"Leigh!"
Napalingon ako mula sa pagpupunas ng bintana sa silid-hapagkainan ng palasyo nang marinig ko ang malakas na tili ni Lorina. Nakita ko itong tumatakbo papalapit sakin. Naglingunan din ang ilang katulong na kasama ko doon na naglilinis din ngunit hindi naman iyon alintana ni Lorina.
Bakas sa mukha nito ang saya at pag-aalala ng makita ako kaya't hindi ko na rin naiwasang mapangiti dito. Nakakatuwa lang isipin na sa dami ng masasamang tao na nakasalamuha at nakilala ko, may natitira pa rin na mga totoong makisama tulad ni Lorina. Isa rin iyon sa dahilan kung bakit hindi ko pinagsisisihan kung maparusahan man ako sa pagtulong sa kanya. Mabibilang sa kamay kung ilan silang mga totoo sa palasyo kaya't ayoko ng mabawasan pa ang mga iyon.
Nang makalapit ay mabilis ako nitong ginawaran ng yakap, dahilan para mawalan ako ng balanse at kapwa kami bumagsak sa makintab sa sahig. Masakit man ang pwet ko sa pagbagsak ay hindi daing ang lumabas sa bibig ko kundi malutong na halakhak na sinabayan din ni Lorina.
"Okay ka lang ba, Leigh? Ah, Dionne? Ah– ano ba talaga?" Magkahalong pag-aalala at pagkalito ang mabilis na pumalit sa masayang tawa nito. "Bakit ngayon ka lang bumalik?"
Nanatili naman akong nakangiti. Nagpalipas muna kasi ako ng ilang araw bago bumalik. Pinahupa ko muna ang gulo, maging ang init ng ulo ni Madam Ruth. Baka kasi magkaroon na naman ng problema kapag nagtagpo agad ang landas namin nito. "Nagpalamig muna ako. Alam mo na, baka magsiklab na kami ni Madam kapag nagkita kami agad. Kahit alin naman ang itawag nyo sakin. Kung ano ang nakasanayan mo, okay lang," sagot ko dito.
"Mabuti nalang at pinarusahan sila Amelia. Akala ko ay kokontra na naman si Madam Ruth pero ng malaman niya na ang prinsepe ang nag-utos, hindi na siya nakaimik,* kwento ni Lorina. "At bakit naman hindi mo sinabi samin ang buong pangalan mo?"
Nagulat man ako sa narinig ay hindi ko nalang ipinahalata. "Masyado kasing komplikado," ani ko nalang. Hindi ko na masyadong idinetalye pa sa kanila nila Nanay Melinda ang nangyari sakin. Ayoko na kasing madagdagan pa ang masasangkot sakaling magkaroon na naman ako ng problema.
Napalingon kaming lahat sa pinto at naalerto nang magtawag ng atensyon ang isa sa mga gwardiya na nakatayo sa may pinto.
"Ang Crown Prince Vann Ariston," anunsyo nito na siyang ipinanlaki ng mga mata ko. Kasunod noon ay ang pagbukas ng malaking double door ng silid. Dali-dali naman kaming tumayo ni Lorina at humilera kasama ng mga kasamahan namin.
Awtomatikong nagwala ang dibdib ko pagkarinig palang sa pangalan nya. Kulang nalang yata ay pumalakpak ang tainga ko ngunit pinilit kong kalmahin ang sarili dahil baka makahalata ang mga kasama ko. Mahirap na.
Bahagya ko pang sinulyapan ang mga kasamahan ko na mga tuwid na tuwid ang tayo at diretcho sa harap ang tingin. Nang masilip ko ang sedang tela na suot ng unang pumasok ay mabilis akong tumuwid ng tayo at pinanatili ang tingin sa harap. Hindi ko tuloy mawari kung tunog ba ng mga yabag ang naririnig ko o pintig ba iyon ng puso ko.
Sa ilang araw na hindi ko pagbalik sa palasyo ay hindi pumalya si Ares sa pagpuslit sa kwarto ko gabi-gabi. Ngunit hindi tulad noong una naming pagkikita, lumipas ang ilang gabi na walang nangyari samin. Tanging halik at yakap lang hanggang sa makatulog kami at pagdating ng madaling araw ay aalis na siya. Kung bakit itong puso ko, kahit laging nakikita si Ares ay wala ring palya sa pagwawala.
Hindi ko magawang ibaling ang tingin sa mga bagong dating kaya't wala akong ibang inaasahan kundi ang pakiramdam ko. Nasa hulihan ako ng sampung kababaihang nakatayo, kung bakit tila ba parang nasa pinakaunahan ako.
BINABASA MO ANG
"YES, YOUR HIGHNESS!"
FantasyTila pinapaboran si Dionne ng pagkakataon nang magkaroon siya ng pangalawang buhay matapos maaksidente. Idagdag pa roon ang pagliligtas sa kanya ng isang gwapong estranghero na nagpakilala lang na Ares, without a surname. Strange but having Ares ar...