang dukha ngunit makakakitaan pa rin ng kagwapuhan.
"Lloyd..." Naibulong niya ang pangalan nito.
"Let's go," tumawag si Giordani mula sa likod niya kaya napalingon siya rito. Mukhang nakapili na ang Inspector ng bibilhin dahil may dala na itong dalawang hotdog sandwich.
Nang makita naman ni Lloyd na may kasama siya, tumalikod na lang ang lalaki at dumiretso sa counter para bayaran ang kinuha nitong alak.
Sinundan niya ng tingin ang ex-boyfriend na mismong ama ni Andrea. Hindi sila nag-usap. Nagkatinginan lang sila. Sayang, kung may pagkakataon sana...
Sa totoo lang ay marami siyang gustong isumbat sa lalaki. Sa tingin niya, gusto rin magtanong nito pero nahiya dahil may kasama siyang iba.
Pinaglalaruan siya ng tadhana. Nagkita muli sila ng lalaking nagtakwil sa kaniya sa hindi inaasahang pagkakataon at lugar.
***
Samantala, bago dumiretso sa trabaho si Aries, naisipan muna niyang dumaan sa banko para i-check ang joint account nilang mag-asawa.
Sa totoo lang ay parang pinipiga ang puso niya kapag naaalala ang pag-aaway nila kanina.
Hindi rin siya kumain, nawalan na siya ng ganang mag-almusal. Umabot na ng alas-otso ng umaga na nakatunganga siya sa mesa, bago niya maisipang pumunta sa trabaho.
Inihinto muna niya ang sariling sasakyan sa parking lot, sa harap ng banko. Pumasok siya sa gusali at dumiretso sa counter para magtanong sa bank teller.
"Miss, I just want to confirm the transactions of our joint account," tila nagmamadali niyang sabi sa babaeng nandoon. Nag-abot siya ng card sa desk. Kinuha naman iyon ng babae at tinitigan.
"But Sir Castillo, we link every transaction to your email po."
"I know and I did receive the notifications but I just want to make sure..."
"I'll confirm po, just wait a second."
Umalis muna ang nasa counter at lumipat ng ibang computer station. Naiwan siyang naguguluhan habang naghihintay. Ilang minuto pang paghihintay at bumalik muli ito.
"Sir, the transaction authenticate that your wife, Mrs. Leona Castillo withdraw 50,000 pesos in your joint account yesterday po, 5:00 pm to be exact. It's legit po. We have her withdrawal slip. Do you have other issues, sir?"
"No. No... Thank you," iling niya at matamlay na umalis na sa loob ng banko.
Bumalik siya sa parking lot at sumakay ulit sa kotse.
Sa loob ng sasakyan, nakaupo siya sa driver's seat at nakahawak sa manibela. Hindi muna siya umalis doon. Nag-isip muna siya nang malalim. Saan dinadala ni Leona ang pera nilang mag-asawa? Fifty thousand ang kinuha nito sa ipon nila nang walang paalam sa kaniya.
Nasubsob niya ang mukha sa manibela at napukpok ang kamao roon dahil sa inis. Sobrang sama ng loob niya sa ginagawang panggagantso ng asawa.
Ang pera nila sa joint account ay nilalaan nila para sa kinabukasan, kung sakali man na may mangyaring hindi inaasahan sa pamilya ay may makukuhanan sila ng pera. Para rin iyon sa anak nilang si Archie.
Ang isipin na ginagastos ng asawa niya ang salapi na para sa anak nila at ibinibigay iyon sa ibang lalaki ay naninikip ang dibdib niya sa galit.
Pero inaamin niya na mahal pa rin niya ang asawa, naglalaban ang pagmamahal at galit niya para sa babae. Mababaliw na siya sa halo-halong emosyon.
***
BINABASA MO ANG
𝑾𝒆𝒍𝒄𝒐𝒎𝒆 𝑯𝒐𝒎𝒆, 𝑩𝒂𝒃𝒚 𝑨𝒏𝒅𝒓𝒆𝒂
SpiritualLabing-pitong taong gulang siya nang maagang nabuntis. Dahil sa hirap ng kaniyang buhay, napagtanto niya na hindi pa siya handang maging isang ina. Wala siyang ibang pagpipilian kundi ibigay si Baby Andrea sa mga taong alam niyang magbibigay rito ng...