“Huwag kayong aalis dito!” matigas na utos nito bago mabilis na sumunod sa kawal na tumawag dito.
Halos mabingi ako sa lakas ng kalabog ng dibdib ko. Hindi ko maiwasang hindi maisip kung ano ang maaaring maging kahinatnan namin kung sakaling hindi matatalo ng mga sundalo ang mga bandidong iyon. Gusto ko sanang magpakita ng kahinaan at takot pero sa tuwing lilingunin ko si Erina na siyang nakakapit sa akin ng mahigpit ay hindi ko magawa. Pakiramdam ko ay sa akin ito humuhugot ng lakas ng loob kaya’t kung makikita niya akong nanginginig din sa takot katulad niya ay siguradong lalo lang itong panghihinaan ng loob.
Kabi-kabilang pagsabog, sigawan at kalansing ng mga bakal ang naririnig namin mula sa labas. At sa tuwing may sasabog ay nangingibabaw din ang tilian ng mga kababaihan sa loob ng kubo. Gusto ko sanang sumilip para tignan kung anong nangyayari sa labas pero hindi ko magawang makakawala kay Erina. Inilibot ko nalamang ang tingin sa paligid para maghanap ng bagay na maaaring maipanlaban oras na mapasok kami o subukan ng mga bandido na bawiin ang mga bihag nito.
Tila naayon naman sa nangyari ang iniisip ko ng lumagabog ang pinto. Mabilis naman akong tumayo at pinatay ang mga ilaw sa loob ng kubo pagkatapos ay dali-dali kong dinampot ang ilang panggatong na nakita ko malapit sa kusina at iniabot sa ilang mga kasama ko. Matapos ang ilang malalakas na lagabog ay iniluwa noon ang pinuno ng mga bandido. Nanginig ang kalamnan ko sa isiping baka natalo ng mga ito ang mga kawal pero pilit kong pinatatag ang sarili. Lumigid ang mga mata nito sa loob ng madilim na kubo na tila ba sinusuri nito ang kung ano mang bagay na makikita nitong gumagalaw.
Sa gawi ng paghahanap nito ay mukhang hindi pa tuluyang nakakapag-adjust ang mga mata nito sa dilim. Kailangang makalabas kami dito. Noon ko napansin ang bintana malapit sa amin. Mag-isa lamang ito. Kung pagtutulong-tulungan namin ito ay hindi naman siguro malayong matakasan namin ito.
“Makinig kayo, kailangang makalabas tayo dito,” ani ko sa mga kasama ko. Mahina lamang iyon at sapat lang para makarating sa pandinig nila at hindi marinig ng lalaki sa may pinto. “Daan tayo sa bintana pero bago yun kailangan nating lituhin iyong bandido na iyon para makakilos tayo.”
“Paano natin gagawin yun? Hindi tayo ganun kalakas,” nawawalan ng pag-asang reklamo ng isa. Pakiramdam ko naman ay nagsi-ayon ang mga kasamahan namin.
“Nasaan na kayo?” tila nanunuyang anas ng lalaki. Para naman akong kinilabutan sa gawi ng pagkakasabi nito. “Lumabas na kayo sa pinagtataguan ninyo. Wala akong panahon na makipaglaro sa inyo!”
Narinig kong napasinghap ang ilang kasama ko maging si Erina. Hinanap naman ng mata ko ang bulto nito mula sa malamlam na sinag galing sa panaka-nakang pagsabog galing sa labas. Kailangan na naming makakilos bago pa man ito makalapit samin.
Binaling ko ang tingin sa mga kasama ko. “Ganito ang gawin natin-”
“Dito lang pala kayo nagtatago!”
Nahigit ko ang hininga ko saka agad na paglingon sa likod ko. Halos lumuwa ang mga mata ko at mabingi ang tenga sa lakas ng sigawan ng mga kababaihan mula sa tabi ko. Mabilis na nagsitayuan ang mga ito palayo. Maging ako ay dali-dali ring tumayo at napaatras dito ngunit si Erina ay hindi na nagawa pang makalayo dito dahil sa takot. Nang makita kong dadamputin ito ng lalaki ay hindi na ako nakapag-isip pa at mabilis syang itinulak ng malakas dahilan para mabaling sakin ang atensyon ni Grimmold. Naalala ko na ang pangalan niya. Iyon ang itinawag sa kanya ng aristokratong nakabili sakin.
“Takbo Erina!” sigaw ko dito. Mukha namang natauhan ito kahit papaano. Mabilis itong tumayo ngunit tila nag-aalangan pa itong umalis. Magsasalita pa sana ako pero naramdaman ko ang mahigpit na paghawak sa bewang ko. Maagap kong hinagilap ang kahoy na hawak ko kanina at walang pag-aalinlangang pinaghahampas ang lalaki. Pilit naman nitong sinasalag ang mga hampas ko.
BINABASA MO ANG
"YES, YOUR HIGHNESS!"
FantasyTila pinapaboran si Dionne ng pagkakataon nang magkaroon siya ng pangalawang buhay matapos maaksidente. Idagdag pa roon ang pagliligtas sa kanya ng isang gwapong estranghero na nagpakilala lang na Ares, without a surname. Strange but having Ares ar...