CHAPTER 13

361 37 2
                                    





Bago pa man ako makapagtanong kay Helina tungkol sa sinasabi nito ay umalingawngaw na ang ingay at mga bulong-bulungan ng mga tao habang nakatuon ang tingin sa iisang direksyon. Agad na napalingon doon ang dalawa kong kasama kaya napukaw na rin ang kuryosidad ko at napatingin na rin doon.

"Hindi na ako makapaghintay na makita siya ulit," ani ng isang dalaga sa kakilala nito malapit sa amin. Para bang may halo pang kilig ang pagsasalita nito. Hindi naman sa nakikinig kami sa kanila, sadya lang napakalakas ng usapan ng mga ito kaya naririnig namin.

"Ako man. Medyo matagal na rin kasi mula ng huli siyang dumalo sa mga ganitong banquet," sagot ng kausap nito. "Ang balita pa ay naging masyadong mailap ito sa mga ganitong kasiyahan. Napakalakas lang talaga ng mga Bonnefare sa palasyo."

Nagkatinginan kami ni Helina pagkarinig noon. Kung ganoon ay hindi lang malaking tao ang mga Bonnefare kundi malakas din sila sa mga royalty ng Asteria. Bigla tuloy sumagi sa isip ko iyong tungkol sa Marquis. Kung totoo ngang nagugustuhan na ako ng Marquis, hindi niya kaya ako papugutan ng ulo sa hari kapag tumanggi ako sa kagustuhan niya? Kinilabutan ako sa naisip.

Ayokong isipin na may kakayahan ang mga ito na kumilos sa brutal o di kaya ay maruming pamamaraan dahil lang sa hindi nila makuha ang gusto nila. Wala rin naman sa itsura ng Marquis na ganoon.

Nakamasid pa rin ako sa mga nangyayari nang gagapin ni Helina ang kamay ko at hilahin patungo sa kumpulan ng mga tao na unti-unting nahahawi sa gitna para marahil bigyan ng daan ang mga paparating.

"Saan ba tayo pupunta, Helina?" Nagtatakang tanong ko dito.

"Basta sumunod ka nalang," anito na hindi man lang ako nililingon. Nang lingunin ko naman si Sir Hact ay naroon din ito at nakasunod sa amin.

"Ano bang meron sa crown prince na iyon?" Hindi ko tuloy maiwasang hindi ma-curious sa prinsipe na iyon dahil sa mga naririnig ko sa paligid. Kung sana ay kasing-gwapo din iyon ng mga crown prince na napapanood ko dati ay baka sakaling makisang-ayon din ako sa kanila.

"Makikita mo rin mamaya," sagot sa akin ni Helina. "Sana lang ay hindi ito sumunod sa code."

Napakunot-noo man ako sa huling sinabi niya ay hindi na rin ako muling nagtanong pa. Namalayan ko nalang na sa Baron pala ang punta ni Helina nang huminto ito sa gilid noon. Nag-excuse pa si Helina sa lalaking nasa tabi noon upang humingi ng espasyo para sa amin ngunit hindi na ako nag-atubiling lumugar doon. Kasalukuyan kasi kaming nasa harapan ng mga taong nakaabang sa pagpasok ng espesyal na bisita.

"Dionne, halika dito sa tabi ko. Bakit ka nariyan?" Mahinang anas ni Helina ngunit hindi ko na nagawang sumagot dahil lalong lumalakas ang bulung-bulungan ng dumaan sa harapan namin ang pamilya Bonnefare. Patungo ang mga ito sa pinto para salubungin ang crown prince.

Nakasunod lamang sa mga ito ang tingin ko. Hindi ko tuloy mapigilang hindi hagurin ang mga ito ng tingin lalo na ang Marquis. Sanay naman na ako sa mga pormal na pananamit nito ngunit iba pa rin ang dating nito sa mga ganitong okasyon. Bumagay dito ang suot nitong maroon na tailcoat na may ilang burda at koloreteng ginto na tinernohan pa ng itim na breeches at itim ding knee-length boots.

Ayos na ayos din ang pagkakahawi ng buhok nito palikod na siyang bumagay naman dito. Hindi maikakaila ang lalong pag-angat ng kagwapuhan ng Marquis, bagay na kitang-kita sa bawat paglingon ng mga kababaihan na madadaanan nito. Hindi ko alam kung may diperensya na ba ang mga maya ko o sadyang hindi lang talaga ako tinatamaan ng charm nito. Kung ako kasi ang tatanungin ay wala pa ring mas makahihigit sa kagwapuhang taglay ni Ares.

"Ayan na sila. Umayos kayo, Helina," untag ng Baron Ronald.

Napatayo naman ako ng tuwid at naghanda sa pag curtsy sa parating na mga royalty. Sa unang pagkakataon ay makikita ko na rin ang royalties ng bayang kinagisnan ko pagkatapos kong mabuhay ulit.

"YES, YOUR HIGHNESS!"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon