12

151 20 2
                                    

Unti-unting lumaki ang ngiti sa mukha ni Inspector Giordani habang naghihintay sa labas ng pasilidad ng Angel's League Charity for the Children, ang orphanage na tinuro ni Mirriam Al-Saud.

Nakatambay siya sa parking lot. Nakasandal siya sa pinto ng kotse, naka-krus ang mga braso at lumilipad ang isipan. Hindi niya alam kung bakit ngunit napapangiti siya kapag naaalala ang mga ngiti ni Leona. Sa lumipas na mga araw, inaamin niya na napalapit na nga sila sa isa't isa. Mabait ang babae. Maganda pa at elegante. Ito ang mga tipo niya.

Crush nga ba ang tawag doon? Parang ang tanda na niya para magka-crush pa. Ngunit kung crush lang naman, okay lang naman siguro hindi ba? Hanggang doon lang naman.

Ilang saglit pang paghihintay, dumating na rin ang kotse ni Leona. Huminto ito at nag-park malapit sa kinatatayuan niya.

Nakita niyang lumabas na ang magandang dilag mula sa kotse. Nagkatinginan sila at binigyan siya nito ng matamis na ngiti bilang pagbati.

Kay ganda talaga... Hindi niya maiwasan na ibalik ang ngiti nito. Hindi niya rin mapigilan ang mabilis na tibok ng puso dahil sa kasabikan. Magkasama na naman sila ngayong araw... buong araw.

Ngunit napatingin siya sa lalaking lumabas mula sa loob ng kotse ni Leona. Napawi agad ang abot-tainga niyang ngiti nang makita ang taong iyon. Sino iyong lalaki na kasama ni Leona sa kotse? Sinipat niya ito. Mas matangkad ito kumpara sa kaniya. Matikas at lalaking-lalaki kung kumilos. Maayos at disente kung manamit. Gwapo rin ngunit mas gwapo pa rin siya.

Nagtama ang mga mata nilang dalawa. Hindi niya alam kung bakit pero bigla siyang nailang.

"Ah, Jarvis... siya ang asawa ko, si Aries," pakilala ni Leona na tinuro ang katabi.

Gumuho ang pantasya sa utak ni Giordani. Tila may batong nahulog sa langit at natamaan siya sa ulo, nagising siya sa reyalidad. Okay lang naman magkagusto ngunit may hangganan iyon, lalo na kung may nagmamay-ari na sa taong gusto mo.

Naisip niya bigla ang propesyon niya. Naalala niya na hindi siya naging isang detective para mangupit ng babae ng iba.

Napatingin siya sa kamay ni Aries na nakalahad sa harap niya. Nakikipagkamay ito pero ang pakiramdam niya ay gusto rin nitong manapak.

Nakakailang man, tinanggap niya ang palad. Tumitig din siya sa mga mata nito. Nakipaglaban siya ng titigan.

---Lumayo ka sa asawa ko.

---Hindi ako ganoon kababa. Huwag mo kong pagbintangan.

Parang ganoon ang usapan ng mga isip nila, kung sakali man na marunong sila ng telepathy.

Palipat-lipat naman ang tingin ni Leona sa dalawang lalaki. Napansin niya na humihigpit yata ang hand-shake ng dalawa at kung magkatinginan ay parang magsasabong. Nararamdaman niya ang mabigat na tensyon sa pagitan nila.

"Pumasok na tayo sa loob," awat niya sa dalawa.

Napabitaw naman ang mga ito pero masama pa rin ang mga tingin. Napapailing na lang si Leona na nauna nang umalis. Wala siyang oras para sa ganito, kailangan niyang makita ang anak niya.

***

Dalawang palapag lamang ang bahay-ampunan ngunit malaki at malapad. Sa unang tingin, aakalain mo siyang public school. Sa harap ng building ay may nakasulat sa malalaki at asul na titik, Angel's League Charity for the Children.

Nasa bungad pa lamang sila ng entrance, sinalubong na agad sila ng isang babae. Nakasuot siya ng puting t-shirt na may social worker logo, jean pants at itim na doll shoes. Nakapuson ang buhok nito.

𝑾𝒆𝒍𝒄𝒐𝒎𝒆 𝑯𝒐𝒎𝒆, 𝑩𝒂𝒃𝒚 𝑨𝒏𝒅𝒓𝒆𝒂Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon