Marahang tapik sa pisngi ang siyang gumising sakin. Dahan-dahan ko pang iminulat ang mga mata kasabay ng pagbalik sa gunita ko ang nangyari bago ako mawalan ng malay. Agad akong nagdalawang-isip kung imumulat ko ba ang mga mata ko o magpapanggap akong natutulog. Natatakot kasi akong malaman kung ano ang nangyari. Saglit ko pang pinakiramdaman ang katawan ko kung may masakit sakin pero wala naman akong naramdamang kahit ano.
"Gising ka na, miss,” ani ng isang baritonong tinig. “Ligtas na kayo ng mga kasamahan mo.”
Mabilis pa yata sa alas kwatro na napadilat ang mga mata ko at napabalikwas ako ng bangon pagkadinig doon. Hindi na ako nakapag-isip pa kung totoo nga ba ang sinasabi nito o hindi. Nakampante lang ako ng makita ko ang suot ng lalaking nakatunghay sakin.
Nakasuot ito ng damit na mukhang pangsundalo ng palasyo. Nakasuot ito ng kulay pulang uniporme na napapalamutian ng mga braided na tali at mga butones. May ilan ding mga chapa na naka-pin sa damit nito na marahil ay tanda ng rango nito. Sa bewang nito ay nakasukbit ang samu’t saring katad na sinturon at isang espada. Mahaba rin ang likuran ng unipormeng suot nito na may biyak sa gitna ang laylayan. Ang pang-ibaba naman nito ay kulay itim na trouser at nakasuot ng cavalry boots.
Nang ilibot ko ang tingin sa paligid ay nakita ko ang napakaraming unipormadong lalaki na nakasuot ng halos katulad ng nasa harapan ko. Marahil ay mataas ang rango nito dahil ito lang ang nakikita kong nakasuot ng pulang damit sa labas. Ang sa iba kasi ay asulan o di kaya ay mapusyaw na asul. Sinipat ko naman ang hitsura ng sundalo na ito. Hindi ko naman mapigilang hangaan ang angking gandang lalaki nito kahit may edad na. Marahil ay nasa mga singkwenta na ang edad nito.
Nakaupo ito sa tapat ko at tila ba sinisipat pa nito ang lagay ko. Noon ko naalalang nakahubad nga pala ako noong mawalan ako ng malay. Agad kong binalingan ang katawan ko at saka lang ako napanatag ng makitang may suot na akong damit. Ngunit kahit na ganoon ay nakipkip ko pa rin ang abuhing kumot na nakatakip sakin.
“Wala kang dapat ipag-alala, hija. Walang gagalaw sa iyo dito. Iyong isang babaeng kasama mong nahuli ang nagbihis sayo,” anito ng tila mapansin ang pag-aalala ko.
“Sino ba kayo?” nakakunot noong tanong ko dito kahit na medyo obvious na ang sagot.
“Mga kawal kami ng palasyo na inatasang tumugis sa mga bandidong dumadakip sa mga kababaihan,” paliwanag nito. “Nagiging talamak na ang pagkawala ng mga kababaihan sa iba't ibang parte ng palasyo. Mainam nalang at may nakapagsabi samin na naroon sila sa auction house. Mainam nalang din at hindi kami nahuli ng dating. Kung hindi ay baka kung ano na ang sinapit mo, ninyo, sa kamay ng mga lalaking iyon.”
Nangilabot ako ng maalala ang muntik ng mangyari sakin ng mga oras na iyon sa mga kamay ng mga manyakis na mga lalaking iyon. “N-nasaan na sila?” nangangamba man ako sa maaaring isagot nito ay itinanong ko pa rin.
“Sa ngayon ay nakakulong pa sila-”
“Sa ngayon? Anong ibig mong sabihin?” nagugulumihanan kong tanong dito. “Sa kabila ng naaktuhan nyong nangyari sakin at kung mamasamain pa ay baka mas malala pa ang sa iba, may pag-asang makalaya pa sila?”
“Hangga’t hindi sila nakakarating sa nakatataas na hukom at wala pang ibinababang desisyon ang hari, may tyansa pa silang makalaya.”
Hindi ko napigilang mapanganga sa tinuran nito. Agad akong nakaramdam ng inis at galit sa nangyari. Mukhang hindi nalalayo ang batas dito at batas sa pinanggalingan kong mundo. Pinilit kong kalmahin ang sarili ko. Kahit papaano ay nagawa pa rin naman nila akong iligtas kahit na hindi pa sigurado ang kahihinatnan ng mga taong muntik ng lumapastangan sakin. Ngayong nakaligtas ako ay isa lang ang gusto kong gawin, at iyon ay ang makabalik sa piling ni Ares.

BINABASA MO ANG
"YES, YOUR HIGHNESS!"
FantasyTila pinapaboran si Dionne ng pagkakataon nang magkaroon siya ng pangalawang buhay matapos maaksidente. Idagdag pa roon ang pagliligtas sa kanya ng isang gwapong estranghero na nagpakilala lang na Ares, without a surname. Strange but having Ares ar...