Chapter 9
"A-Ano.." magkandautal kong sagot sa kanya. Palakas ng palakas ang kabog ng dibdib ko na hindi ko malaman kung dahil ba doon kaya ako nauutal. Palihim akong humugot ng malalim na hininga. Masyado kasing matiim ang pagtitig sa akin ni Ares at seryoso pa ang mukha. Lalo tuloy akong kinakabahan. "O-Oo. Siya nga. May sasabihin ka ba sa kanya? Mas mabuti siguro kung susundan mo nalang sya baka mahabol mo pa tutal kaaalis palang naman nya."
Saglit siyang hindi kumibo ngunit hindi pa rin nag-aalis ng tingin sa akin. Nailang tuloy ako. Pakiramdam ko ay may kasalanan akong nagawa na siyang ikinagagalit nya. Hindi nakakunot ang noo nya pero sapat na ang mga titig nya sa akin para maramdaman kong galit sya o may bagay siyang hindi nagustuhan.
Mula ng halikan niya ako sa tree house ay kakaiba na ang nararamdaman ko. Para bang may invisible na linya na kumukonekta sa pagitan naming dalawa. Iyong tipo na, kahit hindi niya sabihin sa akin ang ano mang nararamdaman niya ay alam ko at ramdam ko. Tulad nalang ngayon.
Bahagya kong ipinilig ang ulo para iwaglit ang isipin. Hindi pwede ito. Kakasabi ko lang kanina na bibigyan ko ng pagkakataon ang iba tapos wala pang limang minuto ay humaling na naman kay Ares ang utak ko. Mali ito.
"Hindi ang Marquis ang kailangan ko," anas nito. Kinabahan ako pagkarinig noon. Natatakot ako na baka bumigay ang damdamin ko sakali mang mapalapit ulit ako sa kanya.
Akmang lalapitan niya ako nang biglang bumukas ang pinto ng kainan ay lumabas ang dalawang customer doon na marahil ay katatapos lang kumain. Dumaan ang dalawang lalaki sa pagitan namin kaya't nahinto ito sa paglapit. Kinuha ko naman ang pagkakataon para makaiwas dito.
"Ah, mauna na ako Ares," ani ko bago mabilis na pumasok sa loob pagkadaan ng dalawa. Hindi ko na siya hinintay na makasagot.
Dire-diretcho akong pumasok sa loob at hinanap si Helina. Hindi ganoon karami ang tao ngayon dahil lagpas na ang pananghalian ngunit may natitira pa namang mangilan-ngilang kumakain. Marahil ay hindi na namin naabutan ni Marquis ang dagsa ng tao. Agad namang nilingap ng mga mata ko si Helina.
"Nariyan ka na pala, Dionne," bungad ni Sir Ronald.
Ngumiti ako dito para itago ang kabang naramdaman ko bago pumasok sa kusina. Nakasisiguro akong tumutulong si Helina doon dahil nanananghalian ang ilang mga tauhan kapag ganitong oras.
Hindi kalakihan ang kainan nila Helina pero elegante ang dating noon. May ilang mga maliliit na chandelier sa may kisame at napapalamutian ng mangilan-ngilang paintings at mga decorative plants ang dingding. Ang kombinasyong brown at white naman na pintura ang nagbibigay ng magaang ambiance sa lugar. Ang mga lamesa naman ay pawang gawa sa rosewood na nauukitan ng mga bulaklak at dahon na disenyo. Ganoon din naman ang mga upuan.
Kung sa mismong kainan ay brown at white, black and white naman ang sa kusina. Malinis at maayos ang lugar dahil pagkatapos gamitin ang mga utensils ay agad iyong nilinisan ng mga tagahugas.
Nakita ko si Helina na nag-aayos ng order kaya nilapitan ko agad siya. Tumabi lang ako sa kanya pero hindi ako nagsalita. Nang marahil ay maramdaman niya ang presensya ko ay saka lang niya ako nilingon.
"Anong nangyari?" Usisa niya nang ibinalik ang tingin sa ginagawa.
Hindi ko naman sya sinagot sa halip ay dinampot ko ang basahan sa gilid ko at pinunasan ang mga pinggang katatapos lang hugasan. Ramdam ko ang mapanuring tingin ni Helina pero hindi naman nya ako inurirat sa kung anong nangyari.
Nanatili lang akong tahimik habang tumutulong sa ibang trabahador. Ayoko na munang pag-usapan lalo pa at nagkakagulo ang kalooban ko dahil nasa labas lang si Ares. Mula nang makita ko si Ares na tumutulong din sa kainan ay hindi na ako nagtangka pang lumabas ng kusina.
BINABASA MO ANG
"YES, YOUR HIGHNESS!"
FantasiaTila pinapaboran si Dionne ng pagkakataon nang magkaroon siya ng pangalawang buhay matapos maaksidente. Idagdag pa roon ang pagliligtas sa kanya ng isang gwapong estranghero na nagpakilala lang na Ares, without a surname. Strange but having Ares ar...