CHAPTER 5

543 57 0
                                        



CHAPTER 5

Tahimik ang buong kabahayan nang bumaba ako. Kapag ganitong kaaga ay wala ng tao sa bahay. Marahil ay mga nasa trabaho sila Helina. Bigla tuloy akong nahiya sa sarili ko. Hindi nila ako kaano-ano pero pinatuloy nila ako at pinakain, tapos ay wala man lang akong ginagawa para makatulong sa kanila.

Mukhang kailangan ko ng magbanat ng buto. Kahit naninibago ako sa bagong mundo na ito ay kailangan ko pa ring magbanat ng buto. Hindi ako pinalaking tamad ng mga magulang ko. Siguro ay tutulong nalang muna ako kila Helina. Sa isang linggo ko kasing pamamalagi dito ay napag-alaman kong may maliit na kainan sila Helina sa bayan. Pinamamahalaan iyon ng ama niya at siya naman ay tumutulong sa mga tauhan.

Siguro ay tutulong nalang din muna ako habang hindi pa ako nakakahanap ng trabaho. Kailangan ko na din kasing humanap ng matutuluyan. Hindi naman pwedeng dumito nalang ako sa kanila. Baka mamaya ay mahalata pa nilang hindi ako taga dito.

"Gising ka na pala."

Napasinghap ako sa gulat pagkarinig noon. Napahigpit din ang kapit ko sa handrail ng kahit na hagdan sa takot na dumausdos. Mula sa paanan ng hagdan ay nakita kong nakatayo si Helina sa may pinto ng kusina habang kipkip sa kanan ang basket ng mga damit na marahil ay kinuha nya sa sampayan.

"Naku! Pasensya na, nagulat ba kita?" Atubiling sabi nito saka ako nilapitan.

"Okay lang. Akala ko ay nasa bayan ka na."

"Kinuha ko lang itong sampay. Baka kasi mamaya ay bigla nalang umulan. Papunta na rin ako don, gusto mo bang sumama?" Anito saka ibinaba ang basket sa sala.

Dahil sa nakapagitna ang hagdan sa munting sala ng mga ito at kusina kaya mula doon ay kitang-kita ang buong kabahayan. Pawang gawa lang sa kahoy ang buong bahay at karamihan rin sa kasangkapan ay kahoy. Ang tanging bato lang yata na nakita ko doon ay iyong fireplace.

Halos mapanganga pa nga ako noong una kong makita iyon. Iyon kasi ang unang beses kong makakita noon. Wala kasing chimney sa dati kong mundo dahil na rin sa nasa tropical country kami. Hindi umuulan ng snow kaya walang dahilan para maglagay ng chimney sa bahay.Takang-taka pa nga sa akin noon si Helina ng makita nya iyong inakto ko. Lahat naman daw kasi sa buong kaharian ay may ganoon.

"Sige," sagot ko dito.

Saglit pa itong nagpabalik-balik sa kusina bago ako muling balingan.

"Tara na?" Tanong nito. Tumango naman ako. Dumampot ito ng sumbrero na nakasabit sa dingding saka iyon isinuklob sa akin. Para akong bata na inayos pa ang lukot sa damit bago ito nakampanteng lumabas. Sumunod nalang naman ako dito.

Nakasunod at nakamasid lang ako kay Helina habang naglalakad kami papuntang bayan. Hindi ko alam kung malayo ba iyon o malapit. Hindi ko na sinubukang magtanong. Nanatili lang akong tahimik habang pinagmamasdan sya ng palihim. Hanga kasi ako sa pagiging mahinhin ni Helina. Nakasuot siya ng simpleng gown na puffed sleeve. Kulay beige iyon na bagay na bagay sa maputing kutis nito. Lalo tuloy tumingkad ang kagandahan niya. Nakasukbit ang isang maliit at bilog na rattang basket sa may braso at may suot din siyang sumbrero na katulad ng sa akin. Na kung tutuusin ay karaniwan nalang makikita sa mga pictures ng victorian era.

Kasing taas ko lang si Helina. Mahaba ang brown nyang buhok na halos umabot na sa bewang nya. Maliit ang mukha nito na hugis puso. Manipis ang mapulang labi, matangos ang ilong at maganda ang brown nitong mata na tila ba ibinagay sa kulay ng buhok nya. Hindi na ako magtataka kung bakit naglilingunan ang mga kalalakihang nadadaanan namin.

Inilibot ko ang tingin sa paligid. Lahat ng mga babaeng nakakasalubong namin ay nakasuot din ng katulad ng kay Helina. Kunsabagay ay ganoon din ang suot ko ngayon nagkaiba nga lang sa kulay dahil ang akin ay dilaw.

"YES, YOUR HIGHNESS!"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon