21

122 13 10
                                    

Isang linggo ang dumaan at hindi naging madali ang misyon ni Giordani. Sa pagkuha pa lang ng permit, nahirapan na siya. Hinanapan pa kasi siya ng death certificate at kinailangan niyang gumamit ng gatong at kapit sa mga kakilalang matataas. Kumbaga, humingi na siya ng pabor sa ama niyang hurado sa korte at tito niyang konsehal.

Tagumpay na nakakuha siya ng permiso ngunit.... abuse of authority ba ang tawag doon? Hindi naman siguro masama ang ginawa nila, para naman ito sa hustisya. Kailangan niyang gawin ito alang-alang kay Leona at sa kawawang anak ng babae.

Pumunta siya sa Heaven's Peace Memorial Garden nang umagang iyon. Naabutan niya ang sepulturerong si Mang Elias, at ang mga lokal na opisyal na nandoon. Nakasuot silang lahat ng facemask at gloves bilang proteksyon sa dumi o kung ano mang sakit na maaari nilang mapulot sa paghuhukay.

Nagningning sa awa ang mga mata ni Giordani nang makita ang nakaukit sa puntod ni Andrea. Pangalan lang nito ang nakalagay sa lapida, walang apelyido, walang identity, at petsa ng kaarawan. Mukhang hindi pinaggastusan nang maigi at inayos ang pagpapalibing sa bata.

Napakislot siya nang may tumapik sa balikat niya. Napalingon siya at nakita si Aries. Nandito na rin pala ang lalaki.

"You did it." Ngiti nito sa kaniya.

"I told you right? Ayaw mo pang maniwala na mapapahukay ko iyan, eh. Iyong usapan natin ah, dodoblehin mo 'yong bayad," pang-aasar niya.

"Bakit kay Leona, ang mura ng singil mo, pagdating sa 'kin kailangan ay doble?" panunudyo rin nito.

"Syempre, ikaw ba ang crush ko?"

"Tulak kaya kita d'yan sa hukay?"

Natawa na lang si Giordani sa friendly banter nilang dalawa."Si Leona, kamusta na?"

Napabuntong-hininga si Aries, "Hindi pa rin siya okay, pare. Hindi niya matanggap ang nangyari."

"Oh," nasambit na lang ni Giordani at napailing. Pinagkrus niya ang mga braso. "Nagpunta nga pala ako sa Palaina Family para makausap sina Baron at Reina, pati na rin ang mga anak nila."

"Anong nangyari?" usisa ni Aries.

"Ayaw nila akong kausapin, 'tol," dismayadong sabi ni Giordani.

"Ha? Bakit daw?"

"Sa tingin ko, may kinakatakutan iyong pamilya."

Masinsinan silang nag-uusap habang naghuhukay ang mga tao roon. Naudlot ang kanilang ginagawa nang may biglang umeksena.

"Bawal 'yan ah! Tigilan niyo 'yan!" Isang malakas na sigaw ng babae ang narinig nila at kapwa silang napalingon. Natigilan din ang mga naghuhukay at napatingin sa paparating na ale.

Magulo ang buhok ng babae at hindi naitali nang maayos sa likod. Gusot-gusot din ang t-shirt nitong suot. Namukhaan ni Aries ang ale. Siya ang unang pinuntahan nila ni Leona.

"Hala! Si Livana." Napatayo si Mang Elias sa pagkakaupo sa lupa. Halos manginig ang kamay niyang nakahawak sa pala. Nararamdaman niyang may gulong magaganap.

"Livana?" ulit ni Giordani at napatingin sa sepulturero.

"Siya nga iyon, Jarvis. Ang adoptive mother ni Andrea," sang-ayon ni Aries.

"Bawal 'yan ah! Wala kayong permiso na gawin 'yan! Anak namin ang hinuhukay niyo!" pagtatalak nito nang makapadpad sa harap nina Aries at Giordani.

"May permiso kami! Iyan oh, isaksak mo sa baga mo." Iritadong binuksan ng Inspector ang papel at tinapat sa pagmumukha ng palengkera. Napatingin naman ang ale roon.

"Peke iyan! Hindi p'wedeng maghukay ng walang permiso sa kamag-anak!" pakikipagtalo pa rin nito.

"Pinayagan kami ng Local Health Officer, may permiso kami sa korte, at sa may-ari ng sementeryo!" Hindi naman magpapatalo ang imbestigador sa prinsipyo niya.

"Bakit n'yo ba pinapahukay iyan?!" sita pa rin nito.

"Ipapa-autopsy namin ang bata para ipakulong ka!" Nabuysit na rin si Aries at nanduduro na sumabat siya.

Nagulantang naman ang ale sa sumabog na balita. Hindi agad ito nakaimik, sinamantala naman iyon ng isang opisyales para paalisin siya.

"Ma'am huwag na po kayong manggulo rito. Hindi naman labag sa batas itong ginagawa nila dahil may hawak silang papel," awat nito na pilit hinihila ang babae paalis.

"Kayo ang pakukulong ko! Bawal 'yang ginagawa niyo! Wala kayong permiso sa kamag-anak pero hinuhukay niyo ang bangkay!" pagtatalak pa rin nito at pagduduro kila Giordani.

"Ma'am tama na!" May isa pang tao ang umawat sa bungangera.

"Pakukulong ko kayo! Humanda kayo sa asawa ko!" sigaw pa rin niyon habang kinakaladkad na siya ng dalawang lalaki paalis sa sementeryo.

Wala rin naman nagawa ang babae dahil dalawa na ang humihila sa kaniya. Iritadong binawi niya ang mga brasong hinahawakan nila at nag-iwan siya ng masamang tingin bago nagdesisyon na umalis.

"Disgusting," naibulong ni Aries na may panggigigil. Hindi ang bangkay na hinukay ang tinutukoy niya kundi ang ugali ni Livana. Nakatingin pa rin siya sa papalayong babae.

Tinapik-tapik ni Giordani ang balikat niya bilang pagpapahinahon sa puso niya.

Bumaling ang Inspector sa sepulturero. "Mang Elias, kilala niyo si Livana at ang asawa niyang si Ryman?"

Tumango naman ang matanda. "Malapit lang ang bahay ko sa kanila. Maangas ang mag-asawa na iyan. Sa totoo nga lang siga-sigaan sa lugar ang asawa niyang pulis. Itong batang hinuhukay, kilala ko rin iyan. Nakikita ko 'yan madalas kasama ang mga anak ni Reina."

Nagkatinginan sina Aries at Giordani. Isa lang ang nasa isip nilang dalawa, maaaring maging isang witness sa korte ang sepulturerong ito dahil kilala niya ang mga sangkot sa kwento.

"May isang anak na babae pa sila. Anak iyon ni Livana sa unang asawa niya. Pero hindi pala-labas ang batang iyon. Labing-dalawang taon na siya ngayon," dugtong pa ng matanda.

"May adoptive sibling si Andrea?" tanong ni Aries. "Eh kung may anak pala sila, bakit pa sila nag-ampon?"

"Ay hindi niyo ba alam ang mga proseso sa foster's home at orphanage?"

Nagtaka naman silang dalawa, kapwa kumunot ang noo, at hinintay ang sasabihin pa ng matanda.

"May tinatawag tayong *Guardianship Assistance Program. May adoption subsidies at monthly financial assistance sa mga adoptive parents para pagtulong sa mga inampon nilang bata. Pera-pera lang po 'yan mga mister," paliwanag nito sa kanila.

"Pera lang pala ang dahilan!" Lumakas ang boses ni Aries. Naikuyom niya ang mga palad dahil sa galit na namuo sa kaniyang dibdib.

***

𝑾𝒆𝒍𝒄𝒐𝒎𝒆 𝑯𝒐𝒎𝒆, 𝑩𝒂𝒃𝒚 𝑨𝒏𝒅𝒓𝒆𝒂Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon